"Ing Guinu, manatili ya kekayu."
"At keka anti murin."
"Ing misa, meyari ne. Ume na kayu king kapayapan."
"Salamat king Dios."
Disyembre ngayon at simbang gabi kaya maaga rin ang simba namin ni Mama. Kadalasan, alas siete kami ng umaga kung magsimba at sa tuwing araw lang ng linggo. Dahil simbang gabi, siyam na araw na sunod-sunod ang misa na aatenan namin.
Pagkatapos ng misa, bumili ako ng puto-bumbong, bibingka, saka tamalis sa may harap ng simabahan. Medyo mahaba ang pila kaya naman natagalan ako sa pagbili. Nauna na si Mama sa pag-uwi, malapit lang naman ang bahay namin sa simbahan kaya naglakad lang ako pauwi.
Tatlong linggo na rin ang nakakaraan noong umalis ako sa Maynila. Kamusta na kaya sina Fatima at Dalia? HIndi na kasi sila masyadong nakakapag-message sa akin dahil Disyembre na nga at aware ako na kapag ganitong panahon, maraming costumer ang resto bar kaya siguro pagod na sila pagkauwi. Ganoon ang sitwasyon ng resto bar sa tuwing sasapit na ang 'Ber months' dahil sa ganitong panahon, maraming may gusto na mag-date kaya alam ko ang pagod nila.
Lalo na siguro ang pagod nila ngayon kung hindi sila makakahanap ng papalit muna sa puwesto ko, dagdag trabaho pa iyon sa kanila. Iyon lang nga, mas maraming bonus ang maibibigay ni Ma'am sa kanila dahil maraming kita ang resto bar.
"Ma, oh," binuksan ko ang pintos saka ko inilapag ang supot sa may lamesa at dumeretso ako sa kusina para kumuha ng plato para makakain na. Kanina pa ako nagugutom.
"Mauna ka na. Ihahanda ko pa ang labahan," sigaw ni Mama sa likuran ng bahay.
Hindi na ako sumagot at naupo na ako sa hapag-kainan saka ko na binuksan ang paborito kong puto-bumbong. Iyong kulay lila na may condensada at asukal. Masarap iyon, sobra! Kaya paborito ko, 'to, e, Kaya kong umubos ng kahit limang balot nito. Buti na lang, bibingka ang paborito ni Mama, kung hindi, nako!
Pagkatapos kong kumain ang dalawang balot ng puto-bumbong, nagpunta na ako sa kwarto ko para magpahinga at bumawi ng tulog dahil sa apat na oras lang ang tulog ko kagabi dahil naglinis kami ng bahay ni Mama. Natagalan sa pagbabalik ng mga gamit-gamit dahil wala kaming katulong na magbubuhat.
Lumipas ang dalawang araw pa ng simbang gabi na ganoon lang ang ganap sa buhay ko. Gising, simba, bili ng almusal, kain ng tanghalian at hapunan, at matulog. Kaya nung isang hapon na nainip ako sa loob ng kwarto ko, lumabas ako sa bahay.
"Ma, alis muna po ako!" hindi ko na hinintay na sumagot pa si Mama. Nagpunta ako sa mall para magtingin-tingin ng mga bagong libro sa national bookstore. Naglakad lang din ako sa pagpunta ko dahil malapit lang din sa amin, mamaya na ako magta-tricycle kapag pauwi na.
Pagkarating ko sa mall ay dumeretso na ako sa NBS. Nakaya kong mag-ikot ro'n ng isang buong oras kaya ginawa ko tutal ay maaga pa naman. Bumili lang ako ng tatlong bagong libro na mababasa ko sa bahay habang walang ginagawa at pandagdag na rin sa koleksyon ko sa bahay saka lang ako bumili ng mga ballpen na iba't ibang kulay.
Pagkalabas ko ng NBS ay nakita ko ang isang store kung saan may mga damit ng baby na naka-display at halos panlalaki ang mga iyon. Natuwa ako sa mga disenyo at kulay ng damit. Nilapitan pa ako ng isa sa mga saleslady at inaya pa ako na pumasok sa loob pero tumanggi ako.
"Wala pa po akong anak, single ako," ngumiti ako sa aking mga mata para malaman niyang hindi ako galit sa kaniya dahil sa naging tono ng boses ko.
Hindi niya makikita ang halos kalahati ng mukha ko dahil sa naka-face mask ako dahil ganito ako kapag nagpupunta sa mall, ayaw kong may makakilala sa akin kapag nakasalubong dahil ayaw kong masira ang 'me time' ko.