Suggestion Box

13.1K 265 25
                                    

Juan Vicente Academy, isang pribadong paaralan kung saan ang lahat ay nasa ayos. Kamakailan lamang nang nagtalaga sila ng karagdagang security guard dahil na rin sa napapabalitang pagtaas ng kaso ng krimen sa mga kabataan. Strikto ang paaralan na ito at ayaw nilang mawala ang tiwala ng mga magulang sa kanila kaya't handa silang gawin ang kahit ano mapanatili lamang ang kaayusan sa paaralan.

Ako si Maco at ito ang kwento ng suggestion box.

Kahit na gaanong kahigpit ang paaralan na ito ay hindi pa rin naman nawawala ang mga pasaway na estudyante. Karaniwan na ang mga ganoon lalo na sa isang pribadong paaralan kung saan madalas parehong abala ang kanilang mga magulang kaya't sila ay napapabayaan.

Upang mas maging epektibo ang paraan nila ng pagdidisiplina at pagpapaganda sa campus ay naglagay ang pamunuan ng isang suggestion box kung saan ang lahat ay malayang maipahayag ang mga nais nilang ireklamo tungkol sa paaralan.

Noong una ay walang pumapansin doon. Sino nga naman ang maglalakas loob na ilagay ang mga bagay na ayaw niya sa isang estriktong paaralan. Dinadaan-danan lamang iyon ng mga estudyante at guro. Kahit nga ang ibang tauhan sa campus ay hindi magawang tingnan man lamang ang suggestion box.

Isang araw ay biglang may naligaw na aso sa loob ng paaralan. Walang may-alam kung kanino ang aso o kung paano ito nakapasok sa loob ng paaralan. May nagsabi na baka sa likod ito dumaan kung saan mas mababa ang bakod. May nagsabi naman na baka naiwang bukas ang gate ng paaralan noong isang gabi at doon dumaan ang aso. Mabait naman noong una ang aso kaya't hinayaan na rin siya ng mga opisyal ng paaralan. Minsan may mga estudyanteng lalapit sa aso at bibigyan siya ng pagkain. Pero dumating ang araw na nagtatahol ng walang humpay ang aso. Nagsimula na noong maperhuwisyo ang mga mag-aaral sa oras ng klase dahil hindi nila matuon ang pansin nila sa leksyon.

Noon ko naisip ang suggestion box. Pwede nga palang ilagay doon ang mga reklamo mo. Noong una ay nagdadalawang isip pa ako kung gagamitin iyon dahil baka wala namang pumansin sa reklamo ko at matagal nang hindi nagagalaw ang suggestion box. Sa huli ay nagsulat pa rin ako sa kapirasong papel.

"Marami na pong nababahala sa pag-iingay ng aso at hindi sila makapag-aral ng maasyos. Kung pwede sana ay gawan ninyo ng paraan."

Itinupi ko ang papel at saka hinulog sa suggestion box.

Kinabukasan ay nagulat ako sa pagbabago ng paligid. Habang nagtuturo ang prof namin ay wala na ang pagtahol ng aso. Masaya ako at pinapakinggan pala ng pamunuan ang mga hinaing ng kanilang mga estudyante. Tahimik na muli sa loob ng eskwelahan, marahil ay dinala nila sa ibang lugar ang aso o kaya naman ay ibinigay sa may animal shelter.

Pero hindi doon natapos ang paglalagay ko ng reklamo sa suggestion box. Nagkaroon ako ng disgust sa isang professor dahil sa patuloy niyang paghingi sa amin ng mga pera tungkol sa mga project na hindi naman namin makita. Noong simula na ng klase ay nanghingi na siya sa amin ng limang daang piso at para na raw iyon sa mga magagamit naming materyales sa buong taon. Pero hindi pa nakakakalahati ang school year ay muli na naman siyang nanghingi ng karaagdagan para daw sa science project at pambili ng mga microscope na hindi naman namin nakita. Kailan lang ay mulis siyang nanghihingi ng kontribusyon pambili daw ng mga uniporme namin sa experiment pero muli ay wala na naman kaming nakitang uniporme.

Hindi na ako nakapagtimpi at muli akong bumalik sa suggestion box para isumbong ang prof ko na iyon.

"Sana po ay gawan ninyo ng aksyon ang teacher ng Biology ng 2-Diamond. Matagal na po niya kaming sinisingil ng kung anu-ano sa proyekto na wala namang saysay."

Tinupi ko ulit ang papel sa dalawa at inihulog iyon sa suggestion box.

Kinabukasan pagpasok namin ay iba na ang teacher na pumasok ng Biology. Pinakilala siya ng principal sa amin at ang dati daw naming professor ay umalis na papuntang ibang bansa para doon na magtrabaho. Tiyempong tyempo naman sa reklamo ko, mabuti pa yata ay hindi na lang ako nagreklamo at aalis din pala ang prof ko na iyon. Marahil ginamit niyang pang-placement fee ang mga nakolekta niya sa kanyang mga estudyante.

Ang sumunod na pag-punta ko sa suggestion box ay para ireklamo na ang kaklase kong problem student na patuloy na nambubully ng mga estudyante sa loob ng paaralan. Hindi ko na natagalan na ginagawa niyang katatawanan ang mga estudyante sa school at wala silang ginagawa. Matapos kong maisulat ang reklamo ko na iyon ay itinupi ko ulit ang papel at inihulog ulit sa kahon.

Hindi ko alam kung anong naisip ko at tumungo ako sa likod ng school kung saan may malaking bakanteng lupa at lumang building na hindi na ginagamit. Ipaparenovate daw iyon pero hanggang ngayon ay hindi nila magalaw. May mga tambak ng upuan doon kung saan umupo ako at nagpahinga, malayo sa magugulong ingay ng mga estudyante.

Masarap ang simoy ng hangin doon pero noong mga panahong iyon ay nagtaka ako sa kakaibang dalang amoy ng hangin. Mabaho pa iyon sa patay na daga, nakakasulasok at babaligtad talaga ang sikmura mo. Agad kong kinuha ang aking panyo at insprayan ng pabango sabay itinakip sa ilong ko. Pero sadyang nangingibabaw pa rin ang mabahong amoy. Aalis na sana ako ng mapansin kong may nilalangaw na bagay sa hindi kalayuan. Tinungo ko ang lugar na iyon at nakita ko ang nabubulok na katawan ng aso. Hindi ako maaaring magkamali, iyon ang aso na naligaw sa school. Pero hindi iyon ang talagang nakagulat sa akin, hindi kalayuan sa katawan ng aso ay ang walang buhay na katawan ng Bilogy teacher ko. Nagsisimula na yung uurin at mabulok. Doon ko napagtanto na ang suggestion box at ang mga nangyaring ito ay may koneksyon sa isa't isa. Agad akong umuwi at kinalimutan ang bagay na iyon. Natatakot kong isumbong ang mga nangyari dahil kaparte din ako ng kaganapan na iyon.

Kinabukasan ay maaga akong pumasok sa school, kinakabahan ako na baka may mangyari na sa kaklase kong bully pero Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong ayos lamang siya. Agad kong tinungo ang suggestion box para bawian ang sinulat ko doon pero dahil maliit lamang ang butas ng hulugan ay hindi ko na iyon nabawi. Matagal akong nandoon hanggang sa tumunog na ang bell ng paaralan, sensyales na magsisimula na ang klase.

Naisip kong papasok muna ako at babalik na lamang mamaya. Pagpasok ko sa loob ng classroom ay nandoon pa rin ang bully kong classmate, ganoon pa rin ang ginagawa niya at patuloy pa rin siya sa pananakit at pang-iinis ng ibang estudyante. Pagpasok ng teacher namin ay agad din siyang huminto.

"Mr. Heredia, pinapatawag ka sa principal's office." Wika ng English prof ko sa bully kong kaklase.

Nang oras na iyon ay naalala ko na baka may masamang mangyari sa kanya dahil sa hinulog na reklamo ko sa suggestion box. Gusto ko siyang pigilan pero bumalik sa akin ang pambu-bully na ginagawa niya sa mga estudyante. Ang paglabas niya sa room na iyon ang huling araw na nakita namin siya. Naglaho siyang parang bula at walang nakaka-alam kung anong nangyari sa kanya. Wala, maliban sa akin.

Wala na ako sa school na iyon. Agad akong lumipat matapos ang school year. Natatakot akong dumating ang pagkakataon na baka ako naman ang ireklamo sa suggestion box at ako naman ang mawala na parang bula.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon