Malalim na ang gabi at tanging ang ilaw na lamang mula sa laptop ang tumatanglaw sa buong kwarto ni Elle. Masakit na ang kanyang puwitan sa mahabang oras ng pag-upo at ngawit na ang kanyang leeg sa pagyuko dahil hindi lebel ang mesa sa kanyang paningin. Ilang araw na ba siyang hirap sa pagsusulat, ang bago kasing mesa na binili niya mula sa isang kilalang furniture shop ay bukas pa ang dating. Sandali siyang tumayo para banatin ang kanyang mga nangangalay na braso at masahihin ang nangingirot na niyang likuran.
Sinilip niya ang orasan at nakitang alas-onse na ng gabi. Napakunot noo siya sa bilis ng oras samantalang wala pa sa higit dalawang libong salita ang nasusulat niya. Nainis tuloy siya sa sarili dahil sinabi pa niay sa kanyang mga mambabasa na ngayon niya ia-update ang kwento niya. Bumuntong hininga siya at pumikit, hindi niya na talaga kaya ang puyat. Lumapit siya sa laptop para igalaw ang cursor papunta sa windows logo at pinindot ang power option at pinatay ang laptop. Kahit sa pagpatay ng laptop ay nainip siya, gustong gusto na talaga niyang humiga at magpahinga.
"Bukas na lang makapag-update." Sabi niya ng mahina.
Sinarado niya ang laptop at dumiretso na sa kanyang kama para mahiga. Ni-hindi niya nga nagawang maghilamos ng mukha sa sobrang pagka-antok. Makalipas lamang ang ilang sandali ay naririnig mo na ang tunog ng isang babaeng mahimbing ang tulog.
Si Elle ay isang manunulat sa wattpad. Hindi siya ang pinakasikat na manunulat doon pero sapat ang bilang ng mga tiga-sunod niya para sabihing isa siya sa pinaka-inaabangang manunulat sa wattpad. Dalawa sa kanyang mga sinulat ay naging libro na at ang isa ay may posibilidad na maging pelikula. Isinisingit niya lamang ang pagsusulat sa kanyang pag-aaral, bukod doon may iba pa siyang responsibilidad na kailangan niyang gampanan. Nasa kolehiyo na siya at sadyang abala na pero mahal niya talaga ang pagsusulat at wala siyang balak na itigil iyon. Buti na nga lang at Biyernes ngayon, kung hindi ay mapapansin na naman ng kanyang mga kaibigan ang mga itim sa paligid ng kanyang mga mata tanda na nagpuyat na naman ito nang kasusulat.
Kinabukasan, Sabado ay inaasahan na idedeliver sa bahay nila Elle ang bago niyang mesa. Matagal na din siyang nagtitiis sa mesa sa kanyang silid at sa wakas ay mapapalitan na iyon. Habang hinihintay niya iyon ay nagdesisyon siyang buksan muna ang kanyang wattpad account at magsulat. Ilang sandali pa ay may narinig siyang tumatawag mula sa harapan ng pintuan nila. Agad niyang tinakbo ang pintuan, animo'y sabik na sabik na makita ang kanyang bagong mesa. Hindi nga siya nabigo at ang mga taong naghahanap sa kanya ay naroon upang dalhin ang bagong mesa.
"Maki-diretso niyo na po sa kwarto ko." Nasasabik niyang wika sa mga ito
Pagdating sa loob ng kwarto ay minandohan pa niya ang mga ito kung saan magandang ilagay ang bagong mesa. Naki-usap din siya na kung maaari ay tulungan siyang mailabas ang lumang mesa dahil nakakasikip na lamang ito. Matapos mailabas ay inabutan niya ng pangmeryenda ang mga taong nagbuhat ng mesa. May mga kaunting papel lamang siyang pinirmahan at pagkayari noon ay nagpaalam din sila agad.
Patakbo niyang tinungo ang kanyang silid para pagmasdan ang bagong mesa. Malaki ito kumpara sa dati niyang mesa at mukhang kumportable. Maihahalintulad mo ito sa mesa na karaniwang nakikita sa mga opisina. Ang kinaibahan lamang yata nito ay halos natatakpan ang buong mesa ng kahoy maliban lamang sa lugar na pinaglalagyan ng upuan. Parang kasya pa nga ang isang tao sa loob ng lugar na natatakpan ng mga kahoy.
Agad niyang ipinatong ang kanyang laptop sa bagong mesa at doon na niya ipinagpatuloy na tipahin ang kanyang mga kwento. Kumpara dati ay hindi na siya gaanong kadaling nangangawit. Natapos niya nang mabilis ang kanyang update para sa kanyang nobelang serye kaya't nagkaroon pa siya ng oras para kausapin ang kanyang mga mambabasa.
Naging ganoon ang sitwasyon niya sa loob ng isang Linggo. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay bigla iyon magbabago dahil sa isang pangyayari.
Gaya ng dati, tuwing umaga ay agad niyang binubuksan ang kanyang wattpad account para basahan ang mga mensahe ng kanyang mga mambabasa. Maganda kasing pansalubong iyon sa umaga at nakakaganang magsulat. Ngunit nagulat siya nang nakitang may isang manunulat na nagdedicate sa kanya ng kwento. Hindi naman iyon ang kauna-unahang beses na nakatanggap siya ng dedication, pero ang kwentong iyon ay particular na kapansin-pansin talaga. Para iyong sulat na pinapatungkol talaga sa kanya. Ang mas nakakagulat ay nakasulat doon ang mga bagay na ginagawa niya sa araw-araw, ang mga kinasanayan niya ng bagay at ang paraan niya ng pagsusulat. Nakakahilakbot na parang pinapanood ng manunulat ang bawat niyang galaw. Hindi naman sinabi doon ang pangalan ng manunulat ngunit tinawag siya nitong "manunulat sa bagong mesa."
Hindi doon natapos ang pag-dedicate sa kanya ng manunulat na iyon na hindi naman sumasagot sa mga mensahe niya. Sa mga sumunod na liham nito ay nakasama na sa kwento kung paano nito hinahangaan ang manunulat sa bagong mesa. Sa tuwing magsusulat tuloy siya sa mesang iyon ay pakiramdam niyang may nagmamasid palagi sa kanya. Sinabi nito na habangbuhay silang magkakasama ng manunulat at hindi niya ito iiwanan.
Isang gabi ay naalimpungatan siya at naramdaman niya na para bang may nakatingin sa kanya. Napabalikwas bangon siya, narinig niyang may mga yabag ng paa sa loob ng kanyang kwarto. Tinakbo niya ang ilaw ngunit wala naman siyang nakita.
Tiningnan niya ang oras at nakitang alas quatro iyon ng madaling araw. Hindi na siya dalawin ng antok kaya't naisipan na lamang niyang buksan ang kanyang laptop at magsulat ng kwento. Halos kalahating oras na yata siyang nakatingin sa kanyang laptop ngunit wala pa rin siyang maisip na isulat.
Ewan ba kung anong pumasok sa isipan niya at naisipan niyang tingnan ang profile ng manunulat na lagging nag-iiwan sa kanya ng dedication. Ang pangalan na gamit nito sa wattpad ay "Mga Matang Nakamasid" ngunit hindi iyon ay nagpatindig ng balahibo ni Elle. Nagulat siya sa nakitang lokasyon ng manunulat na iyon. Ang iilang salitang iyon ay sapat na para magsisigaw siya...
Nakasulat doon ang salitang ... "sa loob ng bagong mesa"
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories II (Completed)
HorrorCreepy tales from the underworld. Paalala: H'wag ninyong babasahin nang nag-iisa.