Naging busy ang lahat sa paghahanda para sa fiesta. Halos buong November eh gumawa lang ng activities tungkol sa gaganaping pagce-celebrate ng kapistahan ng lugar namin. Siyempre dahil don walang pasok. Kaya naman malungkot ako nung araw na iyon. Hindi ko kasi siya nakikita.
“Rizza! Buti naman at pinayagan ka!” bati sa akin ng mga kaibigan ko. Madalas kasi akong hindi payagan na sumama sa parada. Ang tagal ko nang nasa lugar namin pero iyon ang unang beses na nakasama at nakapanood ako sa parada.
“Oo naman, pinilit ko na sina mommy. Sabi ko baka ito na ang last bonding natin eh.” Paliwanag ko. Nandito kami kina Shiela, dito naman kasi palagi ang tagpuan dahil malapit lang sa plaza.
“Mabuti naman. Hintayin na muna natin sila tapos sabay sabay na tayong manood dun sa plaza.” Sabi ni Apol. Isa din sa mga kaibigan ko.
“Oy , sina Doner yata yun eh?” tumuro pa si Shiela sa may kanto. Kumaway naman kami at tinawag namin sila. Tatlo silang lumapit, si Pipo, si Doner, at siya.
Oo, nandun si Gian. At sobrang saya ko nung araw na ‘yon. Na-conscious pa nga ako sa itsura ko dahil hindi pa ako nagsusuklay simula nung lumabas ako nung umaga. Nabasa na din kasi ako ng tubig sa daan dahil Gawain dito sa lugar namin kapag piyesta eh nagbabasaan. Bagong relax pa naman ako nung nun kaya medyo matigas ang buhok ko kapag nababasa. Pero hindi ko na lang pinansin, hindi naman kasi siya tumitingin sa akin.
Pinagmasdan ko na lang yung mukha niya. Napatingin naman sa akin si Shiela na halata mong kinikilig kasi malapit ako kay Gian. Siguro, isang metro lang ang layo namin sa isa’t-isa. Wala pa yatang isang metro. Parang tatlong hakbang lang.
At yun nga, pinagmasdan ko lang ang mukha niya. Doon ko napansin na mahaba pala ang mga pilik mata niya. Hindi ko kasi nakita yun nung Science Camp. Nakasumbrero kasi siya that day. Ngayon, walang humaharang sa mukha niya.
Ahm, hindi siya guwapo. May itsura lang. Hindi siya yung tipong mapapalingon ka kapag dadaan siya. Sakto lang. Hindi siya perpekto, may pagkaweirdo siya, pareho kami. Pero may epekto talaga siya sa akin nung una kong kita sa kanya. Love is blind? No. It sees but doesn't mind.
“O sige, punta na ulit kami dun!” sabi ni Pipo. Medyo nalungkot pa nga ako kasi lalayo na sila. Pero sabi ko nga noong araw na iyon, at least nakita ko sya nang malapitan.
Nakita ko ulit siya.
Masaya na ako dun.
***
“May crush ka kay bugoy ano?” sabi sa akin sa text ng isa niyang classmate. Yung boyfriend ng friend ko, classmate ni Gian.
“Paano mo naman nasabi?” reply ko sa kanya.
“Eh ano yung gb na nakalagay sa gm mo?” tanong niya.
Napangiti naman ako. Ganon na pala ka-obvious. At hindi ko alam kung ano ba ang sumapi sa akin nung araw na iyon at tinanong ko si Kelvin.
“Ano number niya? Pwede kong mahingi?” kumakabog talaga ang dibdib ko nun.
Ang kapal nga ng mukha ko eh. Feeling ko talaga mali yung ginawa ko nun. Pero okay din naman pala na tinanong ko yun dahil, hindi ako masiyadong nagmukhang desperada na makuha ang number ni GB dahil wala naman pala akong makukuha.
“Wala eh, walang cellphone yun.” Sabi nung classmate niya sa text.
Mabuti na lang hindi ba? Kasi kung meron malamang ipapasa niya sa akin ang number ni GB at itetext ko iyon at mapapahiya ako ng bongga.
Mabuti na lang talaga wala siyang cellphone.
