“Hindi kita kayang iwasan eh..” sabi mo. “Bakit naman?” tanong ko. “Kasi mahal kita.”
At dahil doon hindi ako nakatulog. Para naman kasi siyang timang. Isang beses ba naman eh hindi niya na ako pinansin. BUONG araw yun. Hindi siya nagtext, hindi siya tumingin sa akin, iniwasan niya ako, at totally parang wala lang ako sa kanya. Nakabalik na kami sa school nun. Wala nang baha eh. Pero naiba ang room namin.
That day tinanong din ako ni bhessy. “Bhessy, anong gagawin mo kung hindi ka na pansinin ni Gian Beau?” buong buo yung pangalan na binanggit ni bhessy. Nahiya tuloy ako baka may ibang makarinig. Though alam na nila na nagiging close na kami ni Gian.
“Wala. Wala akong gagawin. Siya naman yung hindi papansin sa akin eh.” Sagot ko.
Kaya naman pala tinanong ni bhessy yun, kasi may usapan sila ni GB.
Kinausap ni bhessy si GB, ayon sa pagkakaalam ko, tungkol sa akin. Tinanong niya kung talaga bang ‘mahal’ (yan ang term ni bhessy, ayon sa pagkakasabi niya sa akin) ako ni GB at patunayan daw niya sa hindi pagpansin sa akin ng buong araw. Eh kaso, hindi nakatiis ang mokong at nung hapon pa lang bigla na siyang nagtext.
Tinanong ko kung anong problema at bakit niya ako hindi pinapansin, kahit na may kutob na ako na may kinalaman yun sa tinanong sa akin ni bhessy nung umaga. Kinuwento naman niya sa akin. Kaso ang sabi niya…
Hindi daw niya ako kayang iwasan kasi…
Mahal niya daw ako.
Pero sa totoo lang. Walang epekto sa akin yung text na ‘yon. Hindi ko alam kung bakit. May kung ano sa loob ko ang nagsasabing huwag akong maniwala.
Kasi bakit ang bilis?
Bakit mahal agad?
Eh saglit pa lang kaming nagkakilala.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na mahal ko din siya kaso parang mali.
Kasi alam kong hindi pa yun ang nararamdaman ko.
