Andress 91 | Huling Pamamaalam

90 13 19
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Huling Paalam ||


"A-andress. Ayokong- ayokong l-labanan ka at ma-maging tulad nila. Andress, p-pakiusap... patayin mo ako."

Parang malakas na pagsabog ang tumama sa aking harapan nang marinig ko ang mga salitang binitiwan niya.

Natulala na lamang ako sa kanyang nagmamakaawang mukha na tila hirap na hirap at nagpipigil. Ilang beses niya akong inalog, hawak-hawak niya lamang ang aking magkabilang braso na parang ginigising ako sa bangungot na kinasasadlakan ko.

Kasabay ng pagpatak muli ng tila walang katapusan kong mga luha ay paggalaw ng aking ulo pabalik-balik— umiiling at pilit na itinatakwil sa aking isipan ang pakiusap ng katangi-tanging lalaking tumatak na sa aking puso at isipan.

"A-Andress, pakiusap... kung hindi mo gagawin ngayon ay baka wala ng i-ibang pagkakataon. Ayokong m-maging tulad nila, Andress."

Kahit kaharap ko lamang siya at malinaw na naririnig ang kanyang tinig, parang sarado naman ang aking tenga sa kanyang mga pakiusap na kahit kailan ay hinding-hindi ko magagawa sa kanya.

Paano ko tatapusin ang taong minamahal ko? Paano ko papatayin ang taong naging buhay ko na? Paano?

Muling dumaing si Enthon at sumigaw sa labis na pagpipigil at paghihirap. Kahit na nasa harapan lamang niya ako ay tila nawalan na rin ng lakas ang aking mga kamay at katawan na gumalaw upang alalayan siya.

Maya-maya pa ay tinulak niya ako, sapat na para magkaroon kami ng distansya bago ito tumayo at pagewang-gewang na tumakbo papunta sa batis. Doon lamang ako nagising nang matalsikan ako ng tubig dahil sa ginawa niyang pagtalon sa batis.

"E-Enthon. Enthon!"

Gumapang ako at dali-daling hinila ang aking mga binti. Halos magmakaawa ako sa aking katawan at mga binti na bumalik sa katinuan at sandaling isantabi ang pamamanhid dala ng mga binitiwang pahayag ni Enthon kanina. Nang ako'y makalapit na sa batis ay walang pagdadalawang-isip akong lumusong.

Ang lamig ng tubig ang nagbalik ng pakiramdam sa aking mga binti at buong katawan. Nasa ilalim na ako ng tubig ngunit alam kong wala pa ring tigil ang pagtakas ng luha sa aking mga mata.

"Enthon! Enthon, na-nasaan ka!?"

Muli akong sumisid at binalot ng puting liwanag ang aking katawan upang magawa kong makita ang kailaliman ng batis, gayunpaman, wala akong katawan ni bakas ni Enthon na mahagilap.

Umahon ako sandali upang kumuha ng hangin. Nangangatal na ang aking mga labi sa matinding lamig, pag-aalala at takot dahil ilang minuto ko na siyang hindi nakikita. Malakas ang agos ng batis, tiyak ko na hinayaan niyang maanod ang kanyang katawan kaya naman sa halip na rito lamang sa aking pwesto ay lumangoy na rin ako at nagpatangay sa agos.

At sa tulong nga ng liwanag na nakabalot sa aking katawan ay natagpuan ko rin siya. Wala na siyang malay at nakadantay ang kanyang katawan sa malaking bato sa ilalim, hindi siya maalis ng agos doon dahil sa malaking bato na nasa kanyang likuran.

Nang makuha ko siya ay dali-dali akong lumipad upang inahon siya. Humahabol na ako ng hininga dala ng kakapusan ng hangin sa ilalim ng batis kanina at sa walang tigil na paghagulgol.

"Enthon! G-gumising ka," tinapik ko ng paulit-ulit ang kanyang pisngi ngunit nanatili lamang siyang nakapikit. Ang nakaawang niyang bibig ay dinasaluyan na ng tubig na marahil ay nainom niya.

Upang maisalba ang kanyang buhay ay ginawa ko ang bagay na itinuro sa akin ni Asia kung paano isalba ang buhay ng taong nalunod. Paglapat ng aking labi sa kanyang nakaawang na labi ay pinasahan ko siya ng hangin, ilang beses ko itong ginawa bago binomba ang kanyang dibdib.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon