Kabanata I

215 18 55
                                    

- NGAYON -

Matagal tagal na rin nang makatanggap ako ng liham mula sa kanya.

Sa kasalukuyan, bihira na ang mga taong nagsusulatan dahil sa teknolohiyang nauuso at nagpapabago sa takbo ng henerasyon ngayon. Mas maginhawa sa kabataan ngayon na gumamit ng computer, ng cellphone, ng social media at ng kung anu-anong pang apps na madodownload online. Sa panahon ngayon, napakaliit ng mundong ginagalawan ng mga tao dahil sa internet na ilang taon na ring nagkaroon ng magandang pundasyon para tulungan ang mga taong magkalapit kahit pa malayo sila sa isa't-isa.

Ngunit sa panahon kung kailan hindi pa madali ang kumonikasyon sa pagitan ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundo, ang makatanggap ng liham mula sa mga mahahalagang tao sa buhay mo ay isang biyaya dahil iyon ang pruwebang maitatago mo sa paglipas ng mahabang panahon.

Kayamanan para sa akin ang makatanggap ng liham mula sa kanya. Ngunit takot at pangamba ang aking nadarama dahil matapos ng ilang taon, ngayon na lang ako ulit nakatanggap ng liham mula sa kanya. Kabaligtaran ng nararamdaman kong pagkasabik noong mga bata pa kami ang makatanggap ako ng liham mula sa nag-iisang babaeng minahal ko ng lubos at binigo sa haba ng panahon. Kung tutuusin matapos ng nangyari sa amin, alam kong wala na akong maihaharap sa kanya. Inaasahan kong kakalimutan na niya ako at aabandunahin ang alaala naming dalawa.

Pero bakit sinulatan niya ako ngayon?

Kalakip na makikita sa sobre ang pangalan ko at ang address kung saan niya ito ipinadala.

To: Terrence Alvis Mendez

Hindi pa rin nagbabago ang sulat kamay niya. Napangiti ako nang maalala ko kung paano nagsimula ang naging kwento naming dalawa noong mga bata pa kami.

From: Lynda Ariel S. Sandoval

LASS.

Lakas loob kong binuksan ang sobre ng hindi ito napupunit at binasa ang liham niya na sa tingin ko ay huling liham ko nang matatanggap mula sa kanya.


Kamusta ka na Ginoong TAM,

Walang araw na hindi kita nakalimutan, ngunit sa panahong ito sa tingin ko ay kailangan ko nang lisanin ang alaala ng ating kahapon. Habang naiisip ko ang panahong nakalipas, hindi ko pa rin mapigilan ang mapangiti sa tuwing pinagmamasdan ko ang mga niregalo mo sa aking mirasol at postcards. Napuno ko na ang isang album ng postcards, may mga napuntahan man tayo doon pero bilang lang sa kamay ang mga lugar kung saan tayo nagkaroon ng litrato na magkasama. Naaalala mo pa ba iyon?

Mga bata pa tayo noon at nakakatuwa na minsan mo akong sinama sa mundong hindi ko pa napupuntahan dahil akala ko hindi ko na lilisanin ang bahay namin dito sa probinsya. Ikaw ang nagsabi sa akin na malaki at malawak ang mundo kaya dapat kong pabayaan ang sarili kong galugarin ang mga imahe na akala ko ay sa litrato ko lang makikita at mag-iwan ng mga alaala na hinding hindi ko malilimutan.

Hindi ko maiwasan ang hindi maluha dahil isang kayamanan ang maging parte ka ng buhay ko sa likod ng mga alaala na alam kong ayaw mo ng balikan. Huwag mong sisihin ang sarili mo sa naging kahinaan ko noon. Wala kang kasalanan sa anuman ang nangyari sa akin. Siguro sadyang mahina lang talaga ako kahit pa pinipilit kong magpakatatag sa harapan mo. Ayokong dumating ang araw na wala kang masasandalan sa tuwing nanghihina ka, pero binigo kita at dahil doon pati mga anak natin ay nasaktan natin.

Pasensya ka na kung dahil sa nangyari ay isang mabigat na desisyon ang iyon ginawa para sa kabutihan ng pamilya natin. Hindi kita sinisisi sa mga naging desisyon mo dahil kilala kita higit pa kanino man. Siguro nga ay hanggang doon na lang tayo dahil parehas tayong naging mahina para umasa sa pangakong binitawan natin sa isa't-isa.

Ito na ang huling liham na matatanggap mo mula sa akin dahil alam kong hindi na babalik ang ating kahapon. Mula noon hanggang ngayon, minamahal pa rin kita kahit na nakalipas na ang kwento nating dalawa.

Iyon lang ang pangakong maiiwan ko sa iyo hanggang sa dulo ng walang hanggan. Maraming salamat sa mga alaalang iniwan mo dito sa puso ko.

Inayos ko ang salamin ko dahil lumalabo na ang mga mata ko habang binabasa ko ang liham niya na ngayon ay punong puno na ng luha ko. Nagtapos ang liham niya sa mga salitang hindi niya kailanman binitawan sa akin.

Paalam, Terrence.

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon