Kumusta? Naisipan kong isulat dito sa Pinoy Horror Stories 2 ang random na bagay na ito dahil sa tingin ko ay papasa naman ito bilang isang horror. Kung naka-add kayo sa akin sa FB malalaman ninyong wala ako sa Maynila at pumunta sa probinsya para sa isang retreat dahil sa Holy Week at pagkatapos ay umuwi ako sa Lolo ko.
Ang aking silid sa bahay nila Lolo ay nasa ibaba. Bata pa lang ako ay hindi na ako kumportable na aakyat pa sa hagdan kapag antok na antok ka na. lalo na sa kagaya ko na ayaw ipikit ang mata hanggat hindi dinadapuan ng sobrang antok. Pinapagod ko muna ang sarili ko sa dami ng mga responsibilidad ko kay Papa, sa mga task ko sa iba't ibang kliyente at kamakailan lamang ay nagsimula na akong tumingin sa mga kumpanya na magandang pag-reviewhan para sa nalalapit na board exam.
Kagabi nga ay ganoon ulit ang routine na ginawa ko. Kakain, magsa-shower at matapos iyon ay bubuksan ko ang laptop para gawin ang mga research task ni Papa at mag-email sa mga client. Nagbasa rin ako ng ilang kwento sa wattpad at ginawa ang ilang task ko bilang isang wattpad ambassador. Hindi naman ganoong kalakihan ang kwarto ko sa probinsya, may kama na dating nasa gitna pero pinalagay ko sa gilid katabi ng bintana dahil gusto ko na kapag may ginagawa ako ay may natatanaw akong iba liban sa dingding ng kwarto. May studytable kung saan madalas ako dating gumawa ng assignment pero ngayon ay tambakan na lamang ng mga hindi ginagamit na bagay, mas gusto ko kasi na nakapatong na lamang sa mga hita ko ang laptop habang naka sandal ako sa kama. Kapag nangawit ako ay mag-i-indian sit ako at ilalapag sa ibabaw ng kama ang laptop. Nakakangawit noong una pero nakasanayan ko na.
Nagta-type ako ng report para ie-mail kay Papa ng may narinig akong kaluskos sa may labas. Binuksan ko ang bintana ngunit wala akong makita. Bumalik ako sa pagkakaupo sa kama ngunit ramdam ko pa rin ang kakaibang pakiramdam na parang may nakatingin sa iyo. Paminsan-minsan ay bibiglain ko ang pagtingin sa bintana para mahuli kung may nakatingin nga o wala pero wala ulit akong nakita. Kahit hindi ko nakasanayan na gawin ay muli akong tumayo sa kama at hinatak ang kurtina para mawala na rin ang pagka-paranoid ko at bumalik ako sa ginagawa ko.
Kung sa tingin ko ay mawawala na ang pagkabalisa kong iyon ay hindi pa rin iyon nawala. Nag-iisa ako sa kwarto pero parang may nakatingin talaga sa akin at nagmamasid. Sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay muli na naman akong tumayo, tinungo ko ang banyo at sinilip iyon, binuksan ko ang aparador pero wala akong nakita. Nakakainis ang ganitong pakiramdam, sa tingin ko ay namamahay na naman ako dahil matagal-tagal na akong hindi nakakauwi. Sinilip ko ang oras sa sulok ng laptop ko, 11:47 pm sigurado ako na sa oras na ito ay ako na lamang ang gising sa bahay nila Angkong.
Lumabas ako sandali para kumuha ng yogurt sa ref. Kapag gabi, kahit na gutom na ako ay iniiwasan ko ang kumain, hindi na kasi matutunaw iyon at magiging taba lamang. Gusto ko sanang sumilip sa itaas dahil mukhang naiwanan na naman ni Angkong na bukas ang TV at naririnig ko iyon pero mabigat na ang katawan ko.
Bumalik ako sa kwarto at naramdaman ko na ang antok. Bago ako tuluyang humiga at matulog ay nabasa ko ang isang balita na mula sa isang online magazine site. Nakalagay doon ang balita na mag-ingat sa pagpo-post ng mga picture mo online at pwedeng ma-trace ang picture mo kung naka-open ang Location Services mo sa iphone mo. Ginagamit daw iyon ng ilang masasamang loob para sa kanilang modus operandi. Naalala ko na nakabukas ang Location Services ko pero pinabayaan ko lamang iyon. Wala naman sigurong magpapagod na hanapin ako gamit ang mga picture ko kung pwede naman nilang itanong iyon sa akin at isa pa tahimik na lugar naman ang probinsyang iyon. Malaking balita na nga kung may mabalitaan kang kapitbahay na nagsigawan.
Pinatay ko ang laptop at ang ilaw saka ako humiga sa kama. Ipipikit ko na sana ang mata ko nang maalala kong nakalimutan kogn silipin ang ilalim ng kama kanina. Naroon pa rin kasi ang pagkabalisa ko na parang may nakatingin. Pero dahil antok na ako at pagod ay hindi ko na nagawang bumangon at tingnan iyon. Ilang beses na kasi akong bumabangon at palagi namang wala akong makita. Natulog ako ng mahimbing kagabi.
Sa tingin niyo ba ay nagising pa si Author? Gaano kayo kasigurado na si Dominotrix pa rin ang nagkukwento sa inyo ng nangyari kagabi? Kung sumilip lang sana siya sa ilalim ng kama at baka nakita pa niya kung may tao sa ilalim ng kama o wala. Kinikilabutan ka na ba na nagbabasa nito? Dapat lang, hawak ko ang mga litrato mo online at kapag nakabukas ang location services mo ay baka maligaw ako sa lugar mo. H'wag mong kalimutang tingnan ang lahat ng sulok na pwede mong tingnan ngayong gabing matutulog ka.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories II (Completed)
HorrorCreepy tales from the underworld. Paalala: H'wag ninyong babasahin nang nag-iisa.