Chapter 3

1.2K 71 5
                                    

Naghanap si Hurricane ng bagay na maaari niyang gamitin sa paligid. Bukod sa kulay pulang pader wala ng bagay na maaari niyang gawing panlaban sa mababangis na hayop sa tubig. Nakita rin niyang nawawalan na ng pag-asa ang mga ordinaryong tao na sinasabi ni Drevon. 

Inalis niya ang tingin sa mga ito. Hindi siya makakapag-focus kung paiiralin niya ang awa para sa walang muwang na mga tao. 

Ayon kay Drevon isa lang itong pool, kaya't siguradong mayroon itong main drain at iyon ang kailangan niyang hanapin. 

"You're planning something," Narinig niyang sabi ni Drevon.

Hindi niya ito sinagot. Nilalaro niya sa isip kung saan maaaring nakalagay ang main drain. Dalawa lang ang posibilidad, sa gitna o sa gilid. Nahihirapan siyang makita ang ilalim dahil sa kulay ng tubig at pabalik-balik na paglangoy ng mga sharks. Idagdag pa ang mga gamit na nakaimbak sa ilalim.

Pinaliit niya ang mata ng mapansin ang malaking umbok ng kagamitan sa ilalim ng tubig. Kailangan niyang masigurado kung iyon ba talaga ang hinahanap niya.

"You just need to get at least one bag para makalabas ka rito. But I think, you're planning something big." Muling sabi ni Drevon.

"They need a good show," Nakangisi niyang sagot habang hinuhubad ang suot niyang roba. Magiging pabigat lang iyon kapag na sa tubig na siya, pero sinigurado niyang na sa baywang pa rin ang kanyang hand gun na maaari niyang magamit kahit na sa ilalim ng tubig. Espesyal ang baril na ito na regalo mula sa kanyang Ina noong debut niya. 

Narinig niyang sumipol si Drevon pero hindi siya nag-aksayang tingnan ang lalaki. Pinag-aaralan niya ang galaw ng mga pating at kung ilang segundo ang bilis nito sa ilalim. Alam niyang mahihirapan siya pero kailangan niyang subukan. May bahid na rin ng dugo ang kanyang mga kamay at hindi na siya inosente sa pagpatay, pero hindi niya kayang makita ang ganitong klase ng pagpatay. Totoong kailangan nilang kumitil ng buhay kung kinakailangan, pero sigurado siyang may mabigat na kasalanan ang mga iyon. Pero ito, mga inosente sila na nadamay sa larong akala nila'y simple lamang. 

Masama mang pakinggan ngunit sinamantala ni Hurricane ng may nahulog sa tubig at mabilis nagtungo roon ang mga pating.

Walang pag-aalinlangan siyang nag-dive sa tubig. Ginawa niya ang lahat mapabilis lang ang kanyang paglapit sa kumpol ng kagamitan. Hindi siya nagkamali, naroon ang main drain ng pool. Inalis niya ang mga gamit sa ibabaw niyon, pero mabilis siyang nagkubli sa tambak na gamit ng nakita ang isang pating na lumalangoy sa mismong uluhan niya.

Iniiwasan niyang may lumabas kahit bula sa kanyang bibig, kaya't ginawa niya lahat para hindi mag-likha ng kahit anong ingay. Nang mawala ang pating sa direksyon niya, pinaghahagis niya ang malapit na gamit at buong lakas niyang pinihit ang main drain. Delikado iyon para sa kanya lalo pa't kasya ang isang tao sa butas niyon. Maaari siyang mahigop pailalim at mamatay, but she knows what she's doing. Hindi niya ito gagawin kung hindi siya handa. 

Konti na lang at tuluyan na niyang mabubuksan ang main drain ng maramdaman niya ang pagsalpok sa kanyang katawan kasunod ng hapdi sa kanyang tagiliran. Naibukas niya ang bibig sa sakit, pero hindi siya nagpadala sa sakit na iyon. Hinugot niya ang baril at pinaputukan ang sumugod na pating habang kumakampay ang paa paangat sa tubig.

Tila hindi naman tinatablan ng bala ang pating. Mas lalo itong nagalit at bumilis ang pagsugod sa kanya. Nakita niya ang pagbukas ng bibig nito kaya't madali siyang umahon. Pahiga siyang sumampa sa gilid ng pool at muling nagpakawala ng putok ng umangat ang pating para sunggaban siya. Pinuntirya niya ang mata nito.

Hinihingal siyang tumayo. Kitang-kita ang bakas ng kanyang dugo sa manipis niyang damit. Kahit ganoon ang nangyari, nakangiti pa rin siya ng mapansin ang pagbaba ng tubig.

Devil's GAMETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon