Andress 55 | Pagpili

252 18 21
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pagpili ||


Dalawang araw matapos ang nangyaring pagpupulong ay dumating na rin ang mga inatasan ni Guro na nagmatyag sa Hilaga na pinangunahan nila Kuya Matias. Kaagad na pinatawag muli ni Guro ang mga nakasama namin sa pagpupulong para gumawa na ng plano at mga hakbang sa gagawin naming pagsugod sa Bayan ng Bullis.

Itong nakaraang gabi nga lang ay napasugod dito sa Santuario si Lola Dellia na may dalang pangitain. Nakakita raw ito ng mga libong hukbo ng mga naka-itim na manto na umahon mula sa itim na lupa at naghahasik na ng kaguluhan. May mga katawan siyang nakita na wala ng buhay at sa isang iglap lamang ay naging itim ang buong katawan ng mga ito at naging halimaw na may kakayahang lumipad.

Sa interpretasyon niya ay maaaring may kinalaman ito sa ginagawa ng mga kalaban kung saan sapilitan nilang pinupuno ng kadiliman ang mga taong nalipol nila para gawing kapanalig. Ayon din sa kanya, sa gitna ng mga naka-itim na manto na umaahon mula sa lupa ay may nakatayong bato— kulay itim na bato na naglalabas ng napakalakas na kapangyarihan.

"Kung ganu'n ay kailangan na nating magmadali bago pa mahuli ang lahat," ani Ginang Sallera na hindi maitago ang pagkabahala at takot nang ilahad muli ni Lola Dellia ang kanyang nakita sa lahat.

"Asahan na natin na maraming kalaban ang nakapaligid sa Bayan ng Bullis. Doon nila idinadala ang mga nadadakip nila kaya walang duda na babantayan nila ang mga ito," komento naman ni Ginoong Ludamus na sinang-ayunan ng lahat.

Mula sa likuran ni Guro ay lumapit si Kuya Matias, siya at ang kanyang grupo ang nagmatyag sa Hilaga.

"Karamihan sa mga kalaban na naka-itim na manto ay mga ordinaryong tao lamang dati na nagkaroon ng kapangyarihan mula sa kadiliman. Ngunit sa pagmamasid namin ay may nakita rin kaming ilan na nagtataglay ng malakas na kapangyarihan bukod sa mga Haligi ni Morgana. Mukhang ang ilan sa kanila ay mga dating Andekas na piniling umanib o sapilitan na ginawang kasapi nila at ngayon ay nagtataglay na rin ng itim na kapangyarihan na mas nagpalakas sa kanilang kakayahan. Sa palagay po namin ay mahihirapan tayong pasukin at iligtas ang lahat dahil sa dami ng kanilang bilang at lakas ng kanilang pwersa."

Nagkaroon ng kanya-kanyang suhestiyon ang mga nasa mesa matapos maglahad ni Kuya Matias ng kanilang nakita mula sa kanilang pagmamanman. Kaiba sa lahat ay tahimik lamang ako sa aking kinauupuan, binabagabag ako ng pagkabahala at pilit na gumagawa ng plano sa aking isipan.

"Meron pa po kaming napansin-" muling pag-aagaw ni Kuya Matias sa aming atensyon. "Noong araw ng aming pagbabalik dito sa Kanluran ay nakapansin kami ng mga grupo-grupo ng mga naka-itim na manto, nagkalat sila sa Hilaga, Kanluran at sa Silangan. Sa aming pakiwari ay balak nilang maghanap ng mga bagong baryo o bayan na lulusubin."

Mas lalong bumakas ang pagmamadali at pagkabahala sa lahat ng nasa loob ng silid dahil sa dagdag na balita ni Kuya Matias. Ang lahat ay nagmamadali nang makabuo ng plano at ng mga dapat gawin. Wala na nga kaming oras kaya ganu'n na lang ang pagmamadali nila at dama ko sa hangin ang kanilang pagkabahala.

Mahabang oras ang inilaan bago kami nakabuo ng plano at kinagabihan ay muling nagpaalam ang lahat upang maghanda.

Habang ako'y naglalakad sa pasilyo patungo sa aking silid ay isang mabigat na braso ang biglang bumagsak sa aking balikat, hindi ko na kailangang alamin pa kung sino ito.

"Kamusta ang pagpupulong? Ginabi yata kayo ah," tanong niya sa akin habang sinasabayan ako sa paglalakad.

Napabuga muna ako ng hangin saka sumagot sa kanya, "Naging magulo ang pagpaplano ngunit sa huli ay naging maayos at iisa rin naman ang lahat."

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon