Kabanata V

77 15 48
                                    

- NGAYON -

"Nangyari na ang nangyari Nina, bakit ba kailangan mo pa itanong ito sa akin?" tinalikuran niya ako at kinuha ang isang kahon na napansin ko kanina pagkapasok ko. Binuksan niya iyon sa harapan ko at laking gulat ko nang makita kung ano ang laman ng kahon na iyon, "Bakit nandito ang lahat ng ito?"

Bakit ngayon ko lang nakita ang mga ito?

"Itinago kong lahat iyan, dahil sabi ko nga noon hindi mo na kailangan pang mabasa ang mga iyan." malamig niyang ani.

Napuno ng liham na kailanman ay hindi ko nakita at nabasa ang kahon na kaharap ko ngayon. Tila nagkaroon ng malaking alon sa dibdib ko nang makita ko isa-isa ang mga sobre at liham na kalat-kalat sa loob nito. Halata sa papel nito na napaglumaan na ito ng panahon. Punit-punit na rin ang ilang mga sobre na malamang ay binasa na ni Nina ang nilalaman ng lahat ng liham ni Lynda para sa akin.

Nakita ko ang isang litrato noong dalawang taon pa lang ang panganay naming si Travis kahit pa edad lang niya ang nakasulat sa likurang bahagi ng mga larawan na kinunan ni Lynda sa kanya. Namamanhid ang mga kamay ko habang inaayos ko ang mga liham na ipinagkait sa akin ng panahon para mabasa iyon isa-isa. Gusto kong singilin ang oras dahil nasaan ako noong ipinadala niya lahat ng liham na ito sa akin?

Nasaan ako noong mga panahon na iyon?

Tiningnan ko siya pabalik at tinanong, "Bakit mo ito itinago sa akin Nina?" hindi ko na halos makilala ang sarili kong boses.

"Idedepende ko sa kasagutan mo ang magiging sagot mo sa tanong ko kanina." masyadong matigas ang ulo niya. Iyon lang ang pinagkapareha namin, hindi ko alam kung ano ang pinaplano niya kung sasagutin ko ang tanong niya ng buong katapatan pero ano pa ba ang mawawala sa akin ngayon? Wala na naman na akong pinanghahawakan pa.

"Ayokong pagsisihan ang mga naging desisyon ko," I admitted almost in defeat, "Pero ang paulit-ulit na beses ko siyang binigo at sinaktan, iyong ang pinagsisisihan ko Nina." naramdaman ko na lang ang luhang akala ko hindi ko na mararamdaman na tumulo mula sa mga mata ko, "Si Lynda lang ang nagmamay-ari ng puso ko, alam mo naman iyon umpisa pa lang."

May kapaitan sa mukha niya nang muli niyang bigkasin ang pangalan ko, "Pero mahal kita Terrence," patuloy pa ring umaagos ang luha niya sa harapan ko, "Sobra kitang mahal kaya ayokong makita mo ang mga sulat niya sa iyo dahil alam kong iiwan mo ako. Pero kahit anong laban ko, talong talo ako sa kanya. Kasal man tayo pero ang puso mo nasa kanya pa rin."

"Kahit anong gawin mo," hinarap ko siya at umiling, "Hindi ko kaya suklian ang damdamin mo Nina." sinubukan kong makipaghiwalay noon sa kanya at iminungkahi ko ang pagpapawalang bisa ng kasal namin pero ayaw niya. Tatlong taon mula noong ikinasal kami Nina pero hindi ako madalas umuwi sa kanya ni ang tabihan siya sa kama hindi ko magawa dahil hindi siya si Lynda. Bihira akong umiwi sa kanya dahil mas buhay ako kapag si Lynda ang kasama ko.

Alam naman ni Nina na wala ring patutunguhan ang pagsasama naming dalawa dahil wala naman talagang pagmamahalan na namumuo sa aming mag-asawa. Ngunit matigas ang ulo niya noong pumayag siyang may kahati siya sa buhay ko. Naging bulag si Nina sa pinapaniwalaan niyang pinakasalan ko siya dahil may pag-asang magkakaroon siya ng puwang sa puso ko. Ginamit niya ang pagiging legal na asawa ko sa karapatan niyang mangialam sa kagustuhan kong mangyari sa buhay ko.

Kung tutuusin, kasal lang naman kami sa papel dahil ito ang ipinakiusap niya sa akin noon at ito rin ang hangarin ni Inay kapalit ng isinisisi niyang pagkamatay ni Ama ng maaga dahil daw sa pagkadismaya niyang malihis ako ng landas ng dahil lang hindi ang tulad ni Nina ang gusto kong pakasalan. Ayoko naman atakihin pa si Inay sa sama ng loob kung ipipilit ko pa ang gusto ko. Nawalan ako ng boses sa pamilya namin at lahat ng mga kapatid ko ang tingin sa akin ay masamang impluwensya. Naging kakampi ko man si Ama bago siya bawian ng buhay, pero dahil sa nangyari sa kanya; nawalan ako ng masasandalan noong lahat ng tao ay salungat sa kagustuhan kong gawin sa buhay ko.

Mabigat sa kalooban ko ang pakasalan ang babaeng hindi ko mahal, pero anong magagawa ko kung ito ang idinidikta sa akin noon ng panahon?

Kung utang na loob lang ang dapat kong pagbayaran, handa akong pagbayaran iyon sa ibang paraan. Kahit pa kumayod ako at magtrabaho para sa pamilya ni Nina gagawin ko dahil hindi naman katulad ng pamilya ko ang pamilya niya na mas angat sa amin sa usapang pangpinansyal.

Ngunit ika ni Inay, hindi sapat ang pera para maging pambayad sa utang na loob. Kapalit ng ginhawa ng natamasa ng pamilya ko mula sa naging tulong ng mga magulang ni Nina ay ang napako kong pangako sa nag-iisang babaeng nagmamay ari ng puso ko.

"Sinubukan ko Nina," halos pabulong kong ani, "Kahit pa paano ay naging mahalaga ka sa akin at alam mo iyon. You're still Leah's mother."

I see nothing but pain and regret in her eyes, "I am, pero kung walang nangyari sa atin noon hindi rin naman tayo magkakaanak. Ako lang naman ang mapilit sa ating dalawa hindi ba?" I closed my eyes as I remember everything like yesterday. Iyon ang dahilan kung bakit ilang taon din akong hindi nagpakita kay Lynda noon. Naging maselan din ang pagbubuntis ni Nina noon at ayoko namang mapahamak ang anak namin kung pipiliin kong maging makasarili noong mga oras na iyon.

"Kasalanan ko rin naman kung bakit naging miserable ang buhay mo. Hindi ako naging patas sa iyo Nina." pilit kong inaayos ang sarili ko kahit pa ang pundasyon na kinatatayuan ko ay matagal ng durog, "Pagod na rin akong magalit Nina." nanghihinang ani ko, "Isa pa matanda na tayo Nina. Tama na."

"Iyon na nga eh," nakangiting ani niya na may bakas pa ng luha sa kanyang mga mata, "Hindi na nga tayo mga bata Terrence, kaya tinitimbang ko kung ano ang dapat kong panghawakan sa relasyong ito tutal wala na rin naman ang pipigil sa gusto mong gawin ngayon. Isa pa, hindi na rin tayo masaya sa samahan na pilit natin– pilit kong pinaglalaban sa loob ng mahabang panahon."

Inilabas niya mula sa kahon ang isang brown envelope. Inabot niya sa akin ito at agad ko rin itong binuksan. Isang dokumento ang nilalaman ng brown envelope na kusang inabot sa akin ni Nina.

"Let's just move forward."

Liham at Mirasol : A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon