Andress 44 | Tungkulin

270 21 27
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Tungkulin ||

Lumipas ang mga araw namin ni Enthon dito sa bayan ng Nebel, at sa mga araw na 'yun, marami kaming nakilala at napuntahan dito. Sobra akong naaaliw sa lugar lalo na sa mga taong nakapaligid na sobrang mababait. Pakiramdam ko nga, tanggap na tanggap ako ng bayan na ito kaya gano'n na lamang ang kasiyahan kong gumising at umikot sa bayan araw-araw.

Sa mga nagdaang mga araw, marami-rami na rin akong nagawa rito katulad ng pagtulong sa mga mangingisda at sa pagtatanim. Katunayan, kagagaling ko lang ngayon sa kabilang panig ng bayan kung nasaan ang taniman. Araw kasi ng pag-ani ng mga prutas at gulay ngayon kaya tumulong ako.

Pagtapos ko tumulong sa pag-ani ay nagpaalam na muna ako sa kanila na uuwi muna. Mag-isa ko lang dahil si Enthon, simula nang magising, palagi na lang gumagala kung saan-saan. Minsan nga ay ako na ang kumakaladkad sa kaniya pauwi dahil baka may gawin na namang kung anong kabalbalan. Nasabihan ko naman na siya na ayusin ang kaniyang kilos lalo pa't napakalaki ng utang na loob namin sa napakabuting bayan na ito, ewan ko lang kung makikinig ba siya sa akin.

Kaya nga ngayon, uuwi rin ako para hanapin siya dahil pakiramdam ko may mangyayari na naman. Kutob ko lang naman.

Pagtawid ko sa tulay pabalik sa bahay ay nakarinig ako ng mga hiyawan. Nagtaka ako kung ano iyon kaya naman nagmadali ako para makapunta roon.

Pagdating ko sa gilid ng ilog ay nagsasanay pala ang ilang kalalakihan sa pangunguna ng Kuya ni Kae'an na si Ga'an na pinuno pala ng grupong minsang naka-engkwentro  ko at ni Enthon noon sa hamog. Ayon sa pagpapakilala sa kaniya ni Kae'an sa akin, ang Kuya niya raw na sa edad dalawampu't dalawa ay ang namumuno sa grupo ng mga binatang mandirigma rito sa bayan, ang tawag sa kanila ay 'Geist' na ayon din sa kanya na ang ibig sabihin ay 'Multo'.

Ang inaakala naming kwento tungkol sa mga Bandido sa Hamog ay isa palang kasinungalingan, gawa-gawa lamang daw 'yun ng mga manlalakbay. Halos hindi ko nga ibaba ang depensa ko noong lumapit sa akin si Ga'an. Naalala ko kasi ang unang engkwentro namin kung saan muntik na nila akong makuha kung hindi lang dumating si Enthon.

Nakapagpaliwanag naman na siya at humingi ng paumanhin. Ayon sa kaniya, ginawa lang nila 'yun dahil nararamdaman nila na may kapangyarihan ako at nasa sakop ako ng teritoryo ng bundok kung nasaan ang bayan nila. Wala naman daw silang ibang masamang pakay, nais lang nilang masiguro na wala akong banta na dala sa kanilang lihim na bayan. At naiintindihan ko naman na 'yun kaya kinalimutan ko na rin ang nangyari.

Habang pinagmamasdan ko si Ga'an na nakikipagpalitan ng suntok at sipa sa mga ka-grupo niya ay lubos akong namangha. Ang bibilis talaga nila at napakahuhusay pa pagdating sa mano-manong laban at paggamit ng punyal.

Sa gitna ng aking tahimik na panonood sa kanilang pagsasanay ay isang malakas na sigaw ang umani ng amin atensyon. Nilingon ko ito at hinanap ngunit nang makita ko kung sino ito ay napapikit na lamang ako.

"Magandang Binibining Kae'an! Yuhoo! Maari mo ba akong sanayin sa paggamit ng elemento ng tubig?" ang nakangiting sigaw niya habang palapit sa dalaga na nasa 'di kalayuan. Walang iba 'yun kundi si Enthon.

Mabilis na tumayo si Kae'an sa kanyang pagkakaupo mula sa maninipis na damo saka takang tumingin kay Enthon. Pinagmamasdan ko lang sila mula rito sa kinatatayuan ko.

"May kakayahan ka ring manipulahin ang tubig?" takang tanong ng dalaga sa kaniya. "Ngunit parang hindi ka naman namin kamag-anak o galing sa angkan namin."

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon