Mabilis ang naging takbo ng araw simula noong in-offer sa akin ni Yan ang pagiging full time kasambahay sa kanila. Hindi na ako nag-alinlangan at pinag-impake ko kaagad si Ces.
Binenta na rin namin ang ibang gamit katulad ng telebisyon, radyo, at mga damit para kahit papaano ay may extra kaming pera pagkalipat sa bahay ng mga Graciano.
"Ate, yung nagbigay sa atin ng grocery..." ani Ces. "Andro ba pangalan niya?"
Kaagad akong naalarma roon kaya diretsa ko siyang tinignan.
"Bakit? Paano mo nalaman?" Sinubukan kong pakalmahin ang boses ko, kahit ang totoo'y nag-pa-panic na ako.
"Dumaan kasi kahapon sa bahay, habang nasa school ka," kuwento niya. "Tapos pinapaabot niya 'to sa'yo."
Inabot ni Ces sa akin ang isang maliit na papel. Nakasulat doon ang numero ni Andro, at may nakalagay pa sa ibaba noon na, 'Call me if you need anything'.
"Parang ang bait niya, 'te. Sabi pa niya sa'kin, natutuwa raw siyang makilala ako."
Ang mabilis na tibok ng puso ko ay mas lalong bumilis.
"Ano pa sinabi niya?"
Naku! Tutuktukan ko talaga sa bunbunan si Andro kapag nagkuwento siya tungkol sa Bleanriths sa kapatid ko!
Ayos lang sa akin na ako ang kausapin at pilitin niya tungkol doon, huwag lang si Ces!
"Wala naman, umalis din siya kaagad. Nanliligaw ba yun sa'yo, ate?"
Parang binununtan ako ng tinik sa dibdib.
"Ah, oo, manliligaw ko 'yon, pero 'di ko bet kaya kapag kinausap ka next time, tumakbo ka kaagad palayo," payo ko sa kapatid habang nilalagay sa bulsa ang papel na binigay ni Andro.
Alam kong malaki ang tsansa na alam na ni Andro ang tunay na pagkatao ni Ces, pero mas mabuti pa rin na nag-iingat. Baka mamaya'y imbes na ako ang pilitin niya maging reyna, kay Ces matuon ang atensyon niya.
Hindi ito kinlaro sa akin ni Mama Lucita dati, pero ang alam ko'y isa ring maharlika ang pamilya ni Ces sa Bleanriths, ang mga Psythíros.
At kung sakaling naghahanap nga si Andro ng mga anak ng maharlika, ibig sabihin ay maaari niya ring pag-interesan ang kapatid ko.
"Grabe, ate, dito nakatira kaibigan mo? Ang lalaki ng bahay."
Naputol ang iniisip ko nang marinig ang malakas na boses ni Ces.
Kakapasok lang namin sa Hayfield subdivision kung saan nakatira ang mga Graciano, at talagang malalaki at malalawak nga ang mga bahay rito. Ang iba'y umabot pa sa third at fourth floor, at tig-da-dalawang kotse pa ang nakaparada sa garahe.
Nang makarating kami sa bahay ng mga Graciano, kaagad kong pinindot ang doorbell. Lumabas naman si Yan na may ngiti sa labi habang pinagbubuksan kami ng gate.
"Come in, come in," aniya bago kinuha ang bitbit na bag ni Ces.
"Salamat talaga, Yan," sambit ko.
Ngumiti siya, iyong sinsero na nagpatunaw sa puso ko. "Don't worry about it."
Kung malawak ang labas ng bahay nila, mas malawak naman sa loob. May nagkikintabang brilyante sa chandelier habang halos kuminang na ang sahig sa sobrang linis noon. Sobrang laki rin ng kanilang telebisyon na animo'y pang-sinehan na ang screen.
Wala akong ka-ide-ideya na ganito kayaman sina Yan!
Dumapo ang mga mata ko sa dalawang bulto ng tao na prenteng nakaupo sa malawak na sofa. Ang lalaki'y may hawak na baso ng alak habang nakatuon ang atensyon sa cellphone, habang ang babae naman ay may kung ano-anong kolorete sa katawan habang ang noo'y kunot na kunot.
BINABASA MO ANG
The Girl Who Loathes Magic
FantasiAng gold digger ng Ridgeview University na si Aqheia Satorius ay may kapangyarihan; kaya niyang bumasa ng isip. Bukod doon, marami pa siyang tinatagong sikreto, simula sa kanyang tunay na estado, hanggang sa kanyang pagkatao. Si Akkie ay ang prinses...