Kabanata X

70 15 43
                                    

- 1987 -

"Anak," basag ni Ama sa katahimikan naming dalawa nang makarating na kami sa terminal. Inabot niya sa akin ang isang sobre, "Ipinapaabot niya sa akin ang liham na iyan." bakas sa mukha niya ang matinding panghihinayang, "Habang nasa pila pa tayo, pwede mong basahin iyan." nakangiting ani niya, "Marunong ka na rin namang lumuwas, hindi ba?" hindi ko alam kung bakit natanong sa akin ni Ama iyon na para bang nabasa na niya ang reaksyon ko bago pa man ako makapagdesisyon.

Agad kong binuksan ang liham na para sa akin na mula kay Lass. Doon ko nabasa ang pag-amin niya sa akin na matagal na niya akong kilala kahit hindi ko pa sabihin sa kanya dahil nirerespeto niya ang hangganan ko. Pero kapalit no'n ay ang kapabayaan ko sa nararamdaman niya dahil binigo ko siya.

Tama siya, tama siya na pinangunahan ako ng takot at pangamba na baka sa kapag nakilala na niya ako, ay bigla na lang magbago ang lahat. Marami man kaming pinagkapareha pero magkaibang tao pa rin kaming dalawa. Natakot ako magsimula ng panibagong kabanata kung saan haharapin ko na siya at titingnan mata sa mata.

Pinagdudahan ko ang sarili ko na baka hindi ko magawa ang inaasahan kong gawin para sa kanya. Wala pa akong maipagmamalaki pwera lang sa hinahawakan ng puso ko para sa kanya.

Hindi siya isang bulaklak na pipitasin ko dahil gusto ko, kaya kahit matagal, gusto ko siyang alagaan kahit pa sa malayo para mas lumiwanag pa ang pagsibol niya. Gusto ko pagdating ng panahon, kung kailan handa na ako harapin siya, pwede niya akong ipagmalaki.

Pero mukhang mataas ang tingin ko sa sarili ko para pangunahan ang saloobin niya.

'Hindi ko alam kung tapat ang iyong pakikipagkaibigan sa akin dahil hindi sapat ang mga salita para iparamdam mo iyon sa akin.

Matagal akong umasa na kahit papaano ay mabibigyan tayo ng pagkakataon na magkausap at magkalwentuhan sa personal. Pero ang TAM na kilala ko ay ibang iba sa Terrence na nakikita ko sa personal kapag nagkakasalubong kami.

Pakiramdam ko ay hindi mo ako kilala. Naguguluhan man ako ngunit iniisip ko pa rin kung bakit mas pinili mong paniwalaan ang nakita mo kaysa sa mga salitang sa'yo ko lang sinabi.

Kung ganito lang kababa ang pakikipagkaibigan mo sa akin, mas mabuti pang hindi ko na lang ito tanggapin. Pasensya ka na Terrence. Paalam.'

Pagkadismaya.

Ito ang kulay ng tinta na ginamit niya kasama ng ilang butil ng luha na tumulo sa papel ng kanyang liham.

Ang tanga ko!

Pinauna ko si Ama at muling nagpaiwan para mabigyang linaw ang gulong pinasok ko.

Umuwi sa bahay nila Lolo at Lola na para bang inaasahan din nila na babalik ako. Hindi ko alam kung bakit masaya silang makitang bumalik ako pero dahil sa suporta ni Ama, ni Lolo, ni Lola at ng huling payo ni Jojo... Oo, nagsisisi nga ako.

Nagsisisi ako sa mga panahong pinalampas ko dahil sa kaduwagan ko.

Muli akong sumulat ng liham para sa kanya. Gusto kong makabawi ngunit hindi na niya tinugunan pa ang mga liham ko pagkalipas ng dalawang araw.

Hindi pwede ito.

Hindi na ako gagawa ng bagay na pagsisisihan ko.

Muli ay nag-ipon ako ng lakas ng loob para muli siyang harapin ngayon, ng personal.

Sa isang karihan sa bayan kung saan ko siya nakitang nakatungo at nagsusulat sa kanyang kwaderno, nilapitan ko siya at binuo ang boses ko, "Patawad kung ngayon lang, Binibini." nahihiyang ani ko at nakita ang mga liham ko na nakaipit sa kwaderno niya noong sinarado niya iyon sa harapan ko. Dahan-dahang nagsalubong ang mga mata namin, "Akala ko hindi mo natanggap ang mga liham ko," nakangiti kong ani sa kanya at pinipilit na hindi matunaw sa harapan niya. Sa ekspresyon ng mukha niya, hindi niya inaasahan na makita ako dahil ang buong akala niya ay nakauwi na ako sa Maynila ngayon. "Hayaan mo sana ako magpakilala ng personal." panimula ko, "Ako nga pala si Terrence."

Tinugunan niya ako ng matamis na ngiti kahit pa may ilang butil ng luha sa mga mata niya, doon ko unang beses nakita ang sarili ko sa mga mata niya na hindi ko kailanman nakita sa harapan ng salamin. Hindi ko akalain na ganito ang hitsura ko sa mga mata niya. Masyadong maamo ang mukha ko na ngayon ay unti-unti nang ngumingiti sa harapan niya.

"Ang ganda naman ng mga mirasol na iyan." natutuwang puri niya sa mga bulaklak na dala ko para sa kanya. Muntikan ko na makalimutan na may daladala pala akong bulaklak. Nakakahiya. Inabot ko sa kanya kaagad ang tatlong pirasong mirasol, "Teka, bakit tatlo?" nakangiting aniya habang inaamoy ang mga inalay kong bulaklak sa kanya, "Pwede namang isa lang Ginoo." pilit pa rin siyang nagpapakapormal sa harapan ko kahit na hindi na naman kami gumagamit ng panulat at papel para maipahayag ang saloobin ng isa't-isa.

"May mensahe ang mga bulaklak na ito," panimula ko at huminga ng malalim, "Mirasol ang naihalintulad kong bulaklak sa tuwing nakikita kita na kahit sa malayo ay binibigyan mong liwanag ang buong kapaligiran." ngumiti ako nang mapatawa ko siya na dahilan kung bakit ikinasaya iyon ng puso ko, "Kaya tatlo kasi: Nais kitang ligawan." pag-amin ko sa kanya bago pa maubos ang inipon kong lakas ng loob.

Nakita ko kung paano namula ang kanyang pisngi na itinago niya sa likuran ng tatlong mirasol. "Hi-hindi ako nagmamadali, maghihintay ako kung kailan mo ako papayagan, i-isa pa gusto ko ring bumawi sa iyo dahil binigo kita." halos nauutal kong ani dahil mukhang mali ata ako ng sinabi. Ngayon ko lang ata hindi napaghandaan ang nais kong sabihin sa kanya, nakakahiya, "Sa ngayon gusto ko lang muna maging malapit na kaibigan mo Lass." sumilip siya mula sa likuran ng tatlong bulaklak na tinatakpan ang mukha niya, napahawak ako sa batok ko at umiwas ng tingin sa kanya.

"Lynda." nahihiyang aniya nang balikan ko siya ng tingin doon ko lang nakita na katulad ko rin siya, "Gusto kong tawagin mo akong Lynda." pilit niyang binuo ang boses niya sa harapan ko at nang muling nagsalubong ang mga mata namin, hindi ko mapigilan ang matawa sa itsura naming dalawa at ganoon rin siya.

Isang awitin sa puso ko ang marinig kong humagikgik siya sa harapan ko.

Itong babae na ito sa harapan ko ang mirasol na pagsisikapan kong mapangiti sa araw-araw ng buhay ko.

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon