Kabanata II

153 14 51
                                    

- 1983 -

Mula sa Maynila, ilang oras ang binyahe namin papuntang Alaminos, Pangasinan. May piyesta doon na inaabangan ng Lola at Lolo ko at dahil sa ako ang unang apo, laging pakiusap nila Lola at Lolo na bumisita ako doon sa kanila. Dinala kami ni Ama doon at kasama niya akong mananatili sa bahay nila Lola. Si Inay nagpaiwan sa Maynila para asikasuhin ang negosyong inaalagaan niya kasama ng mga nakababata kong kapatid.

Nang makarating kami sa destinasyon namin, madilim na ang paligid, bihira man ang ilaw pero sapat na ang isang bumbilya na nagsisilbing ilaw ng bahay nila Lolo at Lola. Bago matulog ay ipinaghanda kami ni Lola ng hapunan. Wala talagang kupas ang bangus dito at nakakatuwa dahil hindi talaga mawawalan ng gulay sa hapag. Ibang-iba ang mundo dito sa probinsya kumpara sa Maynila, pero sa totoo lang mas buhay ang gabi sa Maynila dahil dito alas-siyete pa lang ng gabi, kailangan na naming matulog.

*****

Kinabukasan ay narinig kong tumilaok na ang manok, pagtingin ko sa orasan ko ay alas cuatro pa lang. Ang aga magising nila Lolo at Lola dito. Siguro namamahay pa ako kaya mababaw lang din ang antok ko. Pinagmasdan ko si Ama pero mahimbing pa siyang natutulog, ayoko na rin ipilit ang sarili kong matulog pa dahil baka mamaya magising pa si Ama sa kalikutan ko. Siguro mamaya na lang ako magbawi ng tulog sa hapon, presko naman dito eh.

"Oh, Apo," bati ni Lola sa akin, "Magandang umaga." nagmano ako sa kanya at pinaupo niya ako sa kahoy na upuan. Siguro ay gawa ito ni Lolo, isa kasing karpintero si Lolo eh. Pinagtimpla ako ni Lola ng mainit na cocoa at sakto noong pagbalik ni Lolo ay may dala dala na siyang mainit init na pandesal.

"Aba Alvis, ang aga mo namang nagising." natatawang kumento ni Lolo at nagmano ako.

"Mababaw lang po kasi ang tulog ko." mahinahong paliwanag ko sa kanya.

"Nakatulog ka naman ba ng maayos, Apo?" muling tanong ni Lola sa akin at tinaguhan ko lang sila bilang tugon.

"Tulog pa ang Ama mo, nakakapagod din kasi ang biyahe mula Maynila hanggang dito." natatawang ani ni Lolo na sinangayunan ko lang. Sinawsaw niya ang pandesal sa kanyang kape, "Gusto mo bang sumama sa akin mamaya sa bayan?"

"Pabayaan mo nga muna ang bata magpahinga, Crisanto." suway ni Lola kay Lolo, "Mamaya mapagalitan ka pa ng anak mo dahil kung saan saan mo na naman dadalhin yung apo mo."

"Grabe ka naman Mirasol, hindi ko naman pinapabayaan si Alvis." ginulo ni Lolo ang buhok ko, "Babalik din tayo agad." muling hirit ni Lolo sa akin. Nginitian ko na lamang siya at sumangayon sa iminungkahi niya, tamang bonding na rin namin ito, isa pa minsan ko lang naman silang makasama at matagal tagal na rin naman akong hindi nakakapunta dito.

"O siya kung ganoon ay mamalengke ka na rin para makapagluto ako ng pagkain sa tanghalian natin." paalala ni Lola kay Lolo at inabutan siya ng pera at listahan ng mga bibilhing sangkap.

"Tutulungan ko na rin po si Lolo sa pagdadala mamaya ng bibilhin niya." mungkahi ko kay Lola na dahilan kung bakit niya ako sinuklian ng maaliwalas na ngiti mula sa kanyang labi.

Nang matapos kami ni Lolo mag-agahan, isinuot ni Lolo ang kanyang sombrero at magkasama kaming naglakad papuntang bayan. Madami dami ring ang mga taong nakasalubong namin na halos lahat ay binabati si Lolo na parang kaibigan siya ng lahat. Napuna man nila ako ngunit dahil sa hindi ako marunong magsalita ng Ilocano ay tinangotanguhan ko lang sila para hindi naman ako masabihang bastos. Alam ko rin naman na sa pagpapakilala ni Lolo sa akin sa mga nakakasalamuha niyang mga tao ay pinagmamalaki niya ako bilang apo niya. Masyado lang talagang malambing si itong si Lolo.

Tulad ng ipinangako ko kay Lola ay dinala ko ang mga pinamili ni Lolo para hindi na rin siya mahirapan. Ngunit sa hindi inaasahan ay may naaninag akong babae hindi sa kalayuan na palapit mula sa gawi kung saan ako nakatayo. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman ko noong oras na iyon dahil isa lang ang naiisip ko noon: para siyang bulaklak na kasing aliwalas ng sikat ng araw.

Natural ang kanyang ganda at nakaayos ang buhok niya kahit pa may iilang hibla na nakalaylay sa tagiliran ng kanyang tenga na kakaayos niya lang. Mapungaw ang kanyang mala tsokolateng mga mata at mahaba ang pilik mata niya. Sigurado akong tsokolate ang kulay ng mga mata niya dahil nakita ko siyang tumabi sa gilid ko na may dala-dalang basket. Hindi ko man naiintindihan ang lengwaheng binibitawan niya, ngunit ang marinig ang boses niya ay isang awitin na masarap pakinggan ng paulit-ulit. Hindi ko inaasahan na magkakasalubong ang mga mata namin. Tama nga ako tsokolate nga ang mga mata niya, bilugan ito at halos parang kasingkulay nito ang ininom kong cocoa kanina.

"Alvis, aba akala ko nawala ka na." boses ni Lolo ang bumasag sa katahimikan kung saan akala ko hindi na ako makakawala dahil sa mga matang nakatitig sa akin. "Oh, hija, kamusta na?" bati ni Lolo sa babae na nagpatigil ng oras sa paligid ko kani-kanina lang.

"Ayos lang po Lolo. Heto po, namamalengke po ako para kay Lola." nakangiting ani niya. Teka, marunong siyang magtagalog?

"Pagpalain ka ng Diyos hija. Ikamusta mo na lang ako kay Erlinda at kung may maitutulong kami ni Mirasol, huwag kang mahihiyang lumapit sa amin ah?"

Anong pangalan niya Lolo?

Bwisit! Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagsalita sa harapan ng taong 'to. Ano ba ang nangyayari sa akin?

Teka kung alalahanin ko rin naman wala naman akong naging kaibigang babae sa tala ng buhay ko. Mukha raw kasi akong laging galit sa mundo. Kasalanan ko ba na ito ang mukha ko? Malamang sa malamang ganito rin ang iniisip ng babaeng ito na ngayon ay hindi ko alam kung nahihiya o natatakot na sa akin. Iniwasan ko na lang ang kanyang mga titig baka mamaya ano pa ang isipin niya sa akin.

"Makakarating po, salamat." sambit ng babae at nagpaalam na rin sa amin ni Lolo. Nakita kong dumiretso na siya sa kabilang hilera kung saan siya bibili ng karne pero muli siyang tumingin sa gawi ko. Sabi ko nga hindi ko na siya titingnan, ano ba naman Terrence!

"Nakakatuwa ang batang iyon, napakasipag." ani Lolo at sumunod na ako sa kanya bago pa siya ulit mawala sa paningin ko, si Lolo na lang ang titingnan ko. "Sayang nga lang at wala na siyang mga magulang."

"Bakit po?" anong nangyari sa mga magulang niya?

"Iniwan kasi siya ng mga magulang niya dito sa probinsya. Yung ama niya walang may alam kung nasaan siya at yung nanay naman niya nagbakasakali sa Japan. Hindi na rin siya binalikan dito." paliwanag ni Lolo, "Buti nga at kasama niya yung Lola niyang si Erlinda. Halos, kaedad mo lang din ang batang iyon Alvis."

Hindi ko pa man nalalaman ang pangalan niya pero sa nalaman ko kay Lolo, parang ayokong maniwala na ganoon ang nangyari sa babaeng iyon. Para sa isang taong may ganoong karanasan sa buhay, masyadong magaan kung pagmamasdan siya dahil sa mga ngiti na ibinibigay niya sa mga taong nakapaligid sa kanya.

Para siyang bulaklak na hinaharap ang sikat ng araw... anong tawag sa bulaklak na iyon? Ah, sunflower.

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon