Kabanata VIII

63 16 40
                                    

- 1985 -

To: TAM

From : LASS

Sumulat siya pabalik.

Sumulat siya pabalik!

Hindi ko maitago ang ngiti sa labi ko noong natanggap ko mula kay Jojo ang sagot ni Lynda sa akin pabalik!

"Edi siya na may bagong kaibigan." tukso sa akin ni Jojo na dinaig pa ng nakababata kong kapatid.

Natatawa akong umiling at nagpasalamat sa kanya, "Maraming, maraming salamat dito Jojo!"

Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa kaibigan kong ito.

*****

Nasundan ang pagpapalitan namin ng liham ni Lynda ng hindi lang isa, dalawa o tatlong beses.

Sa taon-taon kong pag-uwi sa probinsya, ang makatanggap ng liham mula kay Lynda ay naging alab sa dibdib ko na ayokong maupos.

Si Jojo ang naging tulay naming dalawa, kaya minsan ay pinapadalhan ko rin siya ng kung ano man ang hilingin niya mula sa Maynila. Para lang mabayaran ko rin ang utang na loob ko sa kanya sa pabor para ipadala kay Lynda ang mga liham ko.

Hindi ko pa sinabi sa mga naunang liham ko sa kanya ang tunay kong pangalan. Sa totoo lang, nag-iipon pa ako ng lakas ng loob para sa pagdating ng araw na iyon.

TAM.

Iyon ang pakilala ko kay Lynda mula sa daglat ng tunay kong pangalan.

Sa ilang beses naming pagpapalitan ng liham, unti-unti ko siyang nakikilala.

Hindi ko alam kung bakit mas madali ko siyang nakakausap sa pagsusulatan namin ng liham.

Pakiramdam ko kasi sa tuwing magkakasalubong kami sa daan ay mabubulol ako kapag kinausap ko siya ng harap-harapan. Ayoko namang maging katatawanan sa harapan niya. Kaya labag man sa kalooban ko na hindi siya pansinin para lang maiwasan kong magkamali, pinipili ko na lang na huwag siyang tingnan para walang dahilan na magkausap kaming dalawa na siyang iniilingan ni Jojo minsan.

Teka nga, ano bang mali doon?

*****

Minsan ko na ring nagawan si Lynda ng tula, mula sa inspirasyon na minsan niyang ipinamahagi sa akin nang minsan niyang mabasa ang ilang liham tungkol sa naging sama ng loob ko sa aking mga magulang.

Huli na nang naalala ko ang tungkol sa maaga niyang pangungulila sa kanyang mga magulang. Iniwan na lang siya ng kanyang ina sa kanyang lola at hindi na niya binalikan pa ang kanyang anak.

Nalungkot ako para sa kanya noon. Nahiya ako dahil hindi tulad niya, kasama ko pa ang mga magulang ko na handa akong suportahan sa aking pag-aaral.

Kapag dumating ang panahon, ako yung maging kaibigan niya na pwede niyang sandalan anumang oras niya kailangan.

Marami akong aral na natutunan sa kanya sa pagsusulatan namin. Naging karamay namin ang isa't-isa sa mga salitang hirap kaming ipaliwanag sa ibang tao. Kung hindi dahil kay Jojo, hindi magiging regular ang takbo ng pagpapalitan namin ni Lass ng liham ng ilang taon ngunit may hangganan din ang lahat lalo na noong ipinaalam sa akin ni Jojo na papasok siya sa Academy para makapag-aral ng libre at makapagtapos.

May punto rin naman si Jojo noong binitawan niya ang mga salitang, "Kung hindi ka magpapakilala sa kanya, posible siyang mawala sa iyo. Baka kapag nangyari iyon, magsisi ka Terrence."

Nag-ipon ako ng sapat na lakas ng loob para magpakilala kay Lass ng personal nang aminin ko na sa sarili ko na ang simpleng paghanga ko sa kanya ay mas lalo pang lumalim sa paglipas ng panahon.

Noong makumpirma ko na sa sarili ko kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya, kasabay noon ang nakita ko siyang may kasamang ibang lalaki sa simbahan kung saan ko dapat siya haharapin pagkatapos ng piyesta.

Natigil ang pagsusulatan namin noong nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan. Imbis na magpakilala ako sa kanya, humingi ako ng pasensya dahil hindi ko siya hinarap noong gabing pinangako kong makikipagkita sa kanya.

Naisip ko pa noon, para saan pa. Hindi naman imposible na may ibang lalaking magkagusto sa kanya. Ako nga na dayo lang sa probinsya nagustuhan siya at malamang ay maging nobyo niya na rin ang lalaking kasama niya noong gabing iyon.

Bagay din naman silang dalawa kung titingnan.

Tanda ko pa noon na sa sobrang pagkikimkim ko ay napuno ko ang drum nila Lolo at Lola noon sa probinsya. Na miski wala silang iutos sa akin noon ay kusa akong kumikilos sa gawaing bahay para lang iiwas ko ang sarili ko sa emosyon na hindi ko naman dapat nararamdaman sa isang kaibigan.

Kinausap ako ni Ama tungkol sa tinatago tago kong saloobin, akala pa niya may nakaaway ako o ano, pero sa sobrang gulo ng isipan ko, hindi ko mawari kung paano ipapaliwanag sa kanya ang emosyong unang beses kong naramdaman sa tao.

"Normal lang Apo ang makaramdam ka ng selos kung may nakikita kang nagpapakita ng motibo sa napupusuan mo. Dati nga may lumapit lang na lalaki sa Lola mo naiinis na ako eh." ani Lolo at dinamayan kami ni Ama sa likod bahay noong gabi na iyon.

Matagal na raw nilang napapansin ang pagbabago ko sa taon-taon kong pagbisita kami ni Ama sa bahay nila kaya kahit daw hindi ko sabihin, alam nila na may nagugustuhan akong babae.

"Anak, mukhang iba ang tama ng babaeng ito sa iyo ah." nakangiting ani ni Ama, sinubukan kong depensahan ang sarili ko sa kung ano man ang iniisip nila ngunit hindi ako makapagsinungaling sa harapan ni Ama, "Ayos lang 'yan anak, walang mali sa nararamdaman mo." tinapik niya ang balikat ko, "Sa totoo nga laking tulong ng ginagawa mo dito sa bahay na halos lahat ng iutos ng Lola mo sa amin, ikaw na ang gumagawa." tukso sa akin ni Ama habang pinapagaan ang bigat na nararamdaman ko sa kalooban ko.

Selos.

Iyon ang dahilan kung bakit unti-unting naupos ang apoy na dating nag-aalab sa dibdib ko.

Bakit ako makakaramdam ng selos kung alam ko naman sa umpisa na imposibleng lumagpas ako sa hangganan ng pagiging magkaibigan naming dalawa ni Lass?

Katulad din nga ata ng katapusan ng isang liham itong nararamdaman ko sa kanya.

Kailangan ko na atang magpaalam sa apoy na nag-aalab sa puso ko.

Matagal na kitang gusto Lynda.

Ngunit, paalam,

T.A.M

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon