PART 2

350 14 0
                                    

"Magnanakaw! Magnanakaw!" malakas na sigaw ng babaeng mataba na inagawan ng bag. Sinubukan ng babae na habulin ang snatcher ngunit gawa ng katabaan ay hindi ito nakaabot.

Pagdating ni Abbey sa dulo ng eskinita ay ipinasa niya ang nahablot na bag kay Botyok at pagkatapos ay walang anumang naglakad. Iglap ay makikitang parang napakabait na itong babae na walang ginawang masama sa kanyang kapwa.

"Tulungan na po kita, Lola." Siya pa sana ang magbibitbit sa dala-dala ng matandang babae na nakita niyang hirap sa paglalakad.

"Naku, hindi na, iha. Kaya ko na ito," subalit pagtanggi ng matanda.

"Sure po kayo?"

"Oo, iha. Ayun naman na ang pupuntahan ko. Salamat. Napakabuti mo. Pagpalain ka sana ng Maykapal."

Pasimpleng napangiwi at napalunok si Abbey. Imposible kasi ang sinasabi ng matanda. Paano siya pagpapalain ni Lord? Eh, ang dami-dami na niyang nadikwat na wallet, cellphone, at bag ng iba't ibang tao.

"Sige po. Ingat po, Lola," sabi na lang niya't nagtatakbo na siya paalis. Sa kamalasan ay hindi niya napansin ang isang bulto ng lalaking makakabanggaan niya.

"Ay! Ay!" sambit ng dalaga nang muntik na siyang ma-out of balance. Napapikit talaga siya nang husto. Mabuti na lang talaga ay may matitipunong bisig na humapit sa kanyang baywang.

"Are you okay, Miss?" puno ng pag-aalalang tanong ng husky na boses ng isang lalaki.

Ang kanyang hero. Char!

Isa-isang iminulat ni Abbey ang dalawang mata at nakahinga siya ng maluwag nang mapagtantong hindi talaga siya bumagsak sa lupa't hindi nagasgas ang nguso niya sa semento.

Una niyang nakita ang mapupungay na mga mata at matangos na ilong ng lalaki. Hanggang sa nabistahan niya ang buong mukha nito.

"Ang guwapo," ang sinabi ng kanyang isipan. He looked like a celebrity. Definitely not an actor dahil mahilig siyang manood ng TV at hindi niya ito nakikilala. A model perhaps, commercial model or clothing model.

"Okay ka lang, Miss?" ulit na tanong ng lalaki sa kanya.

Napasinghap siya. Natauhan na siya. "Shit, self, kailan ka pa naging malandi? Kailan ka pa naging interesado sa isang lalaki? Tomboy ka kaya!" at sita na niya sa sarili.

Iyon ang ipinipilit niya, na isa siyang tomboy dahil ayaw niyang matulad sa mga kaibigan o kakilala niya na nagmahal ng mga lalaki pero niloko lamang ng mga walanghiyang lalaki. Sa tuwing nakikita niya noon ang mga kaibigan niyang umiiyak dahil sa lintik daw nilang pagmamahal sa isang lalaki ay isinusumpa naman niya sa kanyang sa sarili na hindi siya kailanman magkakagusto sa isang lalaki.

Tumikihim na siya. "Okay lang ako. Bakit kasi hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo?!" at pagtataray na niya. Ungrateful na binawi niya ang kamay na hawak-hawak ng lalaking guwapo. Inayos niya ang sarili nang makatayo siya.

"Are you sure? Okay ka lang?" paniniyak ng lalaki. Nakita kasi nito na hirap siya kahit sa pagtayo.

"Oo nga!" angil niyang nakulitan. Hindi siya puwedeng maging sweet sa lalaki dahil doon nagsisimula ang lahat ng sinasabi nilang romance. Ang sama rin sana ng tinging ipupukol niya rito subalit bigla siya ulit natigilan nang mapansin na niya ang suot nitong uniporme.

Dahan-dahan niyang sinipat ng pataas at pababa ang porma ng lalaki.

"Oh, my gulay, may badge!" mayamaya ay hiyaw niya sa kanyang isipan. At talagang nanlaki na ang mga mata niya nang sunod naman nakita niya ang nakasukbit na baril sa gun holsters sa may tagiliran ng lalaki.

"Paktay ka, Abbey! Pulis ang tinarayan mo!" mahina ring naibulalas niya kasabay nang paglunok ng kanyang laway. Namumutla na ang kanyang mukha nang ibalik niya ang tingin sa guwapong mukha ng lalaki.

Friendly naman na ngumiti ito sa kanya.

"Hi po," mabait na niyang bati rito pero tabingi ang pagkakangiti. "Takbo na!" pero saglit lamang ay sigaw na niya sa kanyang sarili kasabay nga nang pagkaripas niya ng takbo.

"Pulis! May pulis!" sigaw rin niya nang paulit-ulit upang bigyang warning ang mga kasama niya.

"Miss, wait lang!" narinig niyang habol ng pulis sa kanya.

Naku po! Lalong binilisan ni Abbey ang pagtakbo. Walang lingon-lingon. Kailangang matakasan niya ang pulis. Hindi siya maaaring mahuli. Hindi siya maaaring makulong.

"Miss, tigil!" ngunit narinig niyang tawag pa rin ng pulis sa kanya. Nasusundan pa rin siya.

"Kung mamalasin nga naman, oo!" inis na usal ni Abbey sa sarili. Imbis na tumigil ay itinodo pa niya lalo ang pagtakbo. Lumusot-lusot siya mga iskinita, sa mga madaming tao, at sa mga iba't ibang tindahan.

Hanggang sa isang malakas na busina ng isang sasakyan ang nagpatigil sa kanya pagsulpot niya sa isang kanto. Hindi naman siya nabangga nang malala, sure siya. Para ngang dumikit lang sa katawan niya ang nguso ng kotse dahil nakapagprino agad ang driver, pero nakapagtataka na bigla na lang siyang nawalan ng malay.

"Miss, wake up," ang huling narinig niyang sinabi ng pulis na humahabol sa kanya.

Sana... sana ay hindi pa siya patay.

MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon