Pangaral at Kalinga
by engkandyosangche
Siya ang ilaw ng aming masayang tahanan,
Liwanag din siya ng aming munting tindahan,
Ginang na pinagmanahan ko ng talino't kagandahan,
Sa madlang tao'y buong puso kong ipagmamayabang.
Siyam na buwan ang pinagdaanan niyang hirap,
Hapdi'y tiniis upang sa mundo ako'y mai-harap,
Hanging umiihip sa pakpak ng aking pangarap,
Ibon ngayo'y lumilipad sa bughaw na alapaap.
Binusog niya ako ng alaga at pangaral,
Pinalaki niya akong mabuti't may tamang asal,
Sa tuwi-tuwina'y laging maging matapang at magdarasal,
Ginto kong itinuturing dakila't busilak niyang pagmamahal.
Tinuruan niya akong magpunla ng pakikisama't respeto,
Mayaman man ito o kahit walang titulo,
Pagtitiwala ng iba ay bukas-palad kong matatamo,
Tunay na pag-galang ang siyang aanihin ko.
Aking mga kasalanan ay hindi niya kinukunsinti,
Agad itinutuwid mga masasama't baluktot kong gawi,
Humingi ng paumanhin kung may nagawang pagkakamali,
Subalit matutong lumaban kung minamaliit at inaapi.
Sa bawat galak siya ang awtomatikong napapaluha,
Sa bawat patimpalak siya ang unang tagahanga,
Sa bawat laban siya ang nagsisilbing sandata,
Sa bawat tagumpay siya ang nagmamalaki't tuwang-tuwa.
Bisig niya ang kanlungan kapag ako'y nalulungkot,
Kung ako'y inis, ngiti niya ang gumagamot,
Haplos niya ang pumapawi sa'king bawat kirot,
Yakap niya ang hantungan kapag ako'y nalulugmok.
Tunay na walang kapantay ang kanyang pag-aaruga,
Napakalaking biyaya ang siya'y maging aking ina,
Pag-ibig ko'y mananatili kahit siya ay tumanda,
Pasasalamat ko'y dadalhin hanggang sa huling hininga.
BINABASA MO ANG
RAW 1st Poem Making Contest (CLOSED)
PoetryReader And Writers Hall is a sister group of SWWAR. Creator: Ms. Adrypot_Malikot. Will be helding a poem contest in connection with the Mother's Day Special. (CLOSED) Result will be posted on Saturday.