"Parang awa mo na Makoy, h'wag mo namang gawin 'to sa akin. Nakikiusap ako!" Paulit-ulit na banggit ni Gia habang nakayakap ito ng mahigpit sa likuran ng nobyo. "Mahal na mahal kita!" Bulong pa nya kasabay ang pag buhos ng luha sa kanyang mga mata.Nabalot ng paghihinagpis ang gabing iyon ng makipaghiwalay si Makoy kay Gia sa mismong araw ng kanilang unang anibersaryo bilang magkasintahan. Nasa isang sikat na beach resort ang dalawa na matatagpuan sa Zambales.
Sa mga oras ding iyon ay nasa tabi sila ng dagat ng mag-usap kaharap ang mga bituin at ang buwan na tila ba'y nakikidalamhati sa kanila. Masakit para sa binata ang naging desisyon ngunit iyon lamang ang alam nyang paraan.
"Masakit! Sobrang napakasakit para sa akin ngunit kailangan kung gawin ito!" Mahinahong tugon ni Makoy, nakapikit ito habang naka hawak ang kanyang mga kamay sa ulo kasabay din ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.
"Patawarin mo ako Gia! Patawarin mo ako." Dagdag pa nya saka napahagulhol na sa pag-iyak.
"Ayaw mo man lang ba sabihin sa akin kung ano ang dahilan? Bakit? Bakit kailangan nating humantong sa ganito? May nagawa ba akong mali? Ano? Sabihin mo! Please, ayusin naman natin kung may problema tayo!" Sunod-sunod na mga tanong ni Gia na halos hindi mo na maintindihan dahil sa nangangatog nitong boses.
Bago muling nagsalita si Makoy ay mariin nyang tinanggal ang dalawang kamay ni Gia na mahigpit na nakayakap sa kanyang katawan saka ito humarap sa dalaga.
"Kahit pa magpaliwanag ako sayo hanggang umaga ay hindi mo rin naman maiintindihan." Aniya ni Makoy na nakatitig sa mukha ni Gia. "Darating din ang tamang panahon para sa pagmamahalan natin." Dagdag pa nya saka dahan-dahang itong naglakad palayo sa kanya.
Daig pa ni Gia ang kandilang nakasindi at unti-unting natutunaw habang tinitingnan ang anino ni Makoy na unti-unti ding naglaho sa kanyang paningin. Lalo pang bumuhos ang kanyang mga luha ng hindi na nya nasilayan ang anino nito tanda na hindi na nya ito makikita.
"Makoy! Makoy! Makoy!" Paulit-ulit pa nyang sigaw ngunit huli na ang lahat.
Nagkakilala sina Gia at Makoy dahil iisa lamang ang Unibersidad na kanilang pinapasukan. Magkaiba man sila ng kursong kinukuha ngunit nagkataon namang ka klase pala ni Makoy si Aira ang matalik na kaibigan ni Gia na syang nagpakilala sa dalawa.
"Sissy, gandahan mo! Gandahan mo! Umayos ka! May gwapong paparating!" Paulit-ulit na bulong ni Aira sa kaibigan ng makitang naglalakad si Makoy palabas ng campus.
"Bakit? At sino na naman yan? Puro ka nalang gwapo, gwapo, gwapo! Eh lahat naman ng mga pinakilala mo sa akin ay puro patapon!" Pagrereklamo ni Gia na walang pakialam sa pinagsasabi ng kaibigan, abala ito sa pagdudutdot sa kanyang telepono saka nagkabit ng headset at nagpatugtog.
"Hi Makoy!" Walang pagdadalawang isip na sigaw ni Aira sabay kaway ng kanyang kanang kamay. Napalingon si Makoy at gumanti lang ng ngiti sa dalaga at tuloy-tuloy parin ito sa paglalakad.
"Uuwi ka na ba?" Tanong pa nya ng hindi huminto ang binata. "Teka lang! Saglit! May ipakilala sana ako sayo!" Pahabol pa nya sabay tayo at agad na lumapit sa kanya.
"Pasensya ka na at nagmamadali kasi ako!" Nahihiya pang tugon ng binata. "Ano ka ba, saglit lang 'to, promise!" Wika ni Aira sabay kindat ng kanyang kanang mata na may kasamang panglalandi. "Ngayon lang 'to!" Dagdag pa nya sabay hila sa binata papunta kung saan nakaupo si Gia.
Tila tumigil naman bahagya ang mundo ni Gia ng mapansin ang lalaking kasama ng kaibigan na papalapit sa kanya. Tama nga ang sinasabi ni Aira, bukod sa maganda ang pangangatawan at may hitsura ito ay matangkad pa kung saan pasok na pasok sa tipo ng lalaking gusto nya. Sa di malamang dahilan ay biglang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib kaya bago pa man sya mahalata ng kaibigan ay agad nyang inayos ang kanyang sarili.
Sa unang pagkakataon ding iyon ay may kakaibang nararamdaman si Makoy sa dalaga. Aminin man nya o hindi lumulundag-lundag din sa tuwa ang kanyang puso ng makita at makilala si Gia. Nagpapasalamat pa nga ito kay Aira dahil kung hindi sya pinilit nito ay baka natangay na ng ibang lalaki ang dalaga.
Simula noon ay naging magkaibigan na ang dalawa, di nagtagal ay nililigawan na ni Makoy si Gia hanggang sa pormal na naging sila. Walang araw, oras, minuto at segundo na hindi nila kinukumusta ang isa't-isa. Halos magkasama na nga ang dalawa sa bawat okasyon na pupuntahan nila, sa katunayan sa sobrang kalambingan nila ay daig pa ng dalawa ang mga love story sa telenobela.
Isang linggo bago pa man ang kanilang anibersaryo ay dumating ang mga magulang ni Makoy galing Amerika, inanyayahan ng mga magulang ni Makoy si Gia na maghapunan sa kanilang tahanan at ng makita at makilala.
"So, ikaw pala si Gia! Ang nobya ng aming kaisa-isang anak!" Bulalas ng Ina ni Makoy na ikinagulat naman ni Gia ng makita ang mag-asawang nakatayo sa may salas pagkapasok nila sa loob ng bahay.
"H'wag kang matakot kay Mama!" Pasimpleng bulong ni Makoy sa kanya ng maramdamang napahigpit sa pagkahawak si Gia sa kanyang kaliwang braso, sinyales na natatakot ito.
"Makoy, nahihiya ako!" Tugon ni Gia habang pilit na nakangiti sa harap ng mga magulang ng kanyang nobyo.
"Please, come inside hija! Feel at home!" Wika ng Ina ni Makoy saka lumapit sa kanila, malakas yata ang pang amoy nito at naramdaman nyang nahihiya sya.
"Papa, Mama, si Gia nga po pala ang aking nobya! Gia, sila ang aking mga magulang!" Taas noong pagpakilala ni Makoy sa kanyang mga magulang kay Gia. "Magandang gabi po, Ma'am, Sir!" Tugon naman nya na halatang nag-aalangan pang makipag beso-beso sa kanilang dalawa.
Malakas ang kutob ni Gia na hindi sya gusto ng Ina ni Makoy, gayumpaman ay positibo parin sya na magiging maayos din ang lahat pagdating ng panahon. Matapos ang isang buwang pananatili nila dito sa Pilipinas ay balik Amerika na ang mag-asawa.
Sa ngayon ay abala si Gia sa paghahanda para sa unang anibersaryo nila ni Makoy. Marami syang plano at gustong gawin na espesyal sa araw na iyon. Halos planado na nga ang lahat lalo na ang venue kung saan nila i-celebrate ang pinaka importanteng araw sa buong buhay nya, ngunit sa di inaasahang pangyayari ay may biglang dumating na trahedya.
"Gabriela! Gabriela! Gabriela!" Malakas na sigaw ng kanyang Ina sabay hila ng kurtina saka binuksan ang bintana.
"Anong oras na? Tinanghali ka na naman ng gising! Yong alarm clock mo napapaos na sa kakakanta! Susmaryusep kang bata ka! Bumangon na at mamimili ka pa ng mga bulaklak sa Dangwa!" Sunod-sunod na sermon ng kanyang Ina.
Biglang napatayo si Gia sa kanyang kama at napaisip. "Naku! Paktay! Lagot na naman ako nito kay Aling Tersing! Araw ng mga puso na pala bukas, nagpapabili nga pala yon ng mga bulaklak na paninda!" Sigaw ng kanyang isipang hindi mapakali.
Nang mahimasmasan na sya ay saka pa nya naalalang nagkita na naman sila ng lalaking matagal ng dumadalaw sa kanyang panaginip. Ang lalaking nagpakilig at nagpatibok ng puso nya. Ngunit palaisipan sa kanya kung bakit hindi maganda ang naging tagpo nilang dalawa sa sana'y unang anibersaryo nila.
Bago pa man nya inisip kung ano ang sagot sa kanyang katanungan ay nagtungo sya sa bintana, pinagmasdan ang sikat ng araw, ninanamnam ang bawat hampas ng hangin sa kanyang katawan saka huminga ng malalim bago nagsalita.
"Magandang Umaga Maynila! Panibagong buhay! Panibagong laban! At Panibagong pag-asa!" Sabay unat ng inaantok pa nyang kaluluwa.
-WAKAS
BINABASA MO ANG
Short Story - Maikling Kwento
RandomMga kwentong may katotothanan at ang iba'y kathang isip lamang. :)