"Okay class. Ngayong araw na ito ay matututo tayong gumawa ng manika mula sa mga bagay na makikita lamang natin sa loob ng bahay." Wika ni Bb. Heidi Santos sa kanyang mga estudyante.
Si Bb. Heidi Santos ay isang teacher sa Home Economics. Matagal na rin siya na nagtuturo sa Mataas na Paaralan ng Eulogio San Agustin. Hinahawakan niya ang second year student kung saan tinuturuan niya ang mga ito na magluto, manahi at kung anu-ano pang gawaing bahay na maaring mapagkakitaan.
Isa-isang inabot ni Bb. Santos ang mga gagamitin sa paggawa ng manika sa kanyang mga estudyante. Naroon ang ilang lumang tela, mga piraso ng butones, bulak at mga makakapal na sinulid na may iba't ibang kulay.
Hindi ito ang unang beses na magtuturo si Bb. Santos sa kanyang mga estudyante kung paano gumawa ng manika. Ang mga dati niya ring estudyante ay tinuruan niyang gumawa noon. Bukod pa roon bago pa siya naging guro ay dati siyang gumagawa ng mga manika upang ibenta iyon. Naging kasiyahan niya na ang gumawa ng mga manika.Ngayon nga ay naipapasa niya ang kanyang hilig sa paggawa ng manika sa kanyang mga estudyante pati na rin sa kanyang maliit na anak.
"Okay una ay gagawa tayo ng pattern. Depende sa inyo kung anong klaseng manika ang gusto ninyong gawin." Binibigyan niya rin ng kalayaan ang kanyang mga estudyante na gawin ang gusto nilang gawin kahit na medyo malayo iyon sa istilo ng kanyang paggawa.
Nang magsimula nang magamay ng mga estudyante ang paggawa ay hinayaan niya na ang mga ito. Nais niyang makita ang pagiging malikhain ng kanyang mga estudyante. Siya naman ay nagsimula na ring gawin ang sarili niyang manika. Hindi niya tuloy namalayan agad na malapit na palang matapos ang apatnapung minuto ng kanilang klase. Narinig niya na lamang ang tunog ng bell hudyat na kailangan ng lumipat ang mga estudyante sa iba pang klase. Ngunit bago pa nakaalis ang mga estudyante ay lumapit si Jovy sa kanya upang magtanong.
"Ma'am pwede po ba kaming gumamit ng iba pang bagay aside sa mga p-in-rovide niyong gamit?"
Natuwa naman si Ms. Heidi sa tanong ni Jovy. Halata mong interesado rin ito sa paggawa ng manika gaya niya.
"Oo naman. Pwede ninyong gamitin ang kahit anong lumang bagay kung ikagaganda ba iyon ng manika mo."
Tuwang-tuwa si Jovy matapos marinig ang bagay na iyon sa kanilang guro. Kadi-dismiss pa lamang nila ngunit hindi na siya makapaghintay sa muli nilang paggawa ng manika kinabukasan. Pinapaiwan sa kwarto ng Home Economics ang mga manika para siguraduhin na hindi lamang ang kanilang mga magulang ang gagawa ng kanilang proyekto.
At ganoon nga ang nangyari kinabukasan. Nagdala ng iba pang gamit si Jovy tulad ng mga pares ng mata ng kanyang lumang manika. Sapatos at mga kakaibang tela na gagamitin niya para sa damit nito. Sa bawat paglipas ng araw ay napapansin ng mga kaklase niya ang unti-unting pagganda ng kanyang manika.
"Wow! Ang galing mo namang gumawa." Pansin ng isa niyang kaklase.
"Mukhang mas maganda pa ang gawa mo kaysa sa gawa ni Ma'am ha." Biro naman ng isa.
Hindi nakaligtas sa matalas na pandinig ni Ms. Heidi ang sinabing iyon ng isa niyang mag-aaral. Kunwari ay ngumiti siya ngunit sa kaloob-looban niya ay hindi siya papayag na may isang taong humigit sa kanyang paggawa ng manika. Lalo na at isang estudyante niya pa lamang ito. Natapos ang araw na iyon at muli ay iniwan ng mga estudyante ang kanilang mga manika sa kwarto. Tiningnan ni Bb. Santos ang mga gawa ng kanyang estudyante at kahit walang pangalan ay alam na niya agad kung aling manika ang gawa ni Jovy. May sombrero pa iyon na gawa sa hinabing papel at inilubog sa varnish at ang paraan ng pagkakatahi nito ay malinis.
"Bukas makikita niya." Mahinang sabi ng guro
Kinabukasan pagpasok ng mga estudyante ay nagulat sila sa manikang nasa mesa ng kanilang guro. Mas malaki iyon kumpara sa unang gawa ng kanilang guro. Ang mukha nito ay hindi simpleng tela lamang na nilagyan ng palaman na bulak kundi isang hinulmang plastic, ganoon din ang mga kamay at paa nito.
"Wow! Ma'am ang ganda naman. Parang mamahalin."
Natutuwa si Ms. Santos sa mga papuring natatanggap sa kanyang mga estudyante ngunit sandali lamang ang tagumpay na iyon. Nabaling na naman sa manika ni Jovy ang lahat matapos nagsimulang pinturahan ni Jovy ang katawan ng manika na kulay balat ng tao. Nakahanda na rin ang damit na isusuot niya rito.
"Grabe! Para kayong nagpapaligsahan ni Ma'am sa pagandahan ng manika ha." Pansin ng isang estudyante.
Lihim na kinuyos ni Ms. Santos ang kanyang mga kamao na parang nanggigigil sa ginagawa ni Jovy. Hindi niya inakalang mas gagandahan pa nito ang kanyang gawa. Tila wala yatang katapusan ang bata sa kanyang pagka-malikhain.
Noong gabing iyon ay halos hindi makatulog si Ms. Santos sa pag-iisip ng paraan kung paano niya mahihigitan ang ignawa ng kanyang estudyante. Hindi siya maaring matalo sa paggawa ng manika. Ngunit ano pa ba ang pwede niyang gawin? Kahit na nga ang gumamit ng b ay ginawa na niya mahigitan lamang ang manikang iyon ni Jovy.
Tumayo siya sa kanyang kama. Naglakad ng paroot parito ngunit walang ideya na kumakatok sa kanyang isipan. Hanggang sa huli ay naalala niya ang mga manika ng kanyang anak. Dali-dali niyang tinungo ang kwarto ng kanyang anak para tingnan ang mga manika nito na ang iba ay galing pang ibang bansa. Padala sa kanya ng kanyang ama na nagtatrabaho sa isang offshore na company.
Binusisi niya ang mga iyon ngunit para bang bawat tingnan niya ay hindi sapat ang kagandahan noon. Kailangan niya ng isang gamit na kakaiba para mahigitan ang gawa ni Jovy. Maya-maya pa ay nabaling ang kanyang mga mata sa anak na mahimbing na natutulog. Hinaplos-haplos nito ang buhok ng kanyang anak. Maya-maya pa ay sumilip sa mga labi nito ang kakaibang ngiti.
Kinabukasan pagdating ng mga estudyante sa loob ay sinalubong sila ni Ms. Santos. Kitang kita mo ang namumula nitong mata at mga itim sa paligid ng talukap ng mata ganoon din ang hindi kagandahang balat nito na parang nagmamantika. Magulo din ang buhok nito na parang hindi man lamang nakapagsuklay.
"Ma'am okay lang po ba kayo?" tanong ni Jovy sa kanyang guro.
"Okay na okay lang ako Jovy. In fact, natapos ko na ang aking manika. Hayun siya nasa mesa."
Dahan-dahang nilapitan ni Jovy ang manika at nanghilakbot siya sa nakita. Ang manika ay may balat na kagaya ng sa isang tao. Ang buhok, mata, ilong pati ang ngipin ay galing sa isang tao. Nagsigawan ang mga estudyante niya sa takot.
"Maganda ba class? Akala ko nga hindi na ako makakagawa ng ganyang kagandang manika. Salamat na lang sa anak ko. Makikita rin naman siya sa loob ng bahay di ba?"
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories II (Completed)
HorreurCreepy tales from the underworld. Paalala: H'wag ninyong babasahin nang nag-iisa.