Chapter 17

69 10 1
                                    

PATULOY ang dasal ni Haley na magising ang dating Amy na mabait, sweet at may mabuting puso. Iyon ang nakilala niya. Hindi ang mala-demonyong kaharap niya ngayon.

"Ate, nakikiusap ako, tama na. Patawarin mo na si Papa!" umiiyak na pakiusap niya.

Umagos ang luha sa mga mata niya ng tumingin kay Raven.

"Nakikiusap ako, Raven. Huwag mo siyang sasaktan, alam kong hindi niya alam ang ginagawa niya dahil nabubulag siya ng kanyang galit!"

"Tumahimik ka! Paano ko papatawarin ang isang taong ni hindi humingi ng tawad sa akin?!"

"Humingi siya ng tawad sa'yo," sabi ni Ramiel.

Lumingon ang kapatid niya dito.

"Huwag mong bilugin ang ulo ko!" hindi naniniwalang sagot nito.

Sa isang iglap ay dumating ang isang anghel na kahawig ni Raven na mas matanda ang itsura dito. Tumaas ang kamay nito at agad na may pumalibot sa kanilang silhouette na kapangyarihan na kahit sinong kalaban ay hindi magawang makapasok doon.

"Si-sino ka?" nauutal na tanong ni Amy.

"Ako ang anghel na sumundo sa kaluluwa ng iyong ama. Gusto kong makita mo ang huling sandali ng buhay niya, bago siya tuluyan pumanaw," sagot nito.

Binaba ni Raven ang espada at sa harap mismo ni Amy ay pinakita ng mga ito ang imahe ng kanilang ama. Lalong napaiyak si Haley ng makita ito.

"Papa," bulong niya.

Sinamantala ni Raven na nasa iba ang atensiyon ni Amy. Lumapit ito sa kanya at mabilis na tinanggal ang pagkakatali sa kamay niya. Mabilis siyang yumakap kay Raven.

"Salamat, Salamat at dumating ka," bulong niya.

"Alam mo na hindi kita kayang pabayaan," sagot nito.

"Iligtas n'yo rin ang kapatid ko," sabi ni Haley.

"Huwag kang mag-alala, kami na ang bahala sa kanya."

"Halika na, kailangan makaalis ka na dito."

Humawak siya sa braso ni Raven.

"Sandali lang, gusto kong makita ang huling sandali ng buhay ni Papa," pakiusap niya.

Muli siyang lumingon sa kapatid at pinanood din ang kanyang ama. Nakaupo ito sa gilid ng kama at hawak ang larawan ng kanyang pumanaw na ina.

"Milagros, alam kong malaki ang pagkakasala ko kay Amy. Sinubukan kong maging pantay ang tingin sa kanila ni Haley. Mahal ko rin siya at sa haba ng panahon, tunay na rin anak ang tingin ko sa kanya. Pero dumarating ang pagkakataon na kapag nakikita ko si Amy, naalala ko ang pagtataksil mo. Sa kanya ko naibubuhos ang galit ko sa'yo. Tulungan mo ako, Milagros. Natatakot ako sa ginagawa ni Amy. Nag-aalala ako sa kanya, baka kung anong mangyari sa kanya," sabi pa nito.

Nang tingnan ni Haley ang kapatid, nakita niyang umaagos na ang luha mula sa mga mata nito. Nawala ang panlilisik at matinding galit doon. Sa sumunod na pangyayari, nasaksihan niya ang naunang kuwento ni Amy, kung paano ito nagpakita sa ama na nakaitim na balabal at gamit ang kapangyarihan. Malinaw ang kanyang nakita, sinadyang takutin ni Amy ang Papa niya para atakehin ito sa puso. Malakas siyang napahagulgol sa nakita. Nabalot ng sakit at pighati ang kanyang damdamin.

"Bakit mo ginawa iyon kay Papa, ate?! Bakit?!" palahaw niyang iyak.

Walang naisagot si Amy, sa halip ay ang tunog ng pag-iyak lang nito ang kanyang narinig. Muli siyang napatingin sa Papa niya. Wala na doon si Amy, at tuluyan na itong nakahiga sa sahig habang hirap na hirap sa paghinga. Napansin niya na tumingin ito sa gilid nito at inangat ang kamay na tila may inaabot.

"Huwag mong pababayaan ang mga anak ko. Lalong lalo na ang panganay ko... sabihin... mo... kay... Amy... mahal ko siya... at... humi... hingi... ako ng... tawad sa lahat... ng nagawa ko..."

"Papa," mahinang usal ni Amy, ilang sandali pa ay tila nawala ang kapangyarihan nito at tuluyan bumagsak sa kama.

Sa gitna ng pag-iyak nito ay tuluyan nagbago ang anyo ng mukha ng kapatid. Ngunit kasabay niyon ay tuluyan nasira ng kalaban ang proteksiyon na nakapalibot sa kanila.

"Ama, umalis ka na dito! Kami na po ang bahala sa lahat," sabi ni Raven sa anghel.

Eksaktong nawala ang anghel na kumausap sa ate niya. Bigla na lang sumulpot sa likod ni Amy si Bernael.

"Sinasabi ko na nga ba't mahina ka!" galit na sabi nito.

Napasigaw si Haley ng mula sa likod ay saksakin nito si Amy.

"Ate!"

"Kumapit ka ng mabuti," sabi ni Raven sa kanya.

Sinugod nito si Bernael at muling naglaban ang dalawa. Mayamaya ay umuga ang lupa na kinalalagyan ng kama. Hanggang sa unti-unting gumuho ang parte kung saan nakaluhod si Amy habang panay ang agos ng dugo sa tiyan at bibig nito.

"Ate Amy!" sigaw niya ulit ng mahulog ang kapatid mula doon.

Mabilis siyang kumilos at nahawakan ito sa kamay.

"Kumapit kang mabuti, ate!"

Malungkot na ngumiti si Amy sa kanya, at marahan umiling.

"Bitiwan mo na ako, Haley," nanghihinang sagot nito.

"Hindi! Ayoko! Humingi ka ng tawad sa Diyos, bumalik ka sa Kanya, alam ko papatawarin ka Niya!"

"Binigay ko ang buhay at kaluluwa ko kay Lucifer... hindi ako karapat-dapat sa langit," sagot nito.

"Pero ate..."

"Patawad sa lahat," sabi nito.

Matapos ay ito mismo ang bumitaw sa pagkakapit niya at tuluyan nahulog sa dagat ng apoy. Natulala na lang si Haley, ni hindi siya nakasigaw, walang lumabas sa bibig niya kung hindi ang tunog ng iyak at ang pangalan ng kapatid.

Ngunit ilang sandali pa, muling umuga ang kama, unti-unting gumuho ang lupa sa ilalim. Mabilis na napakapit sa headboard si Haley. Bago pa niya matawag si Raven ay tuluyan na iyon gumuho. Napasigaw siya ng malakas. Takot ang bumalot sa buo niyang pagkatao matapos makita ang dagat na apoy na sasalo sa kanya.

"Raven!" sigaw niya.

Sa isang kisap mata, lumitaw ang binata sa kanyang tabi ay agad siyang sinalo. Napayakap siya ng mahigpit kasabay ng paglipad ng takot niya kasama ng hangin. Sa lahat ng pinagdaanan niya ng gabing iyon, iyon ang unang beses naramdaman ni Haley ang kapanatagan ng kalooban. Napalingon siya ng makitang papalayo sila ng papalayo sa gulo.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya.

"Doon sa ligtas na lugar, kailangan mong makalayo dito," sagot ng binata.

Lumitaw sa harapan nila ang isang lagusan na may nakakasilaw na liwanag. Bago pumasok doon ay pumikit siya ng mariin, at sa kanyang pagdilat. Naroon na siyang muli sa apartment ni Raven. Nadatnan nila doon si Nami.

"Dumito ka lang muna, kailangan kong balikan ang mga kasamahan ko. Huwag kang mag-alala, ligtas ka dito," sabi ni Raven.

Marahan siyang tumango. Bago ito umalis ay hinawakan ni Haley ang binata sa braso.

"Babalik ka, di ba?" tanong pa niya.

Ngumiti si Raven, ngunit may bahid ng lungkot maging ang mga mata nito. Kasunod niyon ay tumango ito.

"Oo, babalik ako," sagot nito.

Unti-unting naglaho si Raven sa kanyang harapan, umangat ang kamay niya, pero tumagos na iyon sa mukha nito. From silhouette, until he's completely gone. Sinabi naman ng binata na babalik ito, pero muli niyang naramdaman ang takot. Bumigat ang kanyang dibdib. Dahil alam niya na sa pagbabalik ito, iyon na ang tamang oras para tuluyan na itong magpaalam sa kanya.   

Heaven's Warriors Series 4: An Angel's ReflectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon