Kuya

8.9K 251 36
                                    

Sa aming pamilya ay mag-isa na lang akong naiwan dito sa Pilipinas. P-in-etition na sila Mama at Papa ni Kuya at ako naman ay nagdesisyong magpaiwan dahil na rin gusto ko munang matapos ang aking kolehiyo bago ako sumunod sa kanila.

Hindi rin naman ako maituturing na nag-iisa lamang dahil pinaupahan ni Mama ang kabilang kwarto sa isang estudyante na mula sa probinsya.  Parehas naman kaming babae at kilala ni Papa ang pamilya niya kaya panatag silang pasamahan ako dito.  Bukod nga naman sa hindi sila nag-aalala sa akin ay may extrang kita pa ang bakanteng kwarto.

Siya si Junielle, isang 3rd year Pol Sci student sa unibersidad na pinapasukan ko.  Tahimik siya at parang misteryosa.  Umuuwi siya sa probinsya nila tuwing katapusan ng Linggo at bumabalik lamang tuwing Lunes.  Matagal-tagal ko na rin siyang kasama at nakapagkwentuhan na rin naman kami ng ilang mga bagay.

Paminsan-minsan ay nakikitulog sa kwarto niya ang kuya niyang nagtatrabaho sa may isang kumpanya sa Makati.  Hindi raw ito madalas nakakauwi at madalang silang magkita ng batang kapatid kaya't sa tuwing may bakante itong oras ay dadalawin nito si Junielle.  Kung uuwi kasi ito sa probinsya madalas natatapat na wala doon ang kapatid kaya't dito siya bumibisita sa bahay.  Siya si Macky, 24 anyos na taong gulang at isang lisensyadong arkitekto.  Kamukha nito ang kanyang kapatid kung hindi nga lang mahaba ang buhok ni Junielle ay mapagkakamalan mo silang kambal.

Ako si Leila at ito ang istorya ng isang gabi na nakitulog ang kuya ni Junielle sa aming bahay.

Wala sa hinagap ko na darating ang isang gabi na makikitulog ang kuya ni Junielle sa bahay ng wala siya.  Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya nalaman na wala doon si Junielle gayong alam naman nito na umuuwi si Junielle sa probinsya nila tuwing weekend.  Nagulat na lang ako nang marinig itong kumakatok sa may pintuan isang gabi ng Sabado. Agad ko namang binuksan ang pinto dahil kilala ko naman siya at hindi ko siya pinag-iisipan ng masama.  Ilang beses na siyang nakitulog sa amin at naging maayos naman ang pakikitungo nito sa akin.

"Leila, nandyan ba si Junielle?" tanong nito sa akin

"Weekend ngayon, umuwi siya."

"Ano ba 'yan.  Sinabi ko nang h'wag na muna siyang uuwi this week eh."

"Hindi ba nag-text sa iyo?"

"Hindi eh."

Isang malalim na buntong hininga lamang ang pinakawalan niya na parang dismayado sa mga nangyayari.  Napaupo siya sa harapan ng pintuan kaya't niyaya ko muna siyang pumasok sa loob para doon siya magpahinga.

"Pasok ka muna."

"Salamat."

Agad siyang umupo sa sofa, kampante na naman siya sa bahay at tinuturing niya na ring parang sariling bahay niya iyon.  Napansin kong alas-diyes na ng gabi at mukhang hindi na ligtas dito ang bumiyahe pabalik ng Makati kayat inalok ko na rin na doon na siya magpalipas ng magdamag.

"Pwede ba?  Kahit wala si Junielle?" panigurado pa niya.

"Oo naman, magkaiba naman tayo ng kwarto." natatawang sabi ko

Sa puntong iyon ay para siyang nakahinga ng maluwag.  Bubuksan niya sana ang kwarto ni Junielle pero naka-lock nga pala iyon. Hinanap ko muna ang susi ng bahay pero hindi ko alam kung bakit hindi ko iyon makita sa puntong iyon.  Hinalughog na yata namin ang lahat ng lugar na pwede kong pagtaguan ngunit hindi ko pa rin makita.  Hanggang sa sumuko na lamang kami sa paghahanap at sinabi niyang sa sofa na lamang siya matutulog.

Hinayaan ko naman dahil wala na talaga siyang lugar na mapapagpilian.  Alangan namang isama ko siya sa kwarto ko. Agad siyang humiga sa may sofa na nakatapat sa aking kwarto.  Pakiramdam ko ay pagod siya kaya't hindi niya na ako nahintay pumasok ng kwarto bago siya humiga.  Nakasanayan ko nang iwan na nakabukas ang pinto ng kwarto ko kampante naman akong mabait na tao si Macky.

Hihiga na sana ako nang mapansin kong nakasilip sa loob si Macky at nakatingin sa akin.  Madilim ang mga mata niya na parang balisa ito.  Tumayo siya at lumakad papalapit sa pintuan ng kwarto ko na agad kong ipinagtaka.  Nilapitan ko siya at tinanong.

"May problema ba, Macky?" tanong ko sa kanya

"H'wag ka munang matulog.  Gusto mo bang lumabas muna tayo?" anyaya niya sa akin

Nagsimula na akong magduda sa mga kilos niya.  Bakit niya ako aanyayahan sa labas gayong napapansin kong gusto na niyang matulog at pagod siya.  Hindi kasi ganoon ang normal na kilos ng kuya ni Junielle.  Madalas kapag bumibisita ito ay tahimik lang din ito gaya ng kanyang kapatid.

"Kasi inaantok na ako." akmang papasok ako sa loob ng kwarto at isasara ang pintuan ng bigla niyang iharang ang kanyang mga kamay.  Muntik na tuloy iyon na ipit kung hindi ko nga lang napigil ang pagsara ng pintuan.  "Ano bang problema mo?"

"Lumabas muna kasi tayo." pilit niya pa rin

Hindi ko na siya pinansin at isinara ko na ang pintuan.  Ngunit pagsara ko ng pintuan ay walang tigil niyang pinagkakatok ang pintuan at tinawag niya ang pangalan ko.  Natakot na ako sa kinikilos niya. 

"Hindi na kita kukulitin pero samahan mo muna akong kumain ng pizza sa may labas.  Please" pakiusap nito.

Wala na akong pagpipilian kung hindi ang sumunod sa kanya.  Kinuha ko ang cellphone ko para magamit ko iyon kung sakali man na may masama siyang balak sa akin.  Sa oras na makita kong may kahina-hinala siyang kilos ay agad akong tatawag sa pulisya.

Paglabas namin ay patakbo niya akong hinatak.  Nagmamadali siyang makalayo sa may bahay namin na parang may kinatatakutan.  Nang makalipat kami ng kanto ay agad niyang kinuha ang cellphone niya.  Kitang kita ko ang panginginig ng kamay niya at muntik pa niyang mabiwatawan ang kanyang phone.

"Ano ba talagang problema?"

"Tatawag ako ng pulis.  May lalaking may hawak ng kutsilyo sa likod ng kurtina ng kwarto mo.  Hindi mo ba napansin?"

Halos mawalan ako ng lakas sa sinabi niya.  Siya na pinaghinalaan ko ay nais lamang pala akong tulungan.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon