Andress 34 | Puting Alab

292 21 22
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Puting Alab ||

Tahimik lang ang lahat. Bawat isa ay nakahanda sa mga posibleng mangyari. Sa ilalim ng bilog na buwan, kaharap namin ang lalaking nagpakilala sa pangalang Damian.

Nanginginig ang aking katawan habang pinagmamasdan siya. Galit, poot, at takot, ito ang mga nararamdaman ko ngayon. Galit ako sa kanya dahil sa ginawa nila sa aming baryo; sa pagsira nila sa buhay ng marami at sa kasamang ginawa at ginagawa nila ngunit mas nangingibabaw ngayon ang takot ko dahil sa lakas at bigat na dala ng kanyang presensya.

Matapos ang ilang sandaling katahimikan ay humakbang siya ng ilan mula sa kanyang kinatatayuan. Alerto'ng naghanda naman ang mga kasama ko at lahat ay lumapit sa akin. Alam ng lahat na ako ang pakay nila lalo pa at hindi na ako tinantanan ng titig ni Damian na nakangiti pa ng nakakakilabot.

"Mabuti naman at dumating ka rin, Andress. Ngunit mukhang nag-iisa ka lang yatang sumugod dito upang iligtas ang lahat? Aaminin ko, pinahanga mo ako sa husay mo at nagawa mong mapalaya ang lahat ng bihag ng mag-isa lamang," aniya matapos tignan ang lahat ng mga kasamahan ko.

"Gayunpaman, pasasaan ba't kamatayan din ang basak nilang lahat. Ngunit maaari mo naman silang mailigtas lahat 'kung' susuko ka at sasama ng matiwasay sa amin," dagdag pa niya na nagpalakas ng aking kaba. Hindi ako nakapagsalita kaya't si Kuya Saturno ang sumagot para sa akin.

"Sa tingin mo ba ay hahayaan namin kayong makuha ang gusto ninyo!? Dadaan muna kayo sa amin bago niyo siya magawang hawakan!" sigaw ni Kuya Saturno.

Sandaling naging blangko ang mukha ni Damian, mukhang hindi nagustuhan ang winika ni Kuya Saturno. Ngunit nang muli itong tumingin sa akin, agad na bumalik ang nakapangingilabot nitong ngisi.

"Huwag kayong mainip sa inyong kamatayan, darating din tayo riyan. Gusto ko lang naman marinig ang munting tinig ng kinikilalang Puting Liwanag ng Propesiya," anito.

Ito na naman sila sa Propesiya na sinasabi nila.

Ano ba kasi ang Propesiya na iyon?

Makalipas ang ilang sandali ay humakbang ako palabas sa likuran nila Kuya Saturno at Nelmi.

"Kapag ba sumama ako sa inyo ay hahayaan niyo silang maka-alis lahat ng ligtas?" tanong ko na ikinasinghap ng lahat sa aking likuran. Mukhang nagulat rin si Damian sa aking katanungan, ngunit nang makahuma ay mas lalong lumawak ang kanyang ngiti.

"Ipinapangako ko 'yan," nakangising wika nito.

Yumuko na lamang ako at pinagmasdan ang mga kasamahan ko sa aking likuran. Lahat sila ay ma-ang na nakatingin sa akin.

"Andress..." Tanging pangalan ko na lamang ang nagawang sambitin ni Kuya Saturno. Umiiling ito para ipahatid sa akin na 'wag akong sumama.

Mula sa kanila ay hinarap ko muli si Damian na nakangisi pa rin. Huminga ako ng malalim at humakbang paabante. Doon na nagsimulang magkagulo ang mga nasa aking likuran.

"Andress! Huwag mong gawin 'yan! Huwag kang maniwala sa kanila!" pigil sa akin ni Kuya Saturno, maging ang iba pa ay sinusubukan na rin akong pigilan.

Ngunit diretso lamang akong lumakad. Tumigil lamang ako nang nasa pagitan na ako— sa gitna ng magkabilang panig.

Yumuko ako at sandaling nilingon ang mga kasamahan ko na nakatitig sa akin na lahat ay hindi sang-ayon sa aking ginagawa. Binigyan ko lamang sila ng tipid na ngiti.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon