Andress 14 | Nadinig na Hiling

441 35 19
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Nadinig na Hiling ||


Kanina pa sumapit ang dilim. Nilalatagan na ng kadiliman ng gabi ang paligid ngunit ang buong Bayan ng Mórdom ay buhay na buhay pa rin.

Maingay.

Matao.

Masaya.

Ganito pala rito sa pinakamalaking Bayan sa Kanluran. Tunay nga ang mga naririnig kong kwento mula sa mga mangangalakal tungkol sa malaki at sibilisadong Bayan sa Kanluran– masaya at maraming tao.

Hindi na nga nakakapagtaka kung bakit marami sa mga ka-baryo namin ang piniling makipagsapalaran at mamuhay rito ngunit kaiba sa kanila... kailangan kong umalis.

Ang malaking bayan na ito ay malayong-malayo sa kinagisnan ko. Ito ang unang beses na ako ay makalabas mula sa aming baryo kaya't namamangha pa rin ako sa aking mga nakikita.

Binubulag ako ng makukulay na liwanag, pina-u-uwang ng mga gusali at bahay na gawa sa tisa at bato ang aking bibig ngunit ang kagustuhan kong manatili rito ay pinuputol at sinisira naman ng nangyaring trahedya sa aming baryo at 'yun ay dahil sa akin.

Hindi ko alam ang tunay na pakay ng mga naka-itim na manto na sumugod at nanggulo sa aming baryo, ngunit hindi maaalis sa aking isipan na posibleng isa ako sa naging dahilan ng pagkasira ng aming baryo. Nais nila ako at 'yun ay dahil sa kapangyarihan ko.

Wala akong alam sa gagawin nila sa akin sa oras na makuha nila ako kaya't magpahanggang ngayon ay natatakot pa rin ako. Wala man sila sa paligid ngunit alam ko na darating at darating ang panahon na muli nila akong mahahanap at hindi na maaatim pa ng aking konsensya kapag pati ang bayan na ito ay nadamay pa sa aking sumpa.

Mahirap nguni't kailangan kong tanggapin na mabubuhay na nga ako ng mag-isa. Kung nais kong mailayo ang iba sa sumpang dala ko dapat akong lumayo at mabuhay ng mag-isa.

Kaya nga heto ako ngayon, kahit na gabi na ay palakad-lakad pa rin upang hanapin ang daan palabas ng bayan. Ngunit magkaganu'n pa man ay maliwanag na maliwanag naman ang buong paligid dahil buhay na buhay nga ang buong bayan kahit gabi.

Sa aking palagay ay nasa malaking pamilihang-bayan ako ngayon dahil sa marami akong nadadaanan na mga bentahan ng kagamitan, pagkain at iba pa at maraming tao sa paligid.

Madali lang sana na mahanap ang daan palabas sa pagtatanong lamang sa mga taong nakakasabay at nakakasalubong ko pero natatakot ako. Natatakot ako na baka madamay sila sa kamalasan ko kaya pinili ko na lang na maglakad-lakad habang namamanghang pinagmamasdan ang paligid.

Sa pagmamasid-masid ko sa paligid ay nagawi ang aking atensyon sa malawak ngunit malabo na liwanag na nakabalot sa buong bayan.

Ang depensa ng bayan.

Para lamang itong malaking bula at kitang-kita ito ngayon dahil sumapit na ang dilim.

Ang malaking bayan na tulad nito ay mainam nga naman na may matibay na depensa mula sa mga nagbabalak ng masama rito lalo pa't kalat ngayon ang kaguluhan at takot.

Dahil sa pagkamangha ko sa mahiwagang harang ng bayan ay hindi ko napansin ang aking nilalakaran. Nagulat na lamang ako nang may mabunggo ako at pareho kaming natumba.

Dali-dali akong tumingin sa harapan at mabilis na tumayo upang lapitan ang aking nabunggo.

Isang matanda.

"Lolo, p-pasensya na po kayo. Kasalanan ko, hindi po ako nakatingin sa aking nilalakaran," paghingi ko ng despensa.

Nang ako'y lubusang nakalapit sa kanya upang s'ya ay tulungang makatayo ay naamoy kong amoy alak s'ya. Hindi nga niya ako pinansin dahil aligaga s'ya at tila may hinahanap sa paligid.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon