Chapter 18

72 9 0
                                    

          LUMIPAD pababa si Ramiel at muling hinarap si Bernael na kasalukuyan itong nakikipaglaban kay Raphael.

"Raphael, ako na ang haharap sa kanya!"

Huminto ang dalawa sa pakikipaglaban at lumipad sa kanyang tabi ang kaibigan.

"Tulungan mo na ang iba pang kasamahan natin," aniya saka tumingin sa paligid.

"Parami ng parami ang pagdating ng mga kasama nila. Hindi tayo maaaring matalo," dugtong niya.

"Kapag natalo mo si Bernael, mamamatay din ang mga kasama niya," wika nito.

"Kaya kailangan matalo ko siya," sagot niya.

Nang iwan siya ni Raphael ay saka niya muling hinarap si Bernael.

"Isang kahangalan ang magmahal ng isang mortal, gayong isa kang anghel. Bakit hindi ka na lang sumama sa amin? Talikuran mo ang Diyos na sinasamba mo, at ibibigay ko sa'yo ang babaeng mahal mo."

Napangisi siya sabay iling. "Hindi mahina ang pananampalataya ko para makumbinsi ako ng mga matamis ngunit mapanlinlang mong salita. Isa akong alagad ng Diyos, at wala akong ibang pagsisilbihan at bibigyan papuri kung hindi Siya lamang," sagot niya.

"Hangal!" galit na sigaw nito na umalingawngaw sa buong paligid pagkatapos ay mabilis siyang sinugod. Mula sa kabilang kamay ay lumitaw ang isa pang espada at iyon ang ginawa niyang pansalag sa atake nito sa pamamagitan ng pag-krus ng dalawang espada.

"Hindi mabubuo ang Aurae Praelia! Hindi kayo mabubuo! Hawak namin ang isa sa inyo at kailan man ay hindi kayo magtatagumpay! Ang kasamaan ang maghahari! Tanging ang kasamaan lamang!" galit na sigaw nito, sabay sipa sa kanya sa tiyan kaya tumilapon siya ng malayo.

Agad nakabawi si Ramiel at sa pagkakataon na iyon ay siya naman ang sumugod. Sunod-sunod niyang inatake ito ng dalawang espadang hawak nito. At sa bawat pagwasiwas ng kanyang sandata ay nahihiwa niyon ang parte ng katawan ni Bernael. Ngunit sa sunod niyang galaw, nagawang makaiwas nito at nahawakan siya ng mahigpit sa leeg. Agad naman niyang inumang ang dalawang espada sa leeg nito, ngunit hindi ito natinag. Sa kabila niyon ay nagawa niyang ngumisi.

"Alam natin dalawa na iisa lang maghahari sa mundo at sa buong sanlibutan, ang tunay na Panginoon na may gawa ng langit at lupa. Ang Diyos na gumawa sa'yo na siyang tinalikuran mo dahil mas nagpadaig ka sa kasakiman ng kapangyarihan. Sa huli, walang ibang maghahari sa lahat kung hindi ang nag-iisang Diyos!" sagot niya.

Matapos iyon ay bigla niyang sinugatan sa leeg ito at ang isang espada naman niya ay mabilis niyang tinarak sa tiyan nito. Napasigaw si Bernael sa sakit, dahil doon ay nabitiwan siya nito kaya agad na nakalayo. Mula sa kamay niya ay nawala ang isang espada. Lumipad sa kanyang tabi sila Angelo, Raguel at Raphael at kapwa hinarap si Bernael. Nakita niya ang takot sa mga mata nito ngayon apat na silang kaharap nito.

"Hindi ako magpapatalo sa inyo, hindi!"

Pinaligiran nilang apat si Bernael kung saan ito nakatapak sa malaking rebulto ni Lucifer. Pagkatapos ay sabay sabay nilang sinambit ang glossolalia. Biglang umihip ang malakas na hangin at mula sa langit ay tila kidlat na tumama ang mga liwanag na iyon sa mga kampon ni Bernael. Sa isang iglap, naubos ang mga kasama nito. Matapos iyon ay pinaikutan din ng ibang mga anghel si Bernael at ang rebulto.

Bago pa nila malaman ang sunod na magiging kilos ni Bernael, nagulat na lang si Ramiel ng bigla itong nawala. Ganoon na lang ang gulat niya dahil nang lumingon ay nasa likod na pala niya ito at mabilis siyang sinaksak...

Heaven's Warriors Series 4: An Angel's ReflectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon