March 2, 2021 around 3:37am ng makatanggap ako ng sunod-sunod na tawag mula Pilipinas sa pamamagitan ng FB Messenger. Biglang nabulabog ang nooy mahimbing kong tulog. Kinabahan ako noong makita ko kung sino ang tumatawag, tinititigan ko lamang ito at hindi sinasagot.
Agad sumagi sa isip ko si Nanay. Lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib ng tumawag muli ang aking pamangkin na si Long-long. "Panginoon ko sana po walang masamang nangyari kay Nanay!" Paulit-ulit kong dasal habang pilit kong kinakalma ang aking sarili.
Tawag parin siya ng tawag ngunit hindi ko ito sinasagot sa halip ay pinilit kong pinikit ang aking mga mata at nagpapanggap na tulog ngunit hindi ako mapakali hanggang sa nabasa ko sa notification ng FB Messenger galing sa kanya na ang sabi ay "To, si Lola ay wala ng pulso."
Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Ibig sabihin ay wala na si Nanay, iniwan na nya kami. Ulila na ako, kami. Nanginginig ang buo kong katawan at halos hindi ko magalaw ang aking mga daliri na para bang nanigas sa sobrang lamig habang nagta-type sa aking cellphone. Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa dahil naisip kong may kasama pala akong sa loob ng kwarto kaya dahan-dahan akong bumangon sa aking higaan at nagtungo sa kusina saka humahagulhol ng malakas.
Lakas loob kung tinawagan ang aking pamangkin saka kinausap kung ano ang nangyari habang patuloy ako na umiiyak, ganun din sya kaya hindi nakakapagsalita ng maayos, hinanap ko si Manoy kung saan para sya ang kausapin.
Humahagulhol naman ng malakas ang aking kapatid noong makita ko sya sa pamamagitan ng video call. Napalakas na din ang aking pag-iyak pati ang pag daloy ng aking mga luha't sinabayan pa ng sipon. Lutang ang aking isipan, hindi ko alam kung paano patatahanin ang humahagulhol kong puso.
"Go, iniwan na tayo ni Nanay!" Halos hindi na mabigkas-bigkas ni Manoy ang mga katagang iyon sabay iyak ng malakas. Ako nama'y napasigaw na rin sa pag-iyak. "Nanay! Nanay! Nanay!" Paulit-ulit kong banggit na parang batang naghahanap ng kalinga. Hindi ko maipaliwanag ang kirot na aking nadarama sa mga oras na iyon. Hindi ko matanggap na wala na sya. Ayokong maniwala. Ayokong tanggapin. Ayokong magluksa.
Ang dami kong katanungan na walang makakasagot. Tatlong araw nalang kasi dapat ay follow up check-up na sana ni Nanay. Sa katunayan ay naka handa at naka plano na ang lahat ngunit bigla kaming nagulantang sa masamang balita. Patay na si Nanay!
"Hindi ko alam kung makakauwi ako, pero gustong-gusto ko syang makita kahit man lang sa huling sandali." Sabi ko sa kanya. "Hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili kong hindi ko sya makita." Aniya ng aking isipan. Hanggang sa tinapos ko na ang aming usapan. "Noy, paki halik mo nalang ako kay Nanay!" Ang huli kong binitawan na salita bago ko pinatay ang telepono.
Napanaginipan ko pa si Nanay noong gabing iyon, ayon sa aking panaginip, nakauwi na daw ako at ako ang nagpapakain sa kanya ng lugaw at isda naman ang kanyang ulam which is totoo ng ana pinakain nila ng lugaw si Nanay at isda ang kanyang ulam. Iyon na pala ang hudyat ng kanyang pamamaalam sa akin.
Pagkatapos naming mag-usap ni Manoy, nakausap ko naman ang dalawa ko pang mga kapatid na halos hindi ko na din maintindihan dahil tuloy-tuloy sila sa pag-iyak.
Tila bumabaha ng luha sa aming bahay ng mga oras na iyon. Wala na kasi ang ilaw ng aming tahanan. Wala na ang bulaklak na nagpapabango sa loob at labas ng aming bahay. Wala na ang maingay na boses sa tuwing kami ay pinapagalitan at pinapangaralan. Wala na kaming sandigan sa panahon ng kagipitan. Wala na kaming takbuhan sa oras na sya'y aming kailangan. Wala ng hahaplos at hahawi sa tuwing kami ay magkikita. Wala ng makikialam sa bawat bagay na aming gagawin. Wala ng pupuna sa mga pagkakamali namin. Wala ng maghihintay sa tuwing uuwi kami ng dis oras sa gabi. Wala ng tatawag sa aming mga pangalan sa tuwing kami ay kakain na. Higit lalo wala ng maghahanda ng aming higaan sa tuwing kami ay matutulog na. Wala na siya. Wala na ang pinakamamahal naming Nanay.
Sunod-sunod naman akong nakatanggap ng mga tawag ay mensahe ng pakikiramay mula sa aking mga kaibigan, kamag-anak at kakilala matapos akong magpalit ng profile picture sa Facebook hudyat ng pagdadalamhati.
Pumasok ako sa trabaho na namumugto ang aking mga mata, tulala at wala sa sarili. Pilit kong pinipigilan ang pagpatak ng mga luha sa aking mga mata ngunit hindi ko mapigilan ang mapaiyak ng tanungin ako ng aking kasamahan sa trabaho kung ano ang nangyari sa akin. Agad namang lumapit ang aking boss at nakiramay ng malaman ang nangyari sa aking Ina at agad akong pinauwi at sya na daw ang bahala sa aking mga papeles kung sakali mang uuwi ako ng Pilipinas.
Nagdesisyon akong umuwi kahit gipit ako financially. Ayokong bitbitin ang pagsisi habambuhay dahil sa hindi ako umuwi kahit sa huling pagkakataong makasama ko si Nanay. Ako ang bunso, walang pamilya at ngayon ay ulila na. Salamat sa lahat ng mga taong sumuporta sa akin at tumulong na makauwi ako.
March 3, 2021 ng madaling araw ng ako'y lumipad papuntang Pilipinas. Kung dati rati galak ang aking mararamdaman sa tuwing ako'y uuwi ng Pilipinas, ngunit ngayon sobrang lungkot na hindi ko maiintindihan. Mabuti nalang ang quarantine period ng mga OFW's ay binawasan. Kung dati ay 14 days noong umuwi ako ay nagiging 7 days nalang. Inisip kong maabutan ko parin ang libing ni Nanay.
Pagkalabas ko sa eroplano naisip ko agad kung sino ang pwede kong kausapin para sana mapaiksi ang araw ng quarantine ko sa hotel at makauwi agad sa probinsya. Matapos ang proseso at pag-aayos para sa aming mga OFW para sa hotel quarantine kinausap ko ang isa sa mga OWWA officer. Nilahad ko sa kanya ang problema at nakiusap, ang sabi nya ang BOQ (Bureau of Quarantine) daw ang dapat kung kausapin.
Sinamahan ako ng isang coast guard officer para umakyat at kausapin ang in-charge ng BOQ ngunit ang sabi naman nila sa akin si DOH Personnel daw ang dapat kong kausapin dahil sila naman daw ang nag-aasekaso ng swabbing. Binigyan ako ng e-mail address at contact ng OHCC ROF Referral or mas kilalang One Hospital Command Center para doon ipaabot ang aking hiling. Hindi parin ako nawalan ng pag-asa na baka pagbigyan nila ako.
Pagkadating ko sa hotel kung saan kami mag-quarantine agad akong nagpasa ng mensahe sa binigay nilang e-mail add. Kinabukasan pa ako nakatanggap ng sagot galing sa kanila, may binigay silang link para doon ako mag request ngunit hindi naman pala applicable sa akin dahil para lang iyon sa mga OFW na may malubhang sakit na kailangang dalhin agad sa hospital.
Nagpasa ulit ako ng mensahe at nakikiusap hanggang sa umabot ako sa Office of the Secretary of DOH, pinasa ko na ang death certificate ng Nanay ko para patunay na nagsasabi ako ng totoo ngunit wala parin akong napala. Ang ending natapos ko ang 7 days quarantine.
Pagkalabas ng Negative PCR Test namin agad naman nilang inayos ang aming byahe patungong probinsya. Hinatid kami ng bus papuntang Terminal 2, lahat ng taga Mindanao ay nagsama-sama sa iisang eroplano. Ang nangyayari ay nagkaroon ng tatlong stops, una ang Zamboanga City, tapos Butuan City at panghuli ang Cagayan de Oro City.
Noong lumipad na kami papuntang Zamboanga City ay napakaliwanag ng kalingatan walang senyalis na may bagyong parating o di kaya ay uulan. Ngunit noong papunta na kami sa Butuan City ay biglang makulimlim ang mga ulap at bumuhos ang malakas na ulan dahilan para hindi makalapag ang eroplanong aming sinasakyan.
Nag abiso ang piloto na manatili muna kami sa alaapap ng ilang minuto, nagbabasakaling huhupa din ang ulan. Ngunit hindi ito nakisama hanggang sa nag desisyon ang piloto na mag emergency landing sa Mactan International Airport sa Cebu City.
Bigla akong nanglumo at nawalan ng pag-asa na baka hindi ko na maabutan ang libing ni Nanay. Hindi ako mapakali sa kakaisip ngunit patuloy parin akong nagdarasal na sana humupa na ang ulan bandang Butuan City para makalapag na ang eroplano.
Mabuti nalang at hindi kami pinalabas sa loob ng eroplano hudyat na matutuloy parin ang uwi namin. Matapos ang halos 30 minutos na pananatili doon biglang nag announce ang piloto na tuloy ang lipad namin papuntang Butuan City. Nagpalakpakan halos ng mga pasahero dahil sa wakas ay makakauwi na din kami. Nabuhayan man ako ng loob ngunit hindi ko parin mawari sa aking isipan ang kabang nadarama.
Umuulan parin ng kami ay makalapag at makalabas ng eroplano papasok sa paliparan ng Bancasi, Butuan City. May OWWA help desk na nakaabang at nag-aayos para sa aming mga OFW. Hindi ko nga inaasahan na kasabay ko pala sa eroplano ang aking pinsan na isa ding OFW. Matapos maayos ang aming mga papeles ay naghihintay na kami ng sasakyan pauwi sa aming bayan.
Madaling araw na ako ng makarating sa mismong bahay namin, malayo pa man ay tanaw ko na liwanag sa labas ng bahay. May mga nagsusugal, nag-inuman, nagkukwentuhan at may mga natutulog na.
Bumaba ako ng sasakyan ng walang salitang lumalabas sa aking bibig. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib lalo na ng makita ko ang kabaong ni Nanay. Dere-deretso ako sa paglalakad papunta sa kanya hanggang sa nasilayan ko ang mukha nyang wala ng sigla.
Hindi ko alam kung paano sya hahagkan at yayakapin. Hindi ko na mabulong sa kanya na nandito na ang mahal mong bunso habang yakap-yakap ko sya. Hindi ko na matanong kung ano ang ulam nila dahil ako ay gutom na. At wala na akong katabi sa pagtulog dahil wala na sya.
Hindi ganito ang usapan naming pagtatagpo, lalong hindi kabaong ang hahalikan at yayakapin ko. Sa tuwing kami ay magkikita noon isang mahigpit na yakap ang sasalubong sa akin at mga halik sabay pasalamat sa ating Panginoon saka hahalakhak ng malakas hudyat na natutuwa sya sa aking pagdating. Kasabay noon ang pag haplos nya sa aking mukha, palibhasa kasi hindi na sya makakita dahil matagal na syang bulag. Iyon ang inaasahan kong pagtatagpo hindi itong nakakapanglumo.
Nagsilapitan naman ang aking mga kapatid, niyakap ako, nagsusumbong at sabay-sabay silang nag-iiyakan. Lutang parin ang aking isipan, ayokong paniwalaan kung anuman ang nakikita ng aking mga mata. Pilit kung kinukumbinsi ang aking sarili na buhay si Nanay. Umaasa akong sya ay babangon sa pagkahiga at yayakapin ako ng mahigpit na mahigpit.
Nakasandal lang ang aking mukha sa salamin ng kanyang kabaung habang tinititigan ko ang maaliwalas nyang mukha na mahimbing na natutulog. Paulit-ulit ko syang tinatawag at pinipilit na gisingin ngunit hindi na nya ako naririnig. Ang sakit, sobrang napakasakit ang makita syang nakahimlay at wala ng buhay.Tila isa lamang itong panaginip, isang masamang panaginip.
BINABASA MO ANG
Short Story - Maikling Kwento
RandomMga kwentong may katotothanan at ang iba'y kathang isip lamang. :)