[Roxanne]
"Three thousand daw ang maximum capital ng lahat. Yun ang paiikutin natin sa loob ng isang linggo," paliwanag sa amin ni Rica na lider ng aming grupo. Ang mga lider lang kasi ang pinatawag ng prof para sa final meeting, tapos di-disseminate lang sa aming members ang details.
"Good luck sa atin!" sabi ni Rowena, isa sa mga kagrupo ko.
"Galingan natin!" dagdag din ng isa pa na si Lovely. Bale sa aming group, si Trey lang ang lalaki.
Nasaan na nga pala 'yon?
"Nagsabi ba si Trey kung sasama siya ngayon?" tanong ko sa mga kasama ko.
"Sabi niya kahapon sasama raw siy--oh! Ayan na pala siya!"
Itinuro ni Rica ang paparating na si Trey na kung maglakad, parang namamasyal sa park.
"Ano ba 'yan, Trey. Nagmamadali na kaming lahat dito tapos ikaw tamang chill pa kung maglakad."
"Hindi pa naman kayo nakakaalis, meaning, hindi pa 'ko late."
Napakamot na lang sa ulo nito si Rica. Papunta kami ngayon sa apartment ko para ihanda ang mga ititinda namin bukas sa booth. Di ba nga ay 'yung mga paninda ko ang gusto nilang itinda namin? Hindi ko nga alam kung gusto ba talaga nila 'kong tulungan mapaubos 'yon, o tinatamad lang talaga silang mag-isip ng iba pang pwedeng itinda.
Sumakay kami ng jeep sa paradahan at naghintay pa ng sampung minuto bago ito umalis. Malapit lang naman dito 'yung apartment ko, around 15 minutes. At sa tulin magpatakbo ng jeep na nasakyan namin, 10 minutes lang nakarating na kami.
Kinuha ko ang susi sa bag ko para buksan ang pinto. Medyo nahihiya pa nga ako noong una na papuntahin sila rito dahil maliit lang ang apartment ko, pero napakamapilit nilang lahat. Gusto raw nila 'kong tulungan mag-prepare ng ititinda namin bukas.
"Pasensya na medyo makalat," sabi ko dahil nagmamadali na ‘kong umalis kanina kaya hindi na 'ko nakapagligpit.
"Ayos lang ano ka ba!" ani Rica na kaagad nag tour sa buong apartment ko. "Nakakainggit ka naman, naka-apartment ka ng gan'to. Sana ako rin."
Pumasok ako sa kwarto para ilagay roon ang bag ko. Nakangiti akong lumabas pagkatapos.
"Ano namang nakakainggit dito? Buti ka nga may bahay talaga at kasama mo pa ang pamilya mo. Higit sa lahat, hindi mo kailangan mamoblema sa renta buwan buwan. Mas nakakainggit ka."
"Naku! Eh mas gugustuhin ko nang mamoblema sa renta buwan buwan kaysa marinig ang boses ng tatay ko sa bahay araw araw. Yung peacefulness kapag mag-isa ka, 'yun ang hinahanap ko."
Hindi ko akalain na may ganitong hinaing pala sa buhay si Rica kahit lagi ko siyang nakikitang nakatawa. Kung gano’n ay maswerte pa pala ako kahit paano.
“Hindi ba delikado sa lugar na ‘to?”
Napalingon ako kay Trey na nakatayo pa rin at parang inspektor na iniinspeksyon ang apartment ko. Nakasiklop sa likuran niya ang mga kamay niya habang nililibot ng tingin ang bawat sulok.
“Hindi naman. Sa awa ng Diyos sa ilang buwan ko na rito, wala pa naman akong nararanasang hindi maganda.”
“Kita mo naman ‘yang mga lock sa pinto niya,” sabat ni Rica na nilapitan pa talaga ang pinto ko. “Kulang na lang hindi na siya palabasin sa dami ng lock. Gan’to ba talaga ka segurista ang land lady mo?”
Inilabas ko na ang ingredients na kakailanganin namin at kagat labi akong naupo sa sahig para aregluhin ang mga ito. Kinuha ko ang isang bowl at inilulan doon ang powdered milk para sa gagawin naming pastillas.
