Andress 56 | Limang Araw

199 15 11
                                    


📖 ANDRESS 📖

|| Limang Araw ||


Matapos ang ginawa kong pagpili ay sinabihan ni Guro na mamaya na malalaman ng mga hindi napili ang ibibigay sa kanilang gawain. Nagkanya-kanya naman na ang mga ito.

Habang naglalakad ang mga kasamahan namin sa paligid ay nasa iisang tao lamang ang aking atensyon. Nakatingin siya sa akin at walang mababakas na kahit na anong emosyon sa kanyang mukha.

Kasama ko sa tabi ko ngayon ang mga pinili ko na nag-uusap-usap. Isang mahinang pagtapik sa aking balikat mula kay Asia ang humila ng tingin ko palayo kay Enthon.

"Mukhang mas higit mong kailangan na magpaliwanag sa kanya kesa sa amin," seryosong sabi niya. Kahit siya ay ramdam din ang pag-disgusto ni Enthon sa nangyari.

"Sige na, puntahan mo na siya at mamaya mo na lang kami kausapin."

Nang lingunin ko si Enthon ay palabas na ito ng pinto.

"Salamat." 'Yun na lamang ang aking nasabi kay Asia bago ako tumakbo upang sundan siya.

Ilan sa mga kasamahan namin ang naabutan ko sa labas. Nag-uusap-usap ang mga ito at ang ilan ay balak yatang magsanay ngunit wala sa kanila ang atensyon ko ngayon.

"Enthon! Sandali lang!" Hindi naman ito huminto o lumingon man lang sa akin kahit na rinig na rinig niya naman ako. Mukhang galit siya. Mali... galit talaga siya.

Patuloy lang siya sa paglalakad niya papasok ng gubat habang ako ay nakasunod naman sa kanya. Ito ang ikinakabahala kong mangyari kapag pumili na ako. Kung ako lang ay isasama ko siya ngunit may mabigat akong dahilan. Alam kong mangyayari ito ngunit may dahilan naman ako kung bakit.

"E-Enthon, sandali lang naman!" Ngunit tulad kanina ay wala pa rin itong balak na lingunin o hintuan man lang ako. At upang maabutan ay gumamit na ako ng kapangyarihan upang lumipad at lumapag sa mismong harapan niya.

"Enthon, mag- mag-usap naman... tayo," hinihingal kong pakiusap sa kanya dahil sa pagtakbo.

Nakatingin lang ito sa akin, blangko ang mukha at parang walang balak magsalita. Kinakabog ang aking dibdib habang pinagmamasdan siya. Ngayon ko lang ito nakitang ganito kaseryoso, na ganito kalamig tumitig sa akin.

"Enthon, may- may rason ako-"

"At ano 'yun?" walang kaemo-emosyon niyang putol sa sasabihin ko pa lang. Napalunok ako ng wala sa oras at kinilabutan sa sobrang talas at lamig ng kaniyang pananalita.

"H-hindi ko pwedeng sabihin." Napayuko na lang ako para umiwas sa kanyang pagtitig.

"Kung ganu'n wala na tayong pag-uusapan pa," sabi nito bago ako nilampasan. Muli ko siyang hinarap at hinabol. Humarang ako muli sa kanya ngunit nilagpasan pa rin niya ako.

"Pakiusap n-naman, Enthon. Pakinggan mo naman ako."

"Kung hindi mo maibigay sa akin ang rason na sinasabi mo, bumalik ka na lang sa Santuario. Mas kailangan ka ng mga 'pinili' mo rooon," puno ng bigat niyang sabi. 

"Enthon naman eh! Sinabi ni Guro na igalang at tanggapin ang naging desisyon ng pagpili, 'di ba!?" Hindi ko mapigilang magtaas na ng boses dahil sa pambabalewala niya sa akin.

Tumigil nga siya sa paglalakad at pabalang na humarap sa akin.

"Tanggapin!? Paano ko 'yun tatanggapin kung umasa ako na 'ako' ang pinaka-una sa punyetang listahan mo na 'yan!" sigaw niya na nagpatigil yata sa aking paghinga.

Para akong naputulan ng dila, wala akong makuhang salita na pwede kong sabihin sa kanya. Napayuko na lamang ako dahil 'di ko kayang tignan ang galit niyang mga mata.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon