Para sa Mambabasa

109 12 0
                                    

Sa mga umagang inaasahan mo ang pagsikat ng araw ngunit wala,
Huwag mo sanang kamuhian ang makulimlim na ulap na nagbabadya.

Sa mga gabing naiingayan ka sa huni ng mga dyip na pumapataas at bumababa,
Magawa mo pa rin sanang habaan ang 'yong pagtitimpi't pasensiya.

Sa mga oras na hindi mo ramdam ang nakasanayang kapaligiran,
Nawa'y hindi ito maging rason upang iyong pagsawaan at lisanan.

At lalo na sa mga panahong makapal pa ang hamog sa gamit mong kumot—
Na tila walang tumatabla maski na magtimpla ka pa ng tatlong tasa ng mainit na kapeng Sagada,
Nawa'y hindi ka magsawang ikabisa ang klima nito't temperatura.

Dahil sinta,

Gaya ng paggiliw mo para sa iba,
Hindi mo maaaring sabihin na mahal mo nang husto ang lungsod ng puno ng mga pino,
Kung hindi mo ito tanggap nang buo at sigurado.

Kaya't kung sasabihin mong minamahal, mamahalin, o minahal mo na ang siyudad na ito,
Mahalin mo rin sana ang panlalamig nito.

At para naman sa taong tinuring mong tahanan gaya ng pagturing mo rito,
Sa halip na sabihin, iparamdam, at ipakita mong nilalamig ka na sa kan'yang presensiya—
Kahit pa o lalo na sa mga panahong madalas ang inyong pagsasama,

Mas piliin mo pa rin sanang sambitin ang
mga salitang nagpapahiwatig na nangangailangan ka lamang ng mas mainit pa niyang pagyapos at pagsinta.

                                              —⁠jovy.wg

Tagpuan 1995Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon