Estranghero

8.7K 200 34
                                    

Subukan ko lang po ang 2nd POV

Panay ang palatak mo ng dila at nagsisimula ka nang mainis dahil sa dalang ng mga sasakyang dumadaan sa kinatatayuan mo.  Kung may dadaan man ay mabilis itong lalampasan ang lugar mo at sumesenyas ang mga ito na gagarahe na.

Napapaligiran ka ng kadiliman at tanging ang uundap-undap na ilaw mula sa lumang poste ang tumatanglaw sa iyong pagkatao.  Maya-maya pa ay may lalaking tumayo ilang dipa ang layo mula sa iyong lugar.  Pinatapang mo ang mga mata mo at hinigpitan ang hawak sa tangan na payong,  tumindig ka nang mayabang at pinuno ng hangin ang iyong dibdib handa sa anumang maaring mangyari.  Paminsan-minsan ay makikita mo siyang sumusulyap sa lugar mo at matama mo siyang tinitingnan na parang sinasabi mong hindi ako natatakot sa'yo.

Humakbang siya ng isang beses papalapit sa iyong direksyon, sinubukan mong aninagin ang kanyang mukha pero wala kang makita.  Sa t'wing hindi mo siya pinapansin ay humahakbang siya papunta sa iyo hanggang nagulat ka na lamang nang makitang malapit na siya sa kinatatayuan mo.  Nais mo siyang sitahin sa ginagawa niyang paglapit sa direksyon mo ngunit mas nangibabaw ang takot mo at pinili mong manahimik na lamang.

Nakahinga ka nang maluwag matapos kang hintuan ng isang pampublikong dyip.  Patakbo ka pang sumakay na tila nagmamadali na makalayo sa misteryosong lalaki.  Ngunit nadismaya ka nang makitang sumampa rin siya sa dyip na sinasakyan mo.  Laking pasasalamat mo nga at may iba pang lulan ang dyip na iyon bukod sa inyong dalawa.  Bukod sa drayber ng dyip sa may harap at ang nakaupong lalaki sa harap nito ay may dalawang magkasintahan sa may tapat mo.  Naka-akbay pa ang lalaki at ang babae naman ay nakasandal sa balikat ng lalaki.

Ang estranghero naman na kanina pa sumusunod sa iyo ay nilampasan ka at naupo sa may unahan mo.  Naisip mo na mas maganda na iyon at madali kang makakaalis kung saka-sakaling may balak nga itong masama sa iyo.  Isa pa, naisip mo rin na hindi ka naman siguro papabayaan ng mga kasama mo sa loob.

Nagsimula nang umusad ang sasakyan.  Maya-maya ay napansin mo ang hindi mapakaling lalaki na nasa harapan mo.  Gusto mo sanang lumipat sa kabilang upuan ngunit nahihiya ka naman sa dalawang magkasintahan.

"Ma bayad ho, galing Quezon Avenue po." Inaabot mo sana sa magkasintahan ang bayad mo ngunit hindi nila iyon kinuha.  Inabot iyon ng lalaki na nasa harapan mo at ibinigay sa may drayber.  Ipinagtaka mo ang kinilos ng lalaking iyon.

"Saan ang baba?" tanong ng mamang drayber

"Sa may Taft po."

  Sa puntong iyon ay naisip mo na pakinggan kung saan bababa ang lalaki.  Hindi ka talaga kumportableng kasabay siya at kapag nakakita ka ng lugar na may maraming tao ay bababa ka kaagad at muli na lamang sasakay.

Nag-abot na rin ng bayad ang lalaking iyon.

"Bayad po."

"Saan ang baba?"

"Espanya ho."

Habang umuusad ang sasakyan ay kitang kita mo ang ka-weird-ohan na ginagawa nito na pagpipilipit sa mga daliri sa kamay.  Parang kating-kati ang mga ito at hindi niya mapigilang galawin.  Panay din ang tingin nito sa direksyon mo at makailang beses nagtama ang paningin niyo.  Sa isip mo ay buo na ang akala mo na may masama itong balak sa iyo.  Hindi ka na nakapagpigil at sinita mo na ang lalaking iyon.

"Ano po bang problema?" malakas na sabi mo, umaasa kanag matatakot mo ang lalaking iyon at mapipigil mo ang balak nito sa iyo.  "Kanina pa po kayo sa may hintayan ng dyip."

"Pasensya na miss." Magalang na tugon ng lalaki sa iyo.

Tagumpay ka sa ginawa mong pananakot sa kanya.  Tumigil na ito sa pagtingin sa iyo hanggang sa makarating na ang sasakyan ng Espanya.  Ilang usad pa ng sasakyan ay pumara na ang lalaking sumusunod sa iyo.  Bago ito bumaba ng patuluyan ay lumapit ito sa iyo at binulungan ka.

"Kung gusto mo pang mabuhay ay sumunod ka sa akin."

Ramdam na ramdam mo ang kuryenteng dumaloy sa buong katawan mo.  Para bang iniwan ka ng kaluluwa mo ng mga oras na iyon.  Seryoso ang lalaki sa sinabi niya.  Wala ka nang nagawa nang hawakan nito ang iyong mga kamay mo at hinatak ka nito pababa. Sinubukan mong sumigaw ngunit walang boses na lumabas sa iyong mga bibig.

Nang tuluyan na kayong nakababa ay agad ding umalis ang dyip na sinasakyan mo.  Doon ka nagwala at nagsisigaw, humingi ka ng tulong ngunit malayo na ang dyip na sinakyan mo.  Bigla mo na lamang napansin na  bumaba pala kayo sa isang mataong lugar.

"Tumahimik ka nga.  Sa tingin mo ba talaga may masama akong balak sa iyo?" tanong niya sa iyo.

"Bakit hinatak mo ako pababa?" nagtataka mong tanong

"Patay na ang babaeng kasabay natin.  Hindi na gumagalaw ang mga pupils niya at nanga-ngasul na ang kanyang mga daliri.  Nurse ako kaya ko alam ang bagay na iyon.  Siguro ay pinatay siya ng lalaking naka-akbay sa kanya.  Kung hindi siguro kita hinatak pababa, baka hindi ka na umabot ng Taft."

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon