"SAAN ka pupunta?" sita ni Damon kay Jace nang mahuli siya nitong palabas ng silid ng cottage bitbit ang kanyang duffle bag.
Buset. Kung bakit maagang nagising ang damuhong ito. Nadiskaril tuloy ang plano niyang takasan ito at umuwi na ng Maynila.
"Uuwi na," flat niyang sagot sa lalaki at tinungo ang pintuan.
Humarang naman si Damon sa kanyang daraanan. "Bukas pa tayo uuwi ng Estrella."
"Uuwi na ako ng Maynila!" angil niya dito.
Humalukipkip naman ito. "Bakit?"
Bakit?" balik-tanong niya saka ngumanga. "Anong bakit? Aba'y wala na akong gagawin dito, Dominador. Tapos na ang palabas natin. Ayos na kayo ng pamilya mo."
"Hindi mo ba kukunin ang thirty-five percent na share mo? Nag-usap na kami kagabi nina Papa. Willing silang bigyan ka ng—"
"Ganyan ba ang tingin mo sa akin? Mukhang pera?" mapait niyang putol sa sasabihin nito.
"Hindi ganoon ang ibig kong sabihin— Jace, alam naman natin na kailangan natin pareho ng pera kaya tayo nagpanggap na may relasyon, hindi ba?"
"Oo nga naman." Tiningnan niya nang mas matalim pa sa balisong ang lalaki. "Paano ko ba naman makakalimutan 'yun? Of course pera lang naman ang dahilan ng lahat ng ito. Pati 'yung naudlot nating chukchakan ay pera din ang dahilan n'yon, hindi ba?" litanya niya na puno ng pait at sarcasm.
Ibinuka ni Damon ang bibig ngunit walang namutawing salita mula doon. Muli nito iyong itinikom at saka nagtagis ang mga ngipin nito.
"Ang tanga-tanga ko lang kasi nagpadala ako sa pagpapanggap natin," naiiyak na sabi ni Jace. "D-dapat hindi na kita kinilala nang
lubusan, dapat hindi na ako nakipag-close sa iyo, o pumayag na halikan mo a-at higit pa sa halik."
"Jace..." sambit ni Damon at hinawakan siya sa mga balikat. "D-don't go, please," pakiusap nito.
"Wala nang dahilan para manatili ako dito, Damon."
"What about Christmas? Gusto mong magdiwang ng Pasko na nag-iisa ka?"
Pasko?! So, iyon lang ang dahilan nito kaya siya pinipigilan?
"Please, let us celebrate this Christmas together."
"T-together?" Hindi niya napigilan ang pag-aasam.
"Yes, together. W-with my family. Malulungkot sina Mama kung aalis ka na."
Hinintay niyang may sasabihin pang iba si Damon ngunit wala na itong ibang binigkas pa bagamat parang may ibang gustong ipahiwatig ang lalim ng pagkakatingin nito sa kanya.
Posible nga kayang tama siya sa hinala? Pareho kaya sila ng nararamdaman para sa isa't-isa?
Gusto na niyang sakalin ang sarili sa hindi-mapigil na paghawak sa huwad na pag-asa. Siya lamang itong nag-iisip ng kung anu-ano.
MASAGANA at masaya ang Noche Buena ng pamilya Villalobos. Napakaraming pagkain ang nakahain sa mesa. Dumalo din doon saglit ang pamilya ni Tiyo Teodoro at nakipagkuwentuhan sa kanila. Nahihiya si Jace dahil ang alam pa rin ng mga ito ay sila pa rin ni Damon. Inulan nga sila ng mga tanong kung kailan ang kasal at sinagot naman ang mga ito ni Damon na baka sa susunod na taon.
Ganito pala talaga ang isang pamilya, naisip ni Jace. Parang walang anumang awayang nangyari sa Escape, parang hindi nagsuntukan ang magkapatid na Lucius at Damon. Masayang nag-uusap ang mga ito at hindi naiwasan ni Jace ang mainggit. May mga bagay talagang hindi nabibili ng pera. Isa na doon ang pamilya, isang bagay na matagal nang wala sa kanya. Saklap ng buhay niya. No money, no honey na nga, no family pa. Hashtag forever alone!
BINABASA MO ANG
Pasko Na, Jacinta Ko
RomancePHR book published in 2016 Christmas story Short and fast read Happy ending