[Dennis]
Sa dami ng klase ng mga baril na inaral kong gamitin, hindi ko akalain na sa itak at palakol lang pala ako mamamatay. Napalunok ako at napatingin sa kumikinang na talim ng mga itak na hawak ng mga Tito at Tatay ni Roxanne. Bagong hasa pa nga yata ang mga ito dahil halos masilaw ako sa kintab ng mga dulo nito.
Oo--nandito na 'ko sa kanila! Sa harapan mismo ng kanyang buong angkan na sumalubong sa 'kin pagdating ko. Pinapasok nga nila 'ko agad kanina kaya akala ko very welcome ako sa pamilya niya. Pero hindi ko naman inakala na digmaan yata itong pinasukan ko. Bigla ba naman silang nagkuhaan lahat ng kani-kanilang armas!
Por dios por santo!
Wala man lang akong dalang backup! At kung papatayin nila 'ko ngayon dito ay tiyak walang makakaalam sa mga kaibigan at pamilya ko kase wala naman akong pinagsabihan kung saan ako nagpunta. Mananatiling misteryo na lamang siguro ang pagkabura ng napakaganda kong pagkatao sa mundong ito kapag nagkataon. Tangina sana pala sinama ko si Jasper para dalawa kami.
"Bakit ka ba kasi nagpunta rito?" salubong ang kilay na tanong ni Roxanne. Hindi naman siya mukhang galit. She sounds worried actually.
"S'yempre para sundan ka," diretsang sagot ko.
Hindi naman siguro ako nagpunta rito para bisitahin ang kapit-bahay nila 'di ba? Pero s'yempre hindi ko sinabi 'yon.
"Ha? Bakit mo naman ako sinundan?"
"Ha? Hindi mo alam?" pilosopong tanong ko pabalik kaya sinamaan niya 'ko ng tingin. "Sinundan kita para ligawan. Gets mo na?"
Akala ko ay makakahinga na 'ko ng maluwag dahil nasabi ko na rin sa kanya sa wakas. Ngunit ngayon pa lang yata talaga ako malalagutan ng hininga.
"ANONG SINABI MO?!"
Nayanig ang buong bahay nilang gawa sa kahoy dahil sa sabay-sabay na pagsigaw ng Tatay niya at limang Tiyuhin. Sa totoo lang mapapayat lang sila. I mean, kaya ko silang labanan sakaling sugurin nila 'ko. Ang problema lang may mga itak sila, ako wala.
Huminga ako ng malalim at matapang na tumayo ng tuwid sa harapan nilang lahat.
"Liligawan ko po si Roxanne! Nandito po ako para humingi ng permiso n'yo!"
May isang babaeng payat na dumating. Nagpupunas ito ng mga kamay sa damit habang papalapit sa amin.
"Magalang na bata naman pala. Binata ka ba?"
"P-Po? Opo! Opo! Binata po ako!" Fresh na fresh din!
"Ano ngang pangalan mo ulit?"
"Dennis po!" nakangiting sagot ko. "Short for Dennis Joseph Poging Wang po."
Tinanguan ako nito na parang sign of approval. Medyo nakahinga ako ng maluwag. See? I'm so irresistible! Sa babae lang siguro talaga tumatalab ang charm ko, pero takte wala naman sa plano ko 'tong manghihingi muna ng permiso! Ang balak ko lang talaga ay magbakasyon dito habang kinukumbinsi si Roxanne na liligawan ko siya at bumalik na ng Maynila.
Napakamot sa ulo ang nanay ni Roxanne.
"Ang haba naman pala ng pangalan mo."
"Dennis na lang po para maiksi, Mama."
Biglang natahimik silang lahat sa sinabi ko. Puro mga manok at palaka sa labas na lang ang narinig ko. Akala ko na naman ay na-flatter sila sa sinabi ko pero putangina! Sabay-sabay na inilapit nilang lahat ang mga itak nila sa 'kin!
"Wag po!" sigaw ko at napayakap ako sa sarili ko.
Ang lala naman pala ng mood ng mga tao rito! Napakabilis uminit ng mga ulo! Dinaig pa si King!
