Chapter 8

418 28 3
                                    

[Roxanne]

“Sige magpapadala ako. ‘Wag na lang kayong maingay kay Inay, ha?”

Ibinaba ko na ang cellphone pagkatapos naming mag-usap ng dalawa kong nakababatang kapatid. Kailangan nila ng pera para sa school project, kaso gipit ang ate ko na siyang dapat magbibigay sa kanila. May usapan kasi kami sa pamilya tungkol sa pagbabalik eskwela nina Coco at Arnel. Since libre naman ang kanilang tuition sa public school, ang Ate na ang bahala sa mga project, tapos ako naman ay tutulong sa mga gastusin sa bahay. Kaso nagkaproblema yata si Ate sa pinapasukang trabaho.

Bumuntonghininga ako at tumayo. Pumunta ako sa kwarto para i-check ang natitira kong pera. Pagtingin ko sa wallet ko, nalaglag ang mga balikat ko dahil sakto na lang pala itong pambayad sa upa ko rito sa apartment ngayong buwan. Yung kinita ko kasi sa mga benta ko sa school, naipadala ko na kina Inay para sa gastusin nila roon.

Napapikit ako at parang mauubusan na ng hangin kakabuntonghininga.

Fifth month ko pa lang dito sa Maynila, ramdam ko na ang bigat ng desisyon kong bumalik para mag-aral. Hindi naman sa nagrereklamo ako. Napapaisip lang ako sa mga susunod na araw kapag naging gan’to pa rin ang sitwasyon. Hindi ko maiwasan hindi mag-overthink kung hindi magiging maayos agad ang problema ni Ate sa trabaho niya. Naiintindihan ko rin na may sarili na siyang pamilya, pero hindi ko naman kakayaning akuin lahat ng responsibilidad sa pamilya namin, lalo’t nag-aaral din ako.

Last month ay balak ko naman na mag-apply ng regular part time job, kaso pumatok ‘yung pagbebenta ko ng kung anu-ano sa mga kaklase ko kaya ang sabi ni Dennis, ‘yun na lang muna ang i-focus ko. Medyo okay naman din ‘yung income para sa panggastos nila Inay, pero kung magpapatuloy ang gan’to, kakailanganin ko ng dagdag kita. Yung konting ipon ko kasi ay ang ginamit kong deposito rito sa apartment tapos ‘yung natira, ang ibinabayad ko buwan buwan. Pero ubos na rin ito. Hanggang this month na lang ang mababayaran ko, kaso kailangan naman ng mga kapatid ko ‘yung pera kaya wala akong maibabayad.

“Aling Mely? Magandang gabi po.”

Kinatok ko ang landlady ko sa bahay nito kahit gabi na. Katabi lang naman ito ng inuupahan ko.

“Ano ‘yon? Ginabi ka yata.”

Inayos nito ang suot na salamin pagkatapos punasan ang mga kamay sa suot na apron. Mukhang gumagawa ito ng gawaing bahay dahil nakapusod ng mataas ang buhok nitong may ilang kulay puti na.

“Pasensya na po, Aling Mely, pero...makikiusap sana ako na baka pwede po akong ma-delay ng kaunti sa bayad ko sa upa ngayong buwan? Kahit mga dalawang linggo lang po sana.”

“Ay bakit? May nangyari ba? Parang hindi ka naman nahuhuli ng bayad noong mga nakaraang buwan.” Napalabas ito ng tuluyan mula sa kaninang nakadungaw lang sa pinto nito.

“Nagipit lang po ng kaunti, pero pangakong magbabayad naman po ako after two weeks.”

Tumahimik ito sandali na parang nag-iisip. Maaga kasi akong aalis bukas kaya ngayon ko na ito kinausap.

“Hindi ba boyfriend mo ‘yung may kotse na nagpupunta rito?”

Si Dennis ang tinutukoy nito.

“Opo.”

“Imposible naman yatang magipit ka, eh mukhang mayaman ‘yung boyfriend mo? Hindi ka ba ro’n nanghihingi ng pera?”

Medyo ikinagulat ko ang pagpasok nito kay Dennis sa aming usapan. Hindi ako agad nakaimik. Oo kung magsasabi ako kay Dennis ay siguradong tutulungan niya ‘ko oramismo. Sa katunayan ay siya dapat ang magbibigay para sa deposito ko rito sa apartment, hindi lang ako pumayag. Masyado na siyang maraming naitulong sa ‘kin at wala ng paglalagyan ang kahihiyan ko kapag pati upa nitong apartment ko ay iaasa ko sa kanya.

BGS #4: Stuck On YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon