"Kung pwede lang ibalik ang nakaraan marami akong babaguhin... Kasi ang daming nasayang na time sa atin bago nagin tayo. Sayang kasi wala na Pero ayos lang yun, basta nakilala kita..." (from a letter, April 3, 2010)
~
Halos isang buwan din yata akong walang balita sa kanya nun. Kasi mga kalagitnaan ng September, bigla naman ang buhos ng ulan. Tumagal pa nga ng halos isang buwan na walang kuryente. Kaya naman nawalan ng pasok nang mahigit dalawang linggo. Pero nung medyo ayos na, sinabihan naman kami ng school na puwede na daw kami pumasok. Hindi nga lang sa mismong paaralan dahil lubog pa ito sa baha.
Dahil bumagyo nung katapusan nung September, sa gymnasium kami ng plaza nags-stay para sa lessons. Baha kasi ang school. Medyo mahirap lang ang set-up dahil talagang dikit dikit ang bawat section na nakaupo sa bleachers at open space ang gym kaya sobrang kalat ang ingay noon.
Pero, masasabi kong pabor pa sa akin na naging ganoon ang set-up ng pasok namin. Bakit? Siyempre, kitang kita ko siya sa upuan niya.
Nasa ibaba kasi kami nun. May mga blackboards na harang naman at may ilang upuan na nasalba kaya okay lang na nasa baba ka. Yung section nila, nasa itaas naman. Nakaupo sa bleachers at nasa ibaba ang blackboard. Kung titignan mo nakakaawa ang sitwasiyon naming mag-aaral. Pero kinatuwa ko pa talaga yun.
Araw-araw akong masayang pumapasok kahit na alam kong wala akong maiintindihan sa lesson lalo na sa Physics subject namin dahil sa ingay. Pero siyempre, buong galak pa din akong gumigising ng maaga para lang masilayan siya.
Medyo hindi ko din siya napagkikita nung time na iyon dahil busy kami sa pag-aasikaso sa isang laban na gaganapin sa ibang school. Kaya naman palagi akong excuse sa subject na Computer, kung saan classmate ko siya. Ayun, nabawas-bawasan ang pagsilay ko sa kanya. Pero ayos lang, may mga times naman na nakakasalubong ko siya tuwing break time. Kaya lang, hindi kami nagpapansinan.
Isang araw nga, nakangiti akong nagsusulat sa notebook ko nang bigla akong kausapin ni Shiela, isa sa mga kaclose kong kaibigan. “Uy ano ‘yan Rizza.” Napatingin pa siya sa sinusulat ko. Tinakpan ko naman kaagad yun.
“Ah wala, wala.” Sabi ko. Pero alam ko namang nakita na niya.
“Ayee, sino ba don?” tumingin pa sya sa puwesto kung saan ako nakatingin. Sa puwesto ni Gian.
“Wala nga Shiela, ‘wag nang makulit.” Sabi ko. Pero kinikilig ako nung time na ‘yon. Para kasing nakatingin din siya sa akin eh. Hindi ko naman kasi makita ng maayos. Malabo na ang mata ko kaya blurry na ang nakikita kong mukha sa malayo.
“Patingin na lang niyan.” Kinuha naman ni Shiela yung notebook ko na sinusulatan noon at lumapad ang ngiti niya nung mabasa ang nakalagay.
“Rizza ♥ Gian” ang nakalagay. Tapos sa ilalim pa nun, may “Rian” na nakalagay. Pinagsamang pangalan naming dalawa. Kahit na sobrang hiya ko nun, wala na akong nagawa. Nakita na ni Shiela eh. Kaya sinabi ko na lang sa kanyang…
“Huwag kang maingay ah? Kunwari hindi mo nakita ‘yan.” Saka ako bumalik sa pagtitig kay Gian.
At oo nga pala, hindi ko alam kung paano ko nalaman na birth month mo ito. May nagsabi yata sa akin kahit hindi ko naman tinatanong. Siguro halatang halata na gusto kita kaya kahit wala akong imik, sila na ang nag-uumpisang mgakuwento ng kung ano tungkol sa iyo.
Hopeless na ako nung mga panahon na iyon na mapansin ni Gian. Hindi na kasi kami nagkausap after nung camp. Minsan lang naman magtagpo yung mata naming dalawa. Minsan din kaming magngitian. Nahihiya kasi akong ngumiti sa kanya eh. At alam na ng friends ko na gusto ko siya nung time na yun pero nakiusap ako sa kanila na huwag akong asarin kapag dadaan siya. Mahirap na kako, baka mailang pa si Gian sa akin eh.
Kaya naman kahit na mahirap eh kinuntento ko na lang ang sarili ko sa pagnanakaw ko ng tingin sa kanya. Sanay naman na ako eh. Ganito din naman ang set-up ko sa mga lalaking lihim kong minahal noon.
Palaging invisible.
Palaging hindi napapansin.
Palaging akala mo hindi nage-exist.
Kaya sanay na sanay na ako.
