Part 5

2.4K 208 15
                                    


HINDI alam ni Damon kung makakatulog nga ba siya ngayong gabi. May babaeng t-shirt at panty lamang ang suot sa kanyang kama. Katabi niya! Hindi niya naman puwedeng patulugin sa guest room si Jace dahil gusto nilang paniwalain ang kanyang pamilya na seryoso talaga sila nito sa isa't-isa. And, of course, his family knew him to be a lady-killer. Hindi maniniwala ang mga itong walang seksuwal na nangyayari sa pagitan nila ni Jace.

Lumabas siya sa veranda ng bahay at inabutan niya naman doon ang kanyang ama na nakaupo sa rocking chair habang nagta-tsaa. Babalik sana siya sa loob nang magsalita ito.

"Galit ka pa rin ba sa akin?"

Umiling si Damon. "Hindi ba ako dapat ang nagtatanong sa inyo niyan?"

"Inaasahan ko nang sa ganito mauuwi ang lahat, Domeng."

He sighed as he sat down on the hard wood arm chair. "H-hindi nga po maganda ang nangyari sa akin sa Manila."

"Gaya ng madalas kong sabihin sa iyo! Walang magandang idudulot sa iyo ang siyudad dahil pati utak mo ay mababalutan din ng polusyon."

"'Pa, hindi ako umuwi dito para sermunan n'yo."

"Kailan ka ba naman nakinig sa mga sermon ko sa iyo?"

Fifty-four years old ang kanyang ama, nagtrabaho dati bilang administrative aide sa munisipyo. Dalawang taon lang ang narating nito sa kolehiyo sa kursong Commerce, tumigil daw sa pag-aaral dahil hindi na matustusan noon ng ama nito. Pumasa ito sa sub-proof exam para sa Civil Service kaya ito nakapasok sa munisipyo. Tumigil ito sa pagtatrabaho nang manalo ng lotto ang ama nito ng two hundred seventy million pesos at katulong ang nakababatang kapatid nitong si Teodoro ay nagtayo ng mga ito ng mga negosyo sa Estrella.

"Papa, kailangan n'yo na lang pong tanggapin ang katotohanan na iba ako mag-isip kesa sa inyo. Hindi ko kayang dito na lang sa Estrella magtapos ang buhay ko."

"May nangyari ba naman sa iyo sa Maynila?"

Hindi nakasagot si Damon.

Mapaklang tumawa si Leopoldo. "Ubos na ang perang bigay ko sa iyo, hindi ba?"

"Mahirap po maghanap ng trabaho doon," pagsisinungaling naman niya.

"Wala kang trabaho, o inubos mo sa sugal?"

Napabuntonghininga siya. Ayaw niyang magkuwento nang buong detalye kung paano naubos ang kaban niya sa Maynila.

"Nagsugal ka doon, ano? Gaya ng inaatupag mo dito!" paratang ni Lucius. "Anak ng tinapa, sinasabi ko na nga ba. Gusto mong lumayo dito sa Estrella para magawa mo lahat ng kalokohang gusto mo!"

"Sugarol si Lolo Poli pero tingnan n'yo ang ginawa niya sa pamilya nati," pagtatanggol niya naman sa sarili. "Kung hindi pa siya nanalo sa lotto ay baka nasa munisipyo pa rin kayo ngayon at english teacher pa rin si Mama sa public school."

"Naging masuwerte lamang ang Lolo mo! Sinuwerte sa wakas sa huling taon ng kanyang buhay. Dahil sa pagkalulong niya sa sugal ay iniwanan siya ng Lola mo, huwag mong kakalimutan 'yan. Ayokong matulad ka sa ama ko, Domeng."

"Alam ko'ng ginagawa ko, Papa. Matanda na ako, may sarili akong pag-iisip."

"Pero hindi mo naman ginagamit!"

Wala talagang pag-asang magkaroon sila ng usapang matino ng kanyang ama. Bata pa lamang siya ay hindi na niya ito kasundo. Mas kasundo niya noon si Lolo Poli at ngitngit na ngitngit dahil doon si Leopoldo. Dahil daw sa kanyang Lolo kaya siya natutong magsugal.

"Hindi ako umuwi dito para makipag-away sa inyo, Papa."

"Hindi kita inaaway. Sinasabi ko lang ang palagi kong sinasabi sa iyo noon pa. Wala kang kinabukasan sa siyudad, Dominador. Wala."

Pasko Na, Jacinta KoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon