Chapter 4
Ilang minuto lang ang lumipas nang mag-ring na ang bell. Hudyat na lunch break na. Mabilis na nagpaalam sa kanila si Ma'am Jenny at lumabas ng silid. Agad rin namang umingay at nagsitayuan ang mga kaklase nila patungong pinto.
Sinuksok lang ni Kaylene ang sulat ni Saturnino sa bag saka tumayo. Habang hinihintay ang mga kaibigang nagsusuklay at nagpupulbos pa ay sinuklay niya rin gamit ang daliri ang kan'yang full bangs. Hinigpitan rin ang tali sa buhok. Nakulot na ang dulo nito dahil sa kinalag na tirintas.
Naramdaman ni Kaylene na papalapit sa kanya ang lalaki. Mabilis n'yang hinigit palabas si Grace. Hindi niya alam kung bakit natataranta siya sa paglapit nito pero ayaw niya itong makasabay kumain.
Maya-maya lang ay nakasunod na sa kanila si Danie. Nauna na silang bumaba sa canteen dahil magsi-CR pa raw ang iba. Sinabi na lang ni Kaylene na ipag-rereserba ang mga ito ng pwesto kaya bababa na sila. Ngunit sa totoo lang ay ayaw niya lang makalapit sa kanya si Saturnino.
Walang s'yang ideya kung seryoso ba ang lalaki o isa na naman ito sa mga walang kwentang pakulo nito. Basta ang alam ni Kaylene, ayaw niya nang magkalapit sila. Tama na 'yung isang gulo sa pagitan nilang dalawa. Pakiramdam niya kung makikipagkaibigan siya rito ay mas malala lang ang mga mangyayari.
Kaylene can't seriously believe they will really be friends. She hates his guts and the way he smirks irritates her. Hindi niya alam kung kakayanin niya ang presensya nito nang hindi niya nasusuntok o napagsasalitaan ng masama.
Maingay at masikip na sa canteen pagdating nila. Ang ingay ng mga estudyante ay nakakadagdag sa init ng panahon. Mabuti na lang may nakita silang pwesto kung saan kakasya naman silang walo. Masikip doon pero mas mabuti na kesa wala.
Si Kaylene na muna ang naiwan para magbantay. Nag-presinta si Grace na ibibili na siya pero tinanggihan niya. Hindi niya alam ang gustong kainin kaya siya na lang ang bibili.
Ilang minuto lang ay nakabalik na ulit sina Grace at Danie. Sumimangot siya nang makita kung sino ang kasunod ng dalawa. Malawak ang ngisi ni Saturnino at may hawak na dalawang styrofoam na hula niya ay pinaglalagyan ng pagkain.
Inilapag 'yon ng lalaki sa harapan niya. Binigyan niya ito ng masamang tingin.
"Ano naman 'yan?" sita niya. Nakataas ang kilay.
"Styro malamang," sabi nito habang umuupo sa tabi niya.
"Alam ko. Bobo ba ko?" naka-angil siya pero sa totoo lang ay pinagtatakpan lang ang pagkailang. Ramdam niya ang kuryosong tingin ng dalawang kaibigan. "Ibig kong sabihin, para saan 'yan? Ba't mo ako binibigyan?"
"Ba't galit ka na naman?" sagot naman ng lalaki. Natatawa. Binuksan na rin nito ang isa pang dala. "Binigyan ka na nga, nagsusungit ka pa."
"May pera ako hindi mo ako kailangan bigyan," aniya saka inusog palapit dito ang puting lalagyan.
Nagsimula na itong sumubo pati na rin ang mga kaibigan niya.
"O, wala naman akong sinabing wala kang pera, ah?"
Umirap na lang siya saka inusog ulit upang mas lalong mapalapit ang styrofoam sa lalaki. Inusog naman ulit nito iyon pabalik sa kanya. "Kainin mo na 'yan. Walang ibang kakain n'yan. Sayang lang."
Pinaningkitan niya ito ng mata pero mukhang wala man lang epekto. Bakit kaya kahit nagagalit na siya ay tawa lang ito nang tawa? Bakit parang tila walang epekto ang galit niya rito? Hindi ba talaga nito sineseryoso ang ibang tao?
Wala s'yang nagawa kundi kunin ang pagkain at simulan na itong kainin. Ikaw ba naman ang konsensyahin nito nang 'yung iba nga walang makain d'yan tapos ikaw sasayangin mo lang.
BINABASA MO ANG
Fierce Young Hearts
Teen FictionJuan Saturnino Serrano III, a privileged rich boy who gets away with everything, and Almira Kaylene Aguilar, an average girl. This is their story. *** Disclaimer This is a work of fiction. Names, characters, business, places, events and incidents ar...