Huling Kabanata

174 17 48
                                    

- LYNDA -

"Magandang araw Binibini."

Muli kong narinig ang boses na matagal ko nang hindi naririnig na dahilan kung bakit muling tumugtog ang isang musika sa dibdib ko kasama ng isang melodiya na pamilyar sa akin.

Gustuhin ko mang lingunin ang nagmamay-ari ng boses na iyon pero natatakot ako na baka umaasa lang ako sa wala.

Baka nananaginip lang ako dahil matagal tagal na rin nang makita ko ang mukha niya-

"Nais kong sabihin sa iyo na natanggap ko ang huling liham mo." lumakas ang awitin ng puso ko nang marinig ko ang boses niya mula sa likuran ko.

Nakaramdam ako ng matinding pagkakaba dahil sa presensya niya na batid ng kaluluwa ko ay may epekto pa rin sa akin.

Teka- hindi ko naman ipinadala ang liham na iyon sa kanya kaya paanong?

Nang lingunin ko na siya ng tuluyan, may kung anong nabuhay sa puso ko na hindi ko maipaliwanag gamit ng tamang salita.

Pagkagalak, pagkasabik at pangungulila ang pangunahing pang-uri na lumitaw sa aking isip habang inuusisa ko ang mukha niyang maaliwalas akong nginingitian.

Nasaksihan ko ang imahe ng kanyang pagbabago.

Mula sa pagiging mahiyaing binata na nagtatago sa tatlong letra na natatanggap ko sa mga liham niya sa akin, noong mga bata pa kami.

Hanggang sa siya'y maging isang kagalang galang na ginoo na siyang humaharap sa akin ngayon.

Kahit pa ngayon ay bakas na ang katandaan sa kanyang mukha, hinding hindi ko pa rin makakalimutan ang kulay ng mga mata niya. Kung saan sinasalamin nito ang tunay na kulay ng puso niya na minsan na niyang hinandog sa akin ng buong buo.

"Terrence..." tawag ko sa pangalan niya habang pinipigilan ang boses kong hindi mabasag.

Kasabay ng pagtulo ng luha niya ay ang pagkulong niya sa akin sa kanyang mga bisig. Ang mga bisig kung saan ito ang nagsilbing kanlungan at tahanan ko noong walang wala ako.

"Lynda, patawarin mo ako." humikbi siya ss balikat ko na para bang hindi na niya kaya pang magpakatatag sa harapan ko, "Patawarin mo ako." paulit-ulit siyang humingi ng tawad sa akin kasama ng umaagos niyang luha na pumapatak sa balikat ko.

Dahan-dahan niya akong itinulak para pagmasdan ang mukha ko na matagal na niyang hindi nakita, hanggang sa hindi ko na rin maitago ang mga naipong luha ng puso ko na siyang pinupunasan ng hinlalaki niya.

"Ako nga ang dapat humingi ng tawad sa iyo, Terrence." mahina kong ani at umiling siya. Napakagatlabi ako at tumungo.

Nahihiya ako sa harapan niya.

Malaki ang kasalanan ko sa pamilya namin. Naging mahina ako kung saan nakasandal ang mag-ama ko sa akin. At ang kahinaan ko ang dahilan kung bakit tuluyang gumuho ang pamilya na binuo namin ni Terrence.

Ako, na dapat ay ilaw ng buhay niya ay naupos na kandila hanggang sa ako'y mawalan na ng liwanag.

"Lynda," pagsusumamo niya, "Ako ang pundasyon ng pamilya natin, pero hindi ako naging matatag," pag-akin niya sa kakulangan niya at kinulong ang mukha ko sa kanyang palad, "Pabayaan mo akong bumawi sa pagkukulang ko sa iyo. Pabayaan mong suklian ko ng tama ang pagmamahal na binigay mo sa akin."

Walang lumabas na kung anumang salita mula sa bibig ko habang pilit kong dinadala ang puso ko sa harapan niya.

"Tanggap pa rin ba ako sa tahanan kung saan ako kumakatok ngayon?" tanong niya na may halong lambing.

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon