Andress 23 | Naka-abot

397 28 19
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Naka-abot ||

Mainit.

Iyon ang tanging pakiramdam na nararamdaman ko. Kahit na nakapikit ako ay ramdam ko pa rin ang panaka-nakang pag-ikot ng paligid na siyang nagdadagdag ng aking hilo.

Maya-maya pa nga ay maliliit na kaluskos ang aking narinig na sinundan ng mahina at mahinhin na pagtawa.

"Napaka-amo mo naman," dinig kong sambit ng tumawa, boses babae ito.

Sunod na aking narinig ay ang maliit na paghalinghing na mukhang galing sa isang hayop.

Matapos marinig ang mga ingay na 'yun ay nagpasya na akong dumilat. Ang madilim na kalangitan ang una kong nakita, puno na ang kalangitan ng mga kumukutikutitap na mga bituin. Sa ilang segundo na pagbabad ng aking mga mata sa kalangitan ay biglang nagbalik sa aking isipan ang mga nangyari.

Ang mga halimaw!

Pabalikwas akong bumangon mula sa pagkakahiga ngunit kapalit naman no'n ay ang paggapang na matinding kirot sa aking ulo at buong katawan.

Napadaing ako at naluha dahil sa kirot.

"A-aarrgh!"

"Andress!"

Mabilis na yabag ang aking narinig na sinundan ng maingat na pag-alalay sa akin. Ilang sandali lang ay nakaramdam ako ng kaginhawaan sa aking ulo.

"A-asia... ang mga ha-halimaw..." hirap kong sabi habang nakatingin sa kanya. Nakaluhod siya sa aking tabi at kasalukuyang nagliliwanag ang kanang kamay na nakahawak sa aking ulo.

"Kumalma ka, Andress. Wala na ang mga halimaw, ligtas ka na... ligtas na tayo," pagpapakalma niya sa akin.

Maya-maya pa ay may lumundag sa aking hita, nang tignan ko ito ay nagtama ang aming mga mata.

Bigla na lamang namasa ang aking mga mata at dali-dali siyang dinampot upang yakapin.

"Nelmi. Buhay ka," tanging nasabi ko na lamang habang yakap-yakap ko ang kaniyang maliit na katawan.

Mahihinang ungot at halinghing mula naman sa kanya ang aking narinig. Sa palagay ko ay masaya rin siyang makita muli ako.

"Mamaya na muna 'yan. Ang mabuti pa kumain na muna tayo para bumalik na kaagad ang lakas mo, Andress," sabi ni Asia na pumutol sa yakapan namin ni Nelmi. Tanging pagtango naman ang aking nagawang tugon.

Inalalayan niya akong lumapit sa apoy na ginagatungan ng mga tuyong kahoy, mukhang dito galing 'yung init na aking nararamdaman kanina. Sandaling tinignan ko rin ang braso ko na may nakabalot na tela at may dahon.

"Heto, may inihaw na isda tayo. Habang wala kang malay kanina ay umalis ang maamong Kassipoeg na ito at pagbalik niya ay may dala na siyang mga isda," natutuwang wika ni Asia habang hinihimas ang ulo ni Nelmi.

Napatingin naman ako sa puting pusa na mukhang nagugustuhan ang ginagawa sa kanya ni Asia.

Sabay-sabay kaming kumain. Habang kumakain ay nagpabahagi si Asia kung saan ko nakilala si Nelmi, hindi naman ako nagdalawang-isip na mag-kwento simula sa pagkikita namin hanggang sa nagkahiwalay kami.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon