Part 12

2.4K 220 16
                                    


"ANG sarap dito sa inyo, Damon! Ewan ko kung bakit gustong-gusto mo sa Maynila. Ang hirap kaya ng buhay doon," sabi ni Jace habang kumakain sila ni Damon sa foodcourt sa third floor ng mall sa downtown ng Estrella.

"Ang inaasahan ko pa namang hometown mo ay 'yung liblib talaga, 'yung walang mall o busy na downtown gaya dito."

"'Yung walang kuryente at nakayapak ang mga tao? Ibang klase talaga kayong mag-isip na taga-siyudad," napapantastikuhang sabi ni Damon sa mga sinabi ni Jace.

"Hindi naman sa ganoon!" Tumawa siya. "Hanggang sa Laguna at Cavite lang kasi ang narating ko sa labas ng Maynila, kaya wala akong ideya kung anong klase ang mga probinsiya sa mas malayo."

"'E di hindi ka pa nakakarating ng Baguio?" manghang tanong ng binata.

Umiling siya. "Nope. Kahit sa beach, hindi pa ako nakaapak. Puro trabaho na lang kasi ang inatupag ko, wala ako panahong magbakasyon, alam mo 'yun? Saka lahat naman ng mga kaibigan ko ay sa Maynila rin nakatira, so wala akong pupuntahan sa probinsiya."

Nagbago ang mukha ni Damon, parang naaawa yata sa kanya. "Hayaan mo, ipapasyal kita sa beach. May magandang beach na mahigit dalawang oras ang biyahe mula dito."

"Ay, talaga?!" tili ni Jace. "Thank you, thank you!" palatak niya at dumukwang sa mesa upang yakapin ang kunwaring nobyo at halikan ito sa pisngi.

Masasabi niyang ikinatuwa ng binata ang gesture niya dahil abot-tenga ang ngiti nito. Maya-maya'y sumeryoso ito. "Hihiram uli ako ng pera mula kay Mama para may magastos tayo," sabi nitong sinundan ng buntonghininga.

"You mean, itong perang ginagastos natin sa paglabas-labas natin ay galing sa Mama mo?"

"Kanino pa nga ba? Alam mo namang broke na ako," nakasimangot na sagot nito. "Saka ipinilit lang na ibigay ni Mama ito, hindi alam ni Papa."

Sinundot siya bigla ng konsensiya. "Hala, sorry, Damon. Naobliga ka tuloy na ilabas ako."

"Okay lang. Ayoko rin namang nasa bahay lang tayo."

"Kung pag-usapan n'yo kaya ng pamilya mo ang problema mo sa kanila?" naisip niyang sabihin.

"Hindi ako pakikinggan ng mga 'yun. Walang tama sa mga anak nila kundi si Kuya Lucius lang. Black sheep ako, parating mali, parating palpak," maasim namang pahayag ni Damon.

"Buti ka nga may pamilya. Kita mo naman ako, parang nobody's girl. Inayawan ako ng magkabilang angkan ng nanay at tatay ko tapos 'yung umampon naman sa akin, parang ginawa lang akong alila niya. Lahat ng ibinigay niya sa akin ay may kapalit na serbisyo ko, may kapalit na panunumbat niya. Iba pa rin kapag ang pamilya ang magmahal, Damon, walang kondisyon. I will give anything just to have a family like yours."

Hindi tumitingin sa kanya ang lalaki, nakayuko lang ito sa pagkain. Pero alam niyang nakikinig ito sa mga sinasabi niya.

"Lalo na ngayong Pasko. Alam mo ba kung gaano kalungkot 'yung naiiwan ka sa boarding house habang 'yung mga boardmates mo ay umuuwi sa kani-kanilang bahay para ma-celebrate ng Christmas? Nakakasawa na ring nag-iisa kapag Pasko."

"Mas mabuti na lang mag-isa kesa magkaroon ng pamilya na puro kamalian mo ang napapansin," sa wakas ay reaksiyon ni Damon.

Tinapik niya ang kamay nitong nakapatong sa mesa. "Ano ka ba! You think your family's that bad? Buti nga hindi kayo nagpapatayan gaya ng ibang nababalitaan ko."

Nagkibit-balikat lang ito saka inubos ang natitirang lemon iced tea sa baso nito.

"Sa palagay mo ba ay ang paglayo sa pamilya mo ang tanging solusyon sa problema mo sa kanila?"

Pasko Na, Jacinta KoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon