Camping

11.8K 212 19
                                    

Halos anim na oras ang biniyahe ng tatlong magkakaibigan para makapagpahinga lamang at malayo sa ingay ng siyudad. Eksakto ang kanilang pagbabakasyon dahil mainit ang panahon. Tamang-tama at makakapagsiya sila sa malalamig na batis at talon ng lugar na iyon. Hindi ganoong kasikat ang probinsya pero kilala iyon ng mahihilig mag-camping. Isa iyong paraiso kung ituring ng mga taong mahihilig sa kalikasan. May mga natural pool na hindi napupuntahan ng marami at kung susuwertehin kayo ay masosolo ninyo ng inyong mga kaibigan ang natural pool na iyon.

Sila Sam, 17 years old nakasuot ng abong shirt at 6-pocket na shorts at Oakley na shades, Rigor na nasa anim na talampakan ang taas, mahaba ang buhok na palaging nakaipit at si Joshua na pinakabata sa tatlo. Hindi na bago sa kanila ang magpunta sa lugar na iyon. May kung ilang beses na silang naglalagi doon para magpahinga. Iyon na kasi siguro ang pinakamagandang lugar na hindi nalalayo sa siyudad.

Buti na lamang at Abril at tag-araw. Kapag tag-ulan kasi ay binabawalan ang sinuman na mag-camping sa paligid ng mga falls at natural pool dahil mabilis iyong mapuno. Delikado para sa mga nagka-camping ang lugar kapag nagsimula nang mapuno ng tubig dahil wala na silang matatakasan. Noong nakaraang taon nga lang ay may nagbuwis na naman nga ng buhay sa tahimik na lugar na ito.

May isang oras ang ginawang paglalakad ng tatlong magkakabarkada bago nila narating ang paborito nilang campsite. Tumawid pa sila ng falls, naglakad sa gilid ng bangin at muntik pa silang maligaw. Dati-rati naman kasi ay dumadaan muna sila sa tanggapan ng baranggay para maki-usap sa isang lokal na dalhin sila sa lugar na iyon at matapos ay babayaran na lamang nila iyon. Pero dahil nga sa ilang beses na sila nakakapunta sa lugar na ito ay nagdesisyon silang kaya na nilang tatlo.

Pagdating nila sa mismong lugar ay huminto sila panandalian para pagmasdan ang ganda ng lugar. May falls ang natural pool na iyon na nasa tatlong talampakan lamang ang taas. Napakalinaw ng tubig na akala mo ay walang tubig na naroon.

"Wohoo! Nakabalik din." Sigaw ni Sam na hindi maitago ang pagkasabik.

"Ang ganda talaga, ano?" maikli namang sabi ni Rigor.

Akmang huhubarin na ni Joshua ang kanyang pang-itaas na damit para maligo ngunit pinigilan siya nila Sam.

"Josh, bago ka tumalon diyan, tulungan mo muna kami sa pagset-up ng tent. Tatakas ka na naman eh." Biro ni Sam kay Joshua.

"Kaya niyo na 'yan. Isang tent lang naman ang itatayo niyo." Sagot ni Joshua kay Sam.

"Eh anong gagamitin mo? Akala ko ba ikaw ang bahala ng sa'yo. Masikip ang tent sa ating tatlo ha." Paalala ni Rigor kay Joshua.

"Mag-sleeping bag na lang ako." Wala nang nakapigil kay Joshua at tumalon na nga sa tubig

Habang inilulublob ni Joshua ang kanyang katawan sa malamig na tubig ay inaayos naman ng dalawa ang tent. Nagsawa siyang lumubog at lumitaw sa tubig na parang isang batang sabik. Paminsan-minsan ay sumisigaw pa siya sa saya kaya't hindi maiwasan na mainggit na dalawa. Binilisan tuloy nila ang kanilang pagtatayo sa tent para makapagsaya na rin sa tubig at nang matapos nila iyon ay sumunod na sila kay Joshua na kanina pa nagbababad sa tubig. Buong araw silang nagsaya na parang wala ng bukas.

Kinagabihan ay nagkaroon sila ng kaunting inuman. Ang tatlong bote ng alak na ibinaon nila sa may batis ay biglang lumamig na parang may yelo. Ginawa nila iyon para madali na ring makatulog at pampainit na rin sa katawan dahil sa sobrang lamig ng lugar. Matapos silang maka-ilang baso ay nagsimula na silang tamaan. Uubusin pa sana nila ang natitirang alkohol sa bote ngunit mas ginusto na nilang humiga at maidlip na.

Gaya nga ng inaasahan ay sa tent natulog sila Rigor at Sam at si Joshua naman ay gumamit lang ng sleeping bag at tumabi sa ginawa nilang campfire para hindi gaanong lamigin. Dahil nga rin sa pagkalasing nila ay agad silang nahimbing. Tanging ang mga lagalas na lamang ng puno at tubig kasama na ang ingay ng kuliglig ang maririnig sa lugar. Mahimbing na ang tulog nila at hindi na nila namamalayan kung ano man ang naririnig nila sa kanilang paligid.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon