Bakit ang tao kapag malungkot naaalala nila ang araw kung kailan sila masaya?
Pero bakit ang tao kapag masaya eh hindi na nila naaalala ang panahon kung kailan sila malungkot?
Dahil ba sa pangungulila? Panghihinayang? Na hindi na nila kailanman mababalikan ang nakaraan kung saan masaya pa sila sa piling ng taong… pinahalagahan niya at ngayon, isa na lang ala-ala?
“Salamat dahil para kang teacher, tinuruan mo akong magmahal ng totoo!” (from a letter, April 3, 2010)
May, isa ito sa mga month na hiniling ko na sana hindi na lang dumating. Dito, dito ako bumuo ng isang desisiyon na sa huli ay pinagsisihan ko din. Pero ano nga ba ang magagawa ko? Hindi ko na maibabalik pa ang dati. Let’s go with the flow na lang.
At isa pa,
There’s no turning back.
****
Sa wakas, dalawang buwan na kami ni Gian. Since wala nang pasok sa school, bihira na kaming magkita. Dapat talaga magkikita kami nung 23 ng April. Kaso, hindi siya dumating sa tagpuan namin.
Sa totoo lang, dumating naman yata siya. Nagtago lang ako sa kanya yun. Ilang oras na kasi akong naghintay pero hindi pa din siya dumadating. Maiiyak na nga ako nun eh, pero sabi ko hindi dapat akong umiyak. Kaya naman nagpunta na lang ako kina bhez. Malapit lang kasi ang bahay nila sa tagpuan namin ni Imba ko.
“Oh bhez? Bakit ka nandito?” tanong niya sa akin. Alam niyang malungkot ako.
“Wala lang. Dumaan lang ako dito. Nasa Wawa ako kanina eh.” Sabi ko. Naupo ako sa sofa nila.
“Eh akala mo magkikita kayo ni GB ngayon?” tanong niya. GB na din ang tawag niya kay Gian since GB ang tawag ko sa kanya.
“Wala eh, hindi siya sumipot.” Pagmamaktol ko.
Nagkuwentuhan na lang kami ni bhez ng kung anu-ano. Tapos nung umuwi ako, sabi ni mommy may naghanap daw sa akin. Eh hindi niya nga kilala si Gian sa mukha, kaya siguro hindi nasabi ni mommy na nasa wawa na ako.
Naging okay naman kami kahit na medyo nanlamig ako sa kanya nung hindi kami nagkita nung mismong araw na iyon. Tapos, nung nagpunta pa kami sa Antipolo, sumakto naman na second monthsary namin.
Talagang ang tadhana mapaglaro,
kaya hindi na naman kami nagkita nung araw na iyon.
Nagtext naman siya, kaso ang hina ng signal ko dun kahit na nasa bundok. Kaya hindi ako makapagtext ng maayos.
Isa pa, nainis ako sa kanya nun dahil hindi man lang siya nag-effort. Kahit man lang sana na tawagan niya ako edi matutuwa pa ako nung day na iyon. Hindi ko talaga alam ang nangyayari kaya hindi na lang ako umiimik. PInalampas ko iyon, pero ang tanong ko sa sarili ko…
Kailangan bang magbago ang pagsasamahan dahil nagbago na din ang posisiyon niyo sa buhay ng isa’t-isa?
Naisip ko pa, mas okay pa pala nung hindi pa kami. At least nage-effort siya para makausap ako. Hindi katulad nung kami na, nawalan na siya ng time sa akin.
“O boi kamusta naman?” tanong sa akin ni Jheng. Kababata ko. Nag-usap kami one time.
“Heto mabuti. Eh ikaw?” tanong ko din sa kanya
“Eto, mabuti din. Oo nga pala, kamusta na kayo ni GB?”
Kumalumbaba naman ako. “Ayun, hindi pa din nagtetext hanggang ngayon.” Sabi ko. Nahihirapan na kasi ako sa set-up namin. Hindi naman ako makapag online at makapag bukas ng facebook para kamustahin siya. Nasira ang computer namin nung mga panahon na iyon.
“Nakachat ko siya sa facebook. Sira daw ang cellphone niya eh.” Sabi ni boi.
Nung narinig ko yun, medyo nainis ako. “Kailan pa daw?”
“Nung nakaraang araw pa. Hindi ba niya sinabi sa iyo?”
At lalo akong nainis. Dahil dun, nag-isip ako ng mabuti.
Effort, effort lang naman ang hinihingi ko nun sa iyo.
Kahit na hindi ko sinabi, sana naramdaman mo. Ang gusto ko lang naman, eh magpunta ka sa bahay. Kausapin mo ako. Bisitahin mo ako. Kamustahin mo ako. At kung nasira man ang cellphone mo, sana nakitext ka. O kaya pinuntahan mo ako sa bahay gaya nung gabi bago kita sinagot.
Hindi mo man lang ba naisip na namimiss kita? Hindi mo man lang ba naisip na nag-aalala ako sa iyo? Ano bang pinagka-abalahan mo bakit hindi mo ako mapuntahan nun?
Napuno ako. Kaya naman napagdesisyunan ko nang makipaghiwalay sa iyo.
Humahanap lang ako ng tiyempo.
Pero hindi ko naman talaga gustong gawin yun.
~
”Sana kahit marami tayong makilalang iba, hindi natin malimutan ang isa’t-isa.” (from a letter, April 3, 2010)
Hindi naman kita nalimutan eh. Hanggang ngayon…. hindi kita makalimutan.
Ikaw pa yata ang nakalimot sa atin kahit na ikaw ang nagsabi na sana walang makalimot.