Andress 15 | Santuario ng mga Biniyayaan

471 34 9
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Santuario ng mga Biniyayaan ||


Maingay at mainit, ito ang dalawang bagay na humila sa aking mahimbing na pagtulog.

Sinubukan kong takpan ng malambot na bagay na aking nadampot ang aking mukha upang harangin ang mga iyon ngunit— sandali...

Malambot na bagay?

Mabilis kong inalis ang malambot na bagay na aking hawak at pinagmasdan ito, isang unan. Sunod na gumala ang mata ko sa paligid. May bukas na bintana sa gilid ng isang pamilyar na silid at doon nanggagaling ang init na aking nararamdaman.

Sinag ng araw.

At ang ingay naman na isa pa sa gumising sa akin—

"Ayan nagising na tuloy. Ikaw kasi eh!"

"Bakit ako?! Ikaw nga 'yun."

"Manahimik ka na nga lang, mamaya ay takbuhan na naman n'ya tayo."

Mula sa paligid ay humarap ako sa kabilang gilid kung saan ko naririnig ang boses ng dalawang taong nag-uusap.

Isang babae at isang lalaki.

Unang dumako sa babae ang aking tingin, medyo nagulat pa ito at hindi malaman kung siya ba ay ngingiti o yuyuko, gano'n pa man, napili na lamang niyang ngumiti.

Naputol ang pagtitig ko sa kaniya nang biglang bumungad ang lalaki sa aking harapan.

"Kamusta!? Ako nga pala si Gadriel," magiliw na bati niya. Nakangiti siyang humakbang palapit sa akin kaya't ako'y medyo nagulat.

"Hoy! Gadriel, umayos ka nga! Huwag mo siyang takutin," mabini na sita naman sa kanya ng babae. Hinila niya ang lalaki para hindi ito lubusang makalapit sa akin.

Parang namumukhaan ko s'ya. Kung hindi ako nagkakamali ay s'ya 'yung babaeng nakita ko noong nagising ako at siya rin 'yung babaeng kumausap kay Enthon noon sa bayan. Hindi ko nga lamang matandaan ang kaniyang pangalan.

Nang sumagi sa aking isipan si Enthon ay unti-unting nagbalik sa akin ang mga huling sandali na nangyari bago ako nawalan ng malay.

"N-nasaan ako!? Iyong matanda— N-nasaan 'yung matanda!?" aligaga kong tanong sa kanila.

Pabalikwas akong tumayo mula sa malambot na higaan, medyo nakaramdam ako ng hilo dahil sa biglaang pagtayo ngunit binalewala ko na lamang.

"S-sandali, kumalma ka," puno ng pag-aalalang pigil sa'kin ng babae.

Nang subukan niyang lumapit ay kumilos kaagad ako upang dumistansya.

Natigilan siya sa paglapit sa akin nang makita niya ang naging reaksyon ko kaya't hindi na niya sinubukan pang muling lumapit.

Nakakahiya man ang aking inasal ay hindi naman ako nagsisisi. Una, hindi ko sila kilala at ikalawa, ayaw kong may humawak sa'kin dahil sa paniniwalang naipapasa ang aking kamalasan sa mga taong humahawak o napapalapit sa akin. At ayaw ko nang mangyari iyon. May katotohanan man o wala, mas mabuti na ang maging maagap.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon