Andress 61 | Bahagi ng Plano

179 17 13
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Bahagi ng Plano ||

Hindi na nilubayan ng malalakas na kabog ang aking dibdib nang tuluyan nang naglaho ang proteksyon na ibinigay sa amin nina Asia at Luwayen. Ang mas ikinakabahala ko ngayon ay ang mga kalabang naramdaman na ang aming presensya at kasalukuyan nang pasugod kung nasaan kami.

"H-humanda ka, Jano. Parating na sila." Dahil sa tindi ng aking kaba ay ito na lang ang nasabi ko sa kanya. Tahimik naman itong naghanda.

Muli akong pumikit at inabot si Kuya Rigor. Hindi naman ako nahirapan at mabilis akong kinonekta ang aking isipan sa kanya.

"Alam na nilang nandito tayo," pagbibigay alam ko sa kanila.

"Babalik na kami riyan," wika ni Kuya Rigor matapos silang lumipat ng pwesto.

"Huwag! Kailangan niyong matapos 'yan, Kuya Rigor. Kapag nawala na ang harang, makakapasok na ang mga kasama natin. Saka lamang kayo bumalik dito kapag natapos na ang ginagawa ninyo, kaya namin ang mga sarili namin. Mas makakaligtas lang kami at ang mga tao rito kapag wala na ang harang," mariing kontra ko sa kaniya. Hindi na ako muling nakapagsalita ni nakarinig ng salita sa kaniya nang hawakan ni Jano ang braso ko.

"Nandito na ang mga kalaban." Mabilis niya akong inalalayang tumayo. Pagharap namin sa pasukan ng kapilya ay may apat na naka-itim na manto na ang parating.

Mahinang mura ang narinig ko kay Jano bago niya ikinumpas ang kanyang kamay sa direksyon ng apat. Nahuli ng mga anino na kanyang minanipula ang dalawa sa kanila habang ang dalawa naman ay nagpaulan kaagad ng mga atake sa amin.

Mabilis akong kumilos at humarang kay Jano, lahat ng atake ay sa harang ko tumama. Kinuha naman ni Jano ang pagkakataon na nasa akin ang atensyon ng mga ito at mabilis na sumulpot sa likuran ng dalawa mula sa anino. Hindi na nakagawa pang manlaban ng apat nang puluputin sila ng mga galamay na likha sa anino. Nasa gitna ng mga ito si Jano na mabilis na ikinukumpas ang kanyang mga kamay upang pasunurin ang mga galamay. Kumilos na rin ako at pinutol ang kamalayan ng mga ito.

Saktong pagbagsak ng apat ay siyang pagdating naman nila Ava at Evan na humahangos.

"Anong nangyayari?" tanong ni Ava. Ngunit nang makalapit ito at makita ang apat na katawan ng mga naka-itim na manto sa sahig ay naunawaan niya rin kaagad.

"Alam na nilang nandito tayo. Kailangan nating umalis muna dito. Baka madadamay ang mga tao kapag patuloy na dumagsa ang mga kalaban dito," ani ko.

"Paano ang mga tao sa baba?" tanong muli ni Ava. May hawak na rin itong patalim sa kanyang mga kamay.

Sandali ko lamang silang tinignan. Kailangan kong gumawa ng plano para hindi madamay ang mga tao sa baba.

"Sumunod kayo sa akin," utos ko sa kanila bago ako tumalima palabas ng Kapilya.

"Ano na?" tanong ni Jano. Hindi na ako nag-atubili pang sabihin ang plano ko.

"Maiiwan ka dito, Ava. Gagawa kaming tatlo ng harang sa buong kapilya. Samahan mo ang mga tao sa loob. Gamitin mo ang kapangyarihan mo para mas palakasin ang mga harang namin. Gawin mo 'yun hanggang sa makabalik sila Kuya Rigor, naiintindihan mo ba?" Walang pag-aalinlangan naman siyang tumango.

Kita na ang kaba sa kanilang mga mukha katulad ko ngunit wala kaming ibang pamimilian kundi ang magpakatatag. Apat lang kaming magkakasama ngayon, hindi namin pwedeng gambalain sila Kuya Rigor dahil mas higit na kailangan namin ang ginagawa nila.

Matapos ibigay ang plano ay muli kong pinabalik si Ava sa loob ng kapilya upang samahan ang mga tao sa baba. Kami na naiwan ay nakaharap na ngayon sa kapilya upang gumawa ng harang.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon