Chapter 10
Sinadya ni Kaylene na bagalan lang ang lakad. Sa kanang kamay ay ang leash ni Bernie habang sa kabila ay ang ice cream in cone na kanyang nilalantakan.
Ayaw niya pang umuwi.
Nang makarating kanina sa bahay mula sa eskwela ay agad s'yang nagpalit ng damit at lumabas na.
Ayaw n'yang titigan ang cellphone na nagri-ring hanggang sa mamatay at magri-ring ulit habang ang pangalang Juan Saturnino Serrano III ang lumalabas sa screen.
May ilang text na din doon si Saturn. Buti na lang alam naman nito na hindi talaga siya naglo-load. Sasabihin niya na lang na inilabas niya si Bernie at hindi niya dala ang cellphone kaya hindi niya nasagot ang tawag. Hindi niya talaga dinala.
Higit sa lahat, ayaw n'yang harapin - ni ayaw n'yang isipin bakit may kung anong kumikirot sa loob niya dahil kina Saturn at Ysabelle.
Muntik niya nang mabitawan ang paubos nang ice cream nang matanaw si Saturn sa labas ng gate nila. Nakahilig ito sa kotse nito at nasa tenga ang cellphone.
Malakas na tumahol si Bernie at nagmamadaling lumapit sa lalaki. S'yempre nahila siya nito dahil hawak niya ang leash. Gusto man n'yang pigilan ang alaga ayaw n'yang masakal ito.
Agad na ibinaba ni Saturn ang cellphone.
Yumuko muna ito upang i-pet si Bernie. Masaya na namang kumahol ang pahamak na aso. Humihimas pa rin ito sa ulo ng alaga nang muling tumayo at humarap sa kaniya.
"Iniwan mo ako."
Napalunok siya. Hindi ito nagtatanong. Sigurado ito.
Madilim ang mukha nitong nakatungo sa kaniya. Salubong ang kilay at nagtatagis ang panga.
"Nauna lang ako..."
"Kaya nga. Nauna ka at iniwan ako."
Naghari ang katahimikan sa pagitan nila. Hinaplos-haplos niya na lang muna ang alaga. Anong sasabihin niya? Sorry? Bakit siya magso-sorry?
"Sorry."
Akala niya sa kaniya nanggaling 'yon pero hindi.
Galing ito sa binata sa harap niya. Nagtatagis pa din ang panga nito pero malumbay na ang mga mata.
"Sorry natagalan kaming mag-usap ni Belle. Nainip ka siguro kaya mo ako iniwan."
Maging siya ay hindi naniniwala na naniniwala ito sa sariling sinasabi. Para bang kinukumbinsi lang nito ang sarili na kasalanan nito para hindi na magalit sa kaniya.
Hindi nito kasalanan.
Sure rin siya na hindi niya kasalanan.
Huminga siya ng malalim. Nagsikap na ngumiti.
"Ano ka ba, wala naman 'yun. Hindi mo kailangan mag-sorry."
Wala s'yang ideya bakit lalong dumilim ang anyo nito. Parang masama pa 'yung sinabi niya.
"Sa susunod," anito na tila ba kinakalma ang sarili. "Sa susunod... Kapag gusto mo nang umuwi ay sabihan mo ako. Uuwi na tayo."
Halos matawa siya sa histerya. "Baliw. Alangan naman higitin na kita eh may kasama ka pa."
"Hindi ko siya kasama. Kausap ko lang siya."
"Gan'on din 'yon."
"Hindi gan'on 'yon. Kahit pa kasama ko siya, o kahit sino, kapag gusto mo nang umuwi, uuwi na tayo."
"Baliw..."
"Uuwi na tayo hindi 'yung iiwan mo ako."
Napalunok siya. Shit. Parang kailangan niya din talaga mag-sorry?
BINABASA MO ANG
Fierce Young Hearts
Teen FictionJuan Saturnino Serrano III, a privileged rich boy who gets away with everything, and Almira Kaylene Aguilar, an average girl. This is their story. *** Disclaimer This is a work of fiction. Names, characters, business, places, events and incidents ar...