"Iwanan muna kita dito ah." Wika ng isang babaeng naka kulay puti. Matapos iyon ay tinalikuran na siya nito upang lapitan pa nito ang isa pang babae na nasa malapit lamang.
Si Claudine o mas kilala sa tawag na Claui naman ay naiwan sa may isang kahoy na bangko na nasa ilalim ng puno. Nakatingin siya sa isang lalaki na nakaupo sa kanyang tabi. Pinagmamasdan niya ito habang hinahangin ang bagsak nitong buhok. Sa tagal ng pamamalagi dito ni Claui ay iyon lamang ang pamilyar na tao sa kanya.
"Kanina ka pa dito?" tanong ni Claui sa kanya
"Ngayon lang." Nakangiting sabi nito.
Hindi maiwasan ni Claui ang hindi mangiti sa ginawang pagsagot na iyon ng lalaki. Sino ba nga naman ang hindi matutuwa sa binata. Makisig ito at matangkad na aakalain mong isang player ng basketball. Bukod pa doon siya lamang ang nagsisilbing hugutan ng lakas ni Claui. Sa tuwing may mabigat siyang pinagdadaanan kagaya nito ay palaging nandoon ang lalaki.
"Buti ka pa, palagi kang nandyan. Ang mga pamilya ko iniwan na lang ako dito. Wala na raw akong pag-asa." Pakli ni Claui
"Naniwala ka naman? Espesyal ka kaya."
"May sakit nga raw kasi ako at hindi na raw nila ako kayang alagaan kaya ito nandito ako ngayon."
"H'wag mo kasing iisipin na may sakit ka."
"Hindi nga, pakiramdam ko nga wala naman talaga akong sakit."
"Good!" tinapik siya nito sa balikat na ikinakilig naman ni Claui.
Hindi niya alam kung bakit ganito kabait ang lalaking ito sa kanya. Kung magtatapat nga lang ito ng pag-ibig sa kanya ay agad niya itong sasagutin. Hindi na siya magdadalawang isip pa dahil matagal na naman itong umaaligid sa kanya. Nahihiya nga lang si Claui na maunang tanungin ang lalaki tungkol sa pakay nito sa kanya.
"Alam mo medyo matagal na rin tayong magkakilala. Buti pala hindi ka pa nagsasawang kasama ako?" biro dito ni Claui ngunit may kaunting pahaging iyon.
"Kasi masaya kang kasama."
Parang kinukuryente ang bawat kasuluksulukan ng parte ng katawan ni Claui sa mga salitang binibitawan ng lalaking iyon. Hinampas niya ito nang mahina na kunwari'y naiinis sabay hinawi pa ang kanyang buhok papunta sa likod ng kanyang tainga.
"Nakakainis ka." Ani Claui sa kausap
"Bakit naman? Totoo namang masaya kang kasama."
"Oo na." Sandaling tumalikod si Claui para ikubli ang kanyang pagngiti. "Palagi ka na lang nandito, baka naman magalit na ang girlfriend mo?"
"Wala naman akong girlfriend."
"Bakit wala? Gwapo ka naman. Naku, kung wala lang akong sakit eh baka ako na ang nanligaw sa iyo." Sabay tawa ng malakas ni Claui. Hindi niya inakalang masasabi niya iyon ng deretsahan sa lalaking kausap niya.
"Oh eh akala ko ba sabi mo pakiramdam mo wala kang sakit?" pansin ng lalaki doon na tila tinutukso na rin si Claui.
"Wala nga." Maikling sagot nito
"So liligawan mo na ako?"
Tinulak ni Claui ang kausap sa pambibirong ginagawa sa kanya. Kahit naman halatang gusto niya ang lalaki ay hindi naman ito ang tipo na manliligaw sa lalaki. Hihintayin pa rin niyang siya ang suyuin ng lalaking ito.
"Nakakainis ka. Nagiging presko ka na ha." Muling tumalikod si Claui sa binata na kunwari ay nagtatampo.
"Biro lang." Kinalabit nito si Claui ngunit hanggang galaw lamang ng balikat ang sinukli ni Claui na parang nagsasabing tigilan siya nito. "Sorry na. Ako naman talaga ang magtatanong kung pwedeng manligaw. Kaya lang baka may boyfriend ka na."
"Wala akong boyfriend ano." Nais ipahiwatig ni Claui na naasar siya sa lalaki ngunit iba ang sinasabi ng mga ngiting unti-unting sumisilip sa kanyang mga labi.
"So, pwede akong manligaw?"
"Seryoso ka ba diyan?" Hindi makatingin ng diretso si Claui sa kausap. Nilalaro niya ang kanyang daliri para mailigaw ang kanyang paningin.
"Oo naman."
"Eh di sige, pwede. Nakakainis 'to." Tinakpan pa ni Claui ang kanyang mga bibig gamit ang kanyang dalawang kamay para pigilan ang tawa na dulot ng sobrang kilig.
"Matagal na kasi kitang mahal. Ikaw ba?" Tumingin it okay Claui na pasulyap-sulyap lamang ang ginagawa sa kanya. "Halata ko naman na mahal mo rin ako."
Tumayo si Claui sa kanyang kinauupuan at nagpapadyak pa ng paa. Hinalukipkip niya ang kamay at muling humarap sa binata.
"Nakakainis ka. Manligaw ka kaya muna.
Lumapit ang binata sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Napapikit si Claui sa saying nadarama. Ang tagal na nang huli niyang naramdaman na may isang taong handing pumrotekta sa kanya.
"Kailangan pa ba iyon? Mahal kita, mahal mo ako. Ibig sabihin noon tayo na."
"Parang ambilis naman. Baka naman magalit ang mga magulang natin?" may halong pag-aalalang sabi ni Claui.
"Nasa tamang edad na tayong pareho. Hindi na natin kailangan ang basbas nila. Pwede na tayong umalis dito at magsama total wala ka naman talagang sakit eh."
Habang nag-uusap silang dalawa ay lumapit muli ang babaeng nakaputi sa kanya.
"Babalik na po tayo sa kwarto." Paalala nito kay Claui. Hinawakan nito ang kamay ni Claui at inakbayan.
"Pero may kausap pa ako, mamaya na." Pakiusap ni Claui
Ngunit nanatiling bingi sa pakiusap ni Claui ang babaeng nakaputi. Halos pinuwersa nga nitong ilayo si Claui sa lugar na iyon maibalik lamang sa kwartong pinagpapahingahan ng dalaga. Pagpasok sa loob ng kwarto ay inalalayan nitong makahiga si Claui. Inayos nito ang unan ng dalaga at kinumutan ng isang manipis na kumot. Matapos niyang gawin iyon ay lumabas na ng kwarto ang babaeng nakaputi.
Paglabas ng babae ay sinalubong pa ito ng isa pang babaeng naka-uniporme. Kanina pa pala ito nakasunod sa dalawa at ppinagmamasdan ang bawat kinikilos ni Claui.
"Kumusta ang pasyente mo?" tanong nito sa babaeng umalalay kay Claui
"Okay naman. Ayaw pa niyang pumasok kanina dahil may kausap pa raw siya eh wala naman."
"Naku mag-iingat ka diyan. Noong ako ang nars na humahawak diyan. Sinakal na lang akong bigla. Inutusan daw siyang sakalin ako ng isang lalaki na kausap niya." Humugot ito ng malalim na hininga na parang aburido sa tuwing maalala ang araw na iyon. "Kung hindi ko nga lang kailangan ng experience sa pagna-nars eh di matagal ko nang iniwanan ang mental hospital na ito. Mababaliw talaga ako."
Sa loob naman ay tahimik nang nakahiga si Claui. Maya-maya pa ay napansin niyang may nakaupo sa kanyang kama. Walang iba kung hindi ang lalaking kausap niya.
"Paano ka nakapasok dito?" tanong ni Claui sa binata.
"Hindi na mahalaga iyon." Umusog ang lalaki papalapit kay Claui. "Alam mo, palagi na lang tayong pinaghihiwalay ng babaeng iyon. Siguro dapat mawal na siya sa landas natin."
"Pansin ko rin iyan. Siguro inutusan siya nila Mama na paghiwalayin tayo."
"Papayag ka ba?"
"Hindi ano."
"Mamayang gabi kapag pinainom ka na niya ng gamot ay kailangan mo na siyang patayin. Pagkatapos mo siyang mapatay, aalis na tayo sa lugar na ito at magsasama na tayo." Wika ng lalaki kay Claui
Isang tango lamang ang sinukli ni Claui habang tumatawa nang malakas. Sa wakas ay makakasama na niya nang habambuhay ang lalaking ito. Mamayang gabi ay sisiguraduhin niyang wawakasan niya ang buhay ng babaeng iyon at tatakas sila papalayo sa lugar na ito.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories II (Completed)
HorrorCreepy tales from the underworld. Paalala: H'wag ninyong babasahin nang nag-iisa.