Akdang likha mula sa kolabarasyon nina
Candace (Axannnnn) at Azra (ofranciaa)Naaninag ko kung paanong kumislap ang mga tala matapos mong sandaling magwika. Sumabay sa bawat paghampas ng alon sa katawan ang kiliting nadarama sa kaibuturan matapos mong sabihing nais mo akong isayaw- hindi sa tabi ng kalsada, hindi sa lilim na parte ng paborito nating tagpuan, hindi sa gitna ng ulan, hindi sa dati nating tambayan, kundi rito, rito mismo sa lilim ng buwan at sa gitna ng isla't munti nating karagatan.
Sinayaw mo ako nang marahan. Maingat. Tapat. Sapat- nadarama ko lahat. Giliw, tumatatak sa bawat himaymay ang bawat luhang pumapatak. Hinapit mo ako nang tuluyan at humihikbing bumulong sa malapitan, "Sinisinta kita, oh irog ko, tuwi-tuwina."
Sabay nating pinagmasdan sa kalayuan ang marahang paghalik ng sinag ng buwan sa gitna ng kalmadong kariktan ng malawak na karagatan. Kapuwa nating pinagsalikop ang mga daliri't nakangiting tinanaw ang kabuoan ng kapaligiran. Nadarama ko kung paano mo ako niyakap nang marahan mula sa likuran, kung paanong yumapos sa akin ang mga braso mo't balikat matapos mong humangos nang magaan, at ang dahan-dahan at maingat na paglapat ng yaong labi sa tuktok ng aking ulo bago mo ako tahimik na awitan.
"Panalangin ko sa habang-buhay; makapiling ka, makasama ka. 'Yan ang panalangin ko."
Ang iyong munting pagsining ay sumabay sa marahang paghampas ng alon sa baybayin. Malamig man ang dala ng simoy ng hangin ngunit ang balat mo sa akin ay parang pitik ng tanghali. Takot ako noon sa atmosperang walang salita pero natutunan ko sa iyo na puwede kang magmahal sa blankong titigan dahil tayong dalawa lang ang nakakakita sa gintong linyang nakakabit sa ating dibdib. Kung babalik akong mag-isa sa mga lugar na ikaw ang aking huling kasama, ikaw lamang ang larawan na lalabas sa aking balintataw.
Inikot mo ako at tumitig sa aking mga mata na tila ba ako ang paborito mong planeta. Naalala ko muli; takot ako sa mga matang tumatama sa akin. Ngayo'y narito ako sa iyong lingap at bisig, walang pangamba. Tanging ating mga mainit na hininga at munting luha dahil ang kiliti sa kaibuturan ay yumakap na sa ating pumipintig na puso.
Rumagasa ang kamay ko sa iyong buhok at sinandal ang aking ulo sa iyong malambot na braso. Alam kong ilang beses na nila itong binanggit at nakasasawa na sa ilan dahil paulit-ulit ngunit ito pa rin ang paborito kong kataga:
"Mahal kita."
YOU ARE READING
pétalos de rosa
PoetryPetals of Rose. 𝑻𝒉𝒆𝒓𝒆 𝒂𝒓𝒆 𝒄𝒂𝒓𝒗𝒆𝒅 𝒘𝒐𝒓𝒅𝒔 𝒊𝒏 𝒆𝒗𝒆𝒓𝒚 𝒑𝒆𝒕𝒂𝒍 𝒕𝒉𝒂𝒕 𝒇𝒂𝒍𝒍𝒔. Book of poems and proses Language: Filipino/English