"Dapithapon"

268 3 1
                                    


ITO na naman ako tulalang nakaupo sa ilalim ng malaking puno ng Acasia habang minamasdan ang palubog na araw kaharap ang kumikinang-kinang na butil ng palay habang sinasayaw ng hangin.

Paulit-ulit ko nalang ginagawa ito habang hinihintay ang pag uwi nya. Pilit ko paring paniwalain ang aking sarili na isang araw ay darating din sya. Isang araw ay magkaroon din ng himala. Ngunit kahit anino man nya ay hindi ko na makita.

"Hanggang kailan ako magluluksa?" Galit na tugon ng aking sarili. "Hanggang kailan ako magiging ganito?" Dagdag ko pa habang dahan-dahan na namang nahuhulog ang namumuong luha sa aking mga mata.

Hindi ko lubos maisip kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala ng aking pinakamamahal na si Alberto. Hanggang ngayon tila ba ay hindi na umuusad ang takbo ng aking mundo simula ng mawala sya sa piling ko.

Nasasaktan ako sa tuwing maalala ko ang nakaraan. Ang bawat kilos at galaw. Ang bawat halakhak. Lalo na ang inaabangan naming dalawa, ang pagtatalik ng dapithapon at ng gabi kung saan pareho kaming namangha sa sobrang ganda ng kalangitan na para bang nasa paraiso kaming dalawa at walang kasama.

"Hindi lang puso ko ang pinatay mo Alberto! Kundi pati na ang aking kaluluwa!" Malakas kung sigaw kasabay ang paglipad ng mga ibong nabulabog ng marinig ang aking hiyaw.

"Mahal ko! Tangayin mo na ang aking kaluluwa kasama mo!" Buong puso kong pakikiusap, nagbabasakaling marinig nya ang aking paghihingpis.

Patayo na sana ako ng may biglang yumakap sa aking likuran ng mahigpit na mahigpit saka nagsalita. "Mahal na mahal kita Rosita!" Bulong ng isang lalaki. Hindi ako lumingon sa kanya sa halip ay winaksi ko ang kanyang mga kamay upang ako'y makawala sa pagkayakap nya.

Dahan-dahan kung tinungo ang maliit na kamalig kung saan kami madalas magkasama ni Alberto. Ang lugar kung saan una nyang napitas ang pinakaiingatan kong bulaklak. Napangiti ako ng maalala ko noong hagkan nya ako sa mga labi na parang linta kung makasipsip.

Umupo ako saka nahiga sa sahig. Hindi ko maipaliwanag ang tuwa at saya na aking nadarama sa mga oras na iyon. Tila ba ay katabi kong nakahiga ang aking pinakamamahal na si Alberto. Hindi nag tagal ay lumapit ang isang lalaki at binuhat ako sa aking pagkakahiga.

"Rosita uwi na tayo." Mahinahong tugon nya. "Nagluto ako ng paborito mong pagkain." Panunuyo pa nya na para akong bata sabay ngiti. "Halika na umuwi na tayo." Pagpapatuloy nya sabay hawak sa aking kamay.

"Sino ka ba? Hindi kita kilala! Umalis ka nga sa harapan ko! Lumayas ka!" Sunod-sunod kong sermon sa kanya. Bigla tuloy napalitan ng galit ang masaya kong emosyon ng mga oras na iyon.

"Hindi mo ba ako kilala?" Mahinahong tanong nya sa akin. "Ako si Alberto, ang pinakamamahal mo!" Pagpapakilala nya sa sarili. "Ako si Alberto, mahal ko!" Pangungumbinsi pa nya.

Galit akong nakatitig sa kanya na para bang gusto ko syang bugahan ng apoy sabay tawa ng malakas na malakas.

"Hindi! Hindi ikaw ang mahal ko! Hindi ikaw si Alberto! Hindi ikaw ang lalaking mahal ko!" Sigaw ko sa kanya. Tumayo ako sa pagkahiga saka tumakbo palayo.

"Rosita! Patawarin mo ako!" Paulit-ulit na sigaw ng lalaki habang hinahabol nya ako. Hanggang sa mahawakan nya ang aking braso sabay kuha ng isa kung kamay saka nya ginapos sa kanyang bisig saka tinalian ang aking mga kamay na para bang bagong huling ibon.

"Patawarin mo ako kung gagawin ko ito sa iyo. Ito lang ang tanging paraan upang hindi ka tuluyang mawala sa piling ko." Aniya pa nya. Gustuhin ko mang makalaya sa kanyang pagkahawak ngunit wala na akong lakas sa mga panahong iyon dahil halos isang linggo na akong hindi kumakain.

Maya-maya pa ay may kinuha sya sa kanyang bulsa, isang injection saka dahan-dahan nyang tinusok sa aking kanang braso, ramdam ko ang kirot at ang daloy ng medisina hanggang sa unti-unti akong nawalan ng malay at tuluyang naging lantang gulay. Simula noon ay hindi ko na alam kung ano ang sumunod na mga pangyayari.

Napilitang umuwi si Alberto galing Gitnang Silangan dahil sa isang karumaldumal na nangyari sa akin halos isang buwan na ang nakalipas.

Ginahasa ako ng kanyang kapatid hanggang sa natuluyan akong nabaliw dahil sa hindi ko matanggap ang ginawa sa akin. Simula kasi ng mangyari ang trahedyang iyon ay hindi na ako lumalabas ng aking silid, hindi na ako kumakain at hindi makausap sa halip ay palagi akong umiiyak.

Dapithapon noong huli kaming magkasama ni Alberto sa kanilang bukirin. Paulit-ulit naming pinag-uusapan ang aming mga pangarap, ang pagpapakasal, ang bumuo ng sariling pamilya at marami pa. Sinusulit namin ang bawat segundo, minuto at oras dahil hindi magtagal ay luluwas na ng Maynila si Alberto at babyahe patungong ibayong dagat upang tuparin ang aming mga pangarap.

Ngunit ang lahat ng iyon ay biglang nawasak ng dumating ang hindi kanais-nais na pangyayari. Pinagsamantalahan ako ng kapatid ng mahal ko na matagal na palang may gusto sa akin. Hindi ko lubos maisip na sa isang iglap ay biglang maglaho ang lahat aking mga parangap.

Bigla akong nagising sa aking pagkatulog ng sumagi na naman sa aking panaginip ang malagim na trahedya ng nakaraan. Tumayo ako saka kumuha ng tubig at uminom. Pa lakad lakad ako sa apat na sulok ng aking kwarto upang pa kalmahin ang sarili.

Noong hindi parin tumigil ang lakas ng kabog ng aking dibdib ay uminom na agad ako ng gamot pampakalma saka umupo sa kama hanggang sa unti-unting humihina ang pag tibok ng aking puso hanggang sa tuluyan na itong bumalik sa normal saka pa lamang ako muling nakatulog.

"Rosita! Rosita! Rosita! Gising na!" Paulit-ulit na banggit ng isang nars hanggang sa tuluyan na nga akong nagising. "Mag ayos ka! Dumating na ang sundo mo!" Dagdag pa nya.

Gusto ko mang matuwa dahil sa wakas ay masasabi ko sa aking sarili na magaling na ako sa awa ng Diyos. Ngunit may takot at kaba sa aking dibdib. Palaisipan parin sa aking isipan kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa akin sa labas.

Matapos kung ayusin ang aking sarili at gamit sinamahan ako ng nars papunta sa waiting area kung saan naghihintay si Alberto at ang aking mahal na mga magulang.

Malayo pa man ako ay kitang-kita na sila aking mga mata. Hindi ko maikubli sa aking sarili ang galak na aking nadarama. Hindi na ako makahintay na yakapin ang aking mga magulang lalong lalo na ang aking pinakamamahal na si Alberto.

Ngunit may pag-aalinlangan. Hindi ko alam kung tatanggapin pa ba nya ako ng buo sa kabila ng lahat. Hindi ko na napigilang mapaiyak. Tuloy-tuloy ako sa paglalakad habang tuloy-tuloy din ang pag buhos ng luha sa aking mga mata hanggang sa noong nasilayan na nila ako sabay-sabay ang aking mga magulang na sumalubong sa akin sabay yakap ng mahigpit.

"Anak ko! Anak ko! Salamat sa Diyos at magaling ka na!" Paulit-ulit na sambit ng aking Ama't Ina habang nakayakap sa akin. Tulad ko pareho din silang umiiyak at sabik sa pagbalik ko.

Matapos ang sandaling iyon ay bigla akong napahagulhol ng malakas ng makita ko si Alberto na papalapit sa akin. Nagdadalawang isip ako na yakapin sya baka hindi nya ako tanggapin at baka pandidirihan nya ako at ipagtabuyan pa.

Ngunit taliwas sa aking iniisip bagkus ay sinalubong nya ako ng mahigpit yakap at matatamis na halik na halatang sabik na sabik akong yagkan at yakapin. Iyon ang una naming tagpo matapos ang mahigit dalawang taon. Nag desisyon na itong umuwi ng bansa at hindi na muling babalik ng mabalitaang magaling na ako at makakalabas na ng Mental Hospital.

"Mahal ko! Patawarin mo ako!" Halos hindi na nya mabigkas ang mga salitang iyon dahil nangingibabaw ang hagulhol nyang iyak. "Nahuli na ang aking kapatid at nahatulan ng panghabambuhay na pagka bilanggo". Bulong nya sa akin habang mahigpit paring nakayakap sa katawan ko.

Gustuhin ko mang matuwa sa balitang nakakulong na ang umalipusta sa akin ngunit hindi parin mawari sa aking isipan na tulad nya ay nakakulong parin ang aking sarili sa isang bangungot na pangyayari. Magaling at nakalaya na nga ako ngunit nanatiling nakakulong parin ang aking isipan sa madilim kung karanasan.

Matapos maayos lahat ang aking papeles ay sabay-sabay na kaming umuwi ng probinsya dala ang panibagong pag-asa na sana ay makayanan at malagpasan ko ang lahat ng paparating ng pagsubok. Magkahawak kamay kami habang nakatingin sa palubog na araw. Muli kaming napangiti ng maalalang sa ganitong oras na ito ay muling magkikita at maghahalikan ang dapithapon at ang gabi.

-July 31, 2019 I 7:49PM

Short Story - Maikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon