"Ate, bakit tayo umalis doon? Saan na tayo titira? Saka anong nangyari sa kamay mo? Sinaktan ka ba ni Mam?"
Tuloy-tuloy ang tanong ni Ces pero kahit isa’y hindi ko magawang sagutin. Nakatuon ang atensyon ko sa cellphone kung saan naka-type na ang numero ni Andro.
Isang pindot lang, matatawagan ko na siya.
Isang pindot lang, mababago na ang buhay ko.
Handa ba talaga akong tanggapin yung offer niya?
Ngayong nahimasmasan ako sa ginawang pag-wo-walk out kay Mrs. Graciano, napagtanto ko ang aking katangahan. Dapat ay tiniis ko na lang ang salita niya; salita lang naman iyon, at hindi naman niya sa akin sinabi ng harapan. Hindi naman niya ako sinaktan.
Ako lang itong masyadong nag-overreact, at dahil doon, heto kami ni Ces, nasa labas ng Hayfield, nakatayo sa gitna ng kalsada na animo’y mga pulubi na napadpad sa lugar ng mayayaman.
Hindi na kami pwedeng bumalik ngayon. Sigurado akong hindi na rin kami tatanggapin ni Mrs. Graciano.
Punyeta. Ano bang pumasok sa isip ko?
“Ate.”
Malakas akong bumuga ng hangin. “Ces, wait lang, pwede? Ginagawan ko na ng paraan oh!”
Gusto kong sabunutan ang sarili nang makita ang pagbabago sa ekspresyon ng kapatid.
“Sorry…” bulong ko. “Hindi ko sinasadyang sigawan ka.”
Tumango si Ces, ang lungkot ay kitang-kita sa mata. “Okay lang, Ate. Ako nga dapat ang nag-so-sorry kasi hindi kita matulungan.”
Parang dinudurog ang puso ko nang marinig ang naiiyak niyang boses.
Umiling ako. “Hindi, ayos lang ‘yon. Ate mo ‘ko. Tama lang na ako ang gagawa ng paraan.”
Binaba ko ang bitbit na bag at niyakap si Ces na nagsisimula nang tumulo ang mga luha. Hinimas ko ang kanyang buhok habang pinipigilan ang sariling umiyak din.
“Huwag kang mag-alala, magiging okay rin ang lahat.”
Seryoso ang mukha ni Andro nang bumaba siya sa kanyang sasakyan. Nilukob ako ng hiya noong nakita ko ang paglapat ng tingin niya sa amin ni Ces, at sa mga gamit at bag na nakakalat sa kalsada.
Sa loob ng isang linggo, pride ang pinairal ko. Ilang beses ko siyang tinanggihan, pero wala, ito pa rin ang ending.
“What happened to your hand?” tanong niya nang makalapit. Kaagad din niyang pinulot ang mga bag.
Napalunok ako. “Salamat sa pagpunta.”
“Don’t worry about it,” aniya. “Sumakay na kayo, ako na ang bahala rito sa gamit niyo.”
Walang sabi-sabi akong tumango at hinigit si Ces papasok sa amoy prutas na sasakyan ni Andro.
“Ate, akala ko ba ‘di mo bet si Kuya Andro? Bakit siya sumundo sa’tin?” bulong ni Ces.
“Shh!” mabilis kong sabi at sumulyap kay Andro na abala sa pagbuhat ng gamit at bag namin. “Hindi ko pa rin siya bet, kaya huwag mo pa rin siyang kakausapin, okay?”
“Mukha naman siyang mabait.”
“Hindi lahat ng mukhang mabait, mabait na,” pangangaral ko sa kapatid. “Hindi ko gaanong kakilala si Andro, kaya mag-iingat tayo pagdating doon sa kanila. Sa iisang kwarto tayo matutulog, at hindi ka uuwi roon hanggang hindi kita sinusundo, okay?”
Tumango siya. “Sige po, ate.”
Mabuti na lang ay sumusunod si Ces sa akin.
Alam kong mukhang mabait si Andro, at nitong nakaraang linggo ay pinakita niya ang kanyang kabutihan. Pero hindi pa rin ako makasisiguro. Hindi ko mabasa ang isip niya, ibig sabihin ay hindi ko malalaman ang sunod na magiging galaw niya; paano kung may iba pala siyang binabalak?
BINABASA MO ANG
The Girl Who Loathes Magic
FantastikAng gold digger ng Ridgeview University na si Aqheia Satorius ay may kapangyarihan; kaya niyang bumasa ng isip. Bukod doon, marami pa siyang tinatagong sikreto, simula sa kanyang tunay na estado, hanggang sa kanyang pagkatao. Si Akkie ay ang prinses...