"Even though I walk through the valley of the shadow of death, I will fear no evil, for you are with me;
your rod and your staff, they comfort me."- Psalm 23: 4 –
SA gitna ng kadiliman ay gumuho ang lupa, tila nagsilbing pinto ng apoy na tila nagngangalit sa galit at bumulusok iyon pataas na para bang gustong abutin ang matayog na kalangitan. Gustong sakupin at angkinin ang banal na Kaharian ng Diyos. Ngunit hindi pinayagan ng dakilang mga alagad ng Panginoon ang plano ng mga kalaban.
Lumakas ang hangin, umikot ang mga ulap at bumukas ang pinto ng kalangitan. Ang liwanag na nagmumula doon ay napakaliwanag. Nakakabulag. Sa pagsalubong sa gitna ng alapaap ng liwanag at apoy, nagkaroon ng tagisan ng lakas. Kabutihan laban sa kasamaan. Anghel laban sa mga alagad ni Lucifer.
Hanggang sa dumating ang isa pang alagad ng kadiliman. Isang nilalang na nababalot sa itim na tela ang kasuotan. Ang kanyang mukha ay nababalot ng kadiliman, ang kanyang puso ay nababalot ng galit at nagbabagang apoy. Taglay nito ang kapangyarihan na mas malakas sa inaasahan. Mula sa dagat ng apoy at lalabas ang isang higanteng rebulto ni Lucifer. Dala ng alagad ng kadiliman ang isang kapahamakan, ang buhay ng isang mortal ang kanyang ipagkakanulo. Isang buhay na handang isakripisyo at ialay sa panginoon nito.
HABOL ni Haley ang bawat paghinga matapos ang biglang pagdilat ng kanyang mga mata. Para siyang tumakbo ng ilang kilometro. Pagod. Nanghihina. Masakit ang katawan. Ramdam niya ang pagtulo ng malamig na pawis mula sa kanyang sentido, pababa. Takot. Iyon ang naramdaman niya pagkatapos.
"Ate Haley!"
Doon lang napakurap ang dalaga. Paglingon ay bumungad sa kanya ang mukha ng pinsan na si Rinalyn. Agad itong tumakbo sa tabi niya, bakas sa mukha
ang saya at parang naiiyak pa. Bigla siyang naguluhan. Ano nga ba ang nangyayari?
Kulay puti ang dingding ng silid na iyon, nakahiga siya sa isang kama at maraming aparato ang nakakabit sa katawan niya. Ni hindi siya makapagsalita dahil sa tube na nasa bibig niya. Ilang sandali pa, humahangos na pumasok ang mga doctor at nurses. Nang alisin na ng mga ito ang tube sa bibig, saka lang siya nakapag-salita.
"A... anong... nangyari?" nanghihina pa rin na tanong niya.
"Ate... wala ka bang natatandaan?" tanong din ni Rinalyn.
Tumingin siya sa mga doctor.
"Doc..."
"Haley, apat na buwan kang comatose matapos mong ma-aksidente," sagot ng doctor.
Natulala siya, kasunod niyon ay ang mabilis na pagbalik ng nakaraan.
"A-ate... si Ate... Amy... nasaan ang kapatid ko?"
Napuno ng pag-aalala at takot si Haley para sa nakatatandang kapatid. Hindi siya puwedeng magkamali, wala siyang amnesia at malinaw ang kanyang alaala. Noong gabi na mangyari ang aksidente, kasama niya sa kotse si Amy dahil doon dapat matutulog sa apartment niya ang kapatid. Pinilit niyang bumangon pero pinigilan siya ng mga nurses at doctor.
"Si Ate Amy?" ulit ng pinsan niya.
"Nasaan siya? Anong nangyari sa kanya?" umiiyak na tanong ni Haley.
Nagtaka siya ng magtinginan si Rinalyn at mga hospital staff.
"Sa... sabihin n'yo sa akin... ang totoo. Nasaan... ang kapatid ko?" kabadong tanong ulit niya.
"Ate Haley, wala kang kasama sa kotse noong ma-recover ka ng rescue team sa loob ng kotse mo."
BINABASA MO ANG
Heaven's Warriors Series 4: An Angel's Reflection
Fantasy"The moment I held you in arms, that's when I know I am already home." Teaser: Bilang isang researcher ng isang Paranormal-Mystery Documentary program sa isang cable channel. Haley have already witness a lot of unusual things. Multo, White Lady, UF...