Pagmamahal ni Inay
by:thegothicreBELLE10
Kung ako'y mayroong lakas ng loob na taglay
Pagmamahal sayo'y buong pusong iaalay
Ngunit ako'y nahihiya dahil hindi sanay
Na magpakita ng lambing sayo aking inay
Kung naririnig lamang itong piping isipan
Ang iyong pagkadakila iyong malalaman
Hanga ako sayong bukod tanging kakayahan
Ikaw bilang bayaning higit na kanino man
Kung mayroon akong pinakaaayaw sayo
Iyon ay ang pagiging labis na maingay mo
At kung alin sa katangian ang pinakagusto
Iyon ay kung ano ang pinakaaayaw ko
Nakakarindi man ang iyong taglay na kulit
Natotorete't tila nawawalan ng bait
Kung minsan pa nga ako'y labis na nagagalit
Ang katangiang ito ang pinakamarikit
Sa tuwing ako ay iyong pinagagalitan
Pinipingot,tila bata sa kapasawayan
Inaamin ko nagtatampo't nasasaktan
Ngunit alam kong higit ang iyong nararamdaman
Sa mga pagkakamali ko sana'y patawarin
Hindi bukal sa akin na ika'y suwayin
Mga salitang kay anghang nang ika'y sagutin
Lubos kong pinagsisisihan sa tuwing aalalanin
Kung nakikita mo lamang ang aking pagluha
Dulot ng pagsisisi, pagmamahal at awa
Sa tuwing nahihirapan at nagkakasakit ka
Hindi ko alam ang gagawin o' aking ina
Sa tuwing maaalala mga gunitang kay tamis
Dulot mong init at pagmamahal mong labis
Naglalaho bigla mga hinanakit at inis
Pagmamahal mo inay ang pinakadakila't malinis
BINABASA MO ANG
RAW 1st Poem Making Contest (CLOSED)
PoetryReader And Writers Hall is a sister group of SWWAR. Creator: Ms. Adrypot_Malikot. Will be helding a poem contest in connection with the Mother's Day Special. (CLOSED) Result will be posted on Saturday.